Naririnig ko sa labas ang boses ni Berto kaya naman nilabas ko siya mula sa aking maliit na kubo. "Apok may naghahanap sayo." Ang sabi ng nakangiting kababata ko, siya lang ang nag iisang nagtiyaga na kumausap sa akin dahil ang aking Ingkong ay kilalang mambabarang sa lugar namin. Siyam na taon pa lang ako ng mapunta ako sa lugar na ito. Sabi sa akin ng aking ina dati na magbabakasyon daw kami sa aming probinsiya, na kaming dalawa lang at bibisitahin namin ang tatay niya. Ilang oras lang ng kami ay dumating ng nagpaalam siya sa akin at sa ingkong ko na may bibilhin lang sa kabayanan na hanggang ngayon ay hindi pa nakakabalik. Simula noon si ingkong na ang nag alaga sa akin, at para matanggap ko ang pag ulila ng aking ina sa akin isang mahika-negra daw o pagbabarang ang ituturo at ipapamana niya sa akin, hindi na masamang pampalubag loob di ba. Nagtataka ako noon kung ano yung mahika-negra pero nito lang nung mapagisip-isip ko na mahikang itim pala ang katumbas nun. Isang mahigpit na utos ang ipinagbilin niya sa akin bago niya ako tinuruan ng pambabarang, ito ay ang huwag na huwag ko daw ibibigay ang tunay kong pangalan kahit kanino dahil pwede itong magamit ng mga mortal na kaaway ng mambabarang. Ang mangkukulam. Ito daw ang dahilan kung bakit gumagamit siya ng alyas na ingkong na ang ibig sabihin ay matanda o lolo, binigyan din niya ako ng alyas, apok o apo na may letrang k sa dulo at ito na daw ang gagamitin ko hanggang sa ako ay mamatay.
"Magpapagamot daw, kinukulam daw ata siya." Sabay turo niya sa kasamang lalaki na nakatayo sa likuran niya. Matangkad at mukhang magandang lahi ang pinagmulan, mukha din mayaman sa porma, magara din ang suot na damit at mukhang galing sa maynila kaya siguro nasabi ni Berto na malaking isda. Tiyak na mahihingan ko ito ng malaking halaga para sa serbisyo ko, minsan lang din kasi ako tumanggap ng ganitong mga kaso, mahal kasi ang singil ko sa kakaibang kaalaman na pinasa sa akin ng aking ingkong, pagtatanim ng iba't ibang uri ng gulay talagang hanap buhay ko. Ang mga naani kong gulay ay ibinibigay ko kay berto para maibenta ng kanyang asawang si Alice sa palengke sa kabayanan, paghahatian naman naming ang napagbentahan. "Galing na yan kay Ka Belay kaso tinanggihan, ayaw ata mapagbalingan nung mangkukulam. Haha." Paliwanag ni berto sa akin. Si matandang belay talaga ang kilalang albularyo sa amin, namana naman daw niya iyon sa kanyang ina na pinaniniwalaang mangkukulam noon. Nginitian ko si Berto at muling tinignan ang kasama niya. Mukhang ilang araw ng puyat ang lalaki, meron din siyang mga maliit na pantal na namumula sa mukha at mga kamay nito. "Sige pumasok ka sa loob." Ang sabi ko sa lalaki at sumunod ito. "Ikaw na bahala diyan ha apok. Babalik na ako sa amin at baka hinahanap na ako ni alice, mag-gagapas pa kasi kami nakasalubong ko lang yan palabas sa bahay ni Ka Belay." Pagpapaalam niya sa akin sabay kindat. Siyempre alam ko na ang ibig sabihin ng kindat niya na yon, ang komisyon niya sa paghahatid niya ng kliyente sa akin. Kapag natitiyempo na may hindi nagamot o tinanggihan si Ka Belay sa kanila ay palihim niya itong kakausapin, pero siyempre hindi niya sasabihin na sa akin dadalhin dahil baka may makadinig, alam niya ang kaakibat na kapahamakan ng aking nalalaman at alam din niya ang kahalagahan ng aming lihim. Sumenyas ako sa kanya ng okey at pumasok na ako sa loob.
Inalok kong maupo ang lalaki, "Anong pangalan mo?"Tanong ko sa kanya at umupo ako sa tapat niya, may isang maliit na lamesita na pumapagitna sa amin. "Richard Dela Cruz po."Ang sagot niya sa akin, mukhang bata pa ang kanyang mukha at nasa kalendaryo pa ang kanyang edad. Bigla siyang napangiwi sa kirot at may tumulong dugo sa isa sa mga maliliit na pula sa mukha niya, agad niya iyon pinunasan ng panyong hawak niya, napansin ko na hindi pantal ang mga maliliit na pula sa mukha niya, para itong maliit na butas na tinusok tusok ng karayom. "Ay lintek hanggang dito inaatake ka, kelan pa ba yan at ano bang ginawa mo? May kilala ka bang gagawa niyan sa iyo?" Ang muli kong tanong sa kanya. "Mga limang araw na po siguro, lagi pong parang tinutusok ng karayom ang ilang parte ng katawan ko lalo na ang sa mukha, hindi na nga po ako makatulog ng maayos sa gabi. Lagi din may mga sugat ang aking mga hita at binti sa tuwing magigising ako sa umaga." Itinaas niya ang suot na pantalon at nakita ko ang mga sugat na may dalawang pulgada ang haba, ang iba ay mukhang dinapuan na ng impeksiyon. "Sa palagay ko po ang kasambahay namin ang may kagagawan nito, siya lang po kasi ang may galit sa akin at nag sabing ipapakulam ako." Muli na naman siya napangiwi sa kirot at idinaing ang kaliwang balikat niya na nananakit. Tumayo na ako sa pagka irita sa ginagawang pag atake, inilagay ko ang aking kanang palad sa noo niya, nagsambit ako ng maikling dasal para maproteksiyonan siya sa ginagawang pag atake ngayon sa kanya ng mangkukulam. "Pansamantala lang ang proteksiyon na nilagay ko sa iyo para pigilan ang ginagawang pag atake ngayon kasi hindi pa tayo nagkakabayaran. Sigurado akong makakahanap din ng paraan yun para mabasag ang dasal ko." Umupo ako ulit at tinuloy ko ang aking pagtatanong. "Ano ang dahilan ng inyong kasambahay para gawin sayo ito?" Umaliwalas ng bahagya ang kanyang mukha sa dasal na ginawa ko sa kanya. "Ganito po kasi iyon." Hay.. Mukhang panimula sa isang mahabang kwento ang agad kong naisip, naku huwag naman sana susmaryosep! "Nagkaroon po kasi kami ng lihim na relasyon ng aking kasambahay na si rosella, hindi po iyon alam ng kinakasama ko pero para makuha ko siya pinangakuan ko siya na siya ang pakakasalan at pipiliin ko kesa sa aking kinakasama. Hindi naman po ako talaga sersyoso sa sinabi ko..... Blah! Blah! Blah!"Hindi ko na inintindi ang iba pa niyang sinabi dahil pamilyar na ako sa ganyang mga kwento, ikakabet ang kasama sa bahay kapag wala ang ibang kinakasama sa bahay at kapag nagsawa na pagbibintangan na nagnakaw ng kung ano para mapalayas at hindi na mabuking ang ginawang kalokohan. Mga taga maynila talaga! Hindi marunong makuntento sa buhay, akala lahat ay laro, at kapag napasok sa isang problema hindi alam kung paano lalabas. Mabuti pa ang daga kapag pumasok may gagawing labasan para alam kung saan sila susuot, hindi tulad ng tao hindi na nga alam kung saan lalabas wala pang paninindigan. "Bago po siya umalis ng aming bahay galit at umiiyak niyang sinabi na ipapakulam niya ako." Pagtatapos niya ng kwento niya at bumalik na ulit ang atensiyon ko sa kanya. "Ok. Sige una sa lahat mahal ang serbisyo ko, hindi ako basta albularyo. Isa akong mambabarang, higit na makapangyarihan sa mangkukulam at mas epektibong manggagamot sa albularyo pero kailangan hindi mo babanggitin ang mga sinabi ko sayo ngayon kanino man. Kailangan manatili itong lihim sa pagitan nating dalawa, at ito ang tanging kondisyon para maging matagumpay ang ating gagawin." Hindi naman talaga totoo na may kondisyon para maging matagumpay ang gagawin ko, nag iingat lang ako. Mahirap na baka matulad ako sa Ingkong ko na masyadong mayabang, nung minsan na masayaran ng alak ang lalamunan at nasobrahan naipagsabi ang pangalan niya hinamon ng away si Kapitan. Iyon ilang araw lang kung ano anong sakit ang dumapo sa kanya pero siniguro niya na lintek lang ang walang ganti. Dalawang mangkukulam daw at isang mambabarang din ang umaatake sa kanya. Mabuti na lang at naituro na niya sa akin noon ang lahat ng kailangan kong malaman. "Anim na libo ang isisingil ko sa iyo, ibibigay mo ngayon ang kalahati at ihahatid mo din dito bukas ang kulang pa. Sinisigurado ko sa iyo na bukas tapos na ang problema mo." Walang angal siyang umuo sa akin at iniabot ang tatlong libo, hiningi ko rin ang kanyang panyo na ipinupunas niya sa mga sugat niya kanina, kakailanganin ko iyon upang matukoy ang kalaban ang sabi ko sa kanya. Inihatid ko siya palabas ng aking kubo, at sa daan isang kotse na kulay abo pala ang naghihintay sa kanya.
Nag aagaw na ang dilim at liwanag pero mas nanalo ang dilim dahil malapit na ang gabi ng ako ay makauwi sa aking kubo, galing ako sa masukal na bahagi ng kagubatan para manghuli ng mga kailangan ko sa pambabarang ngayong gabi. Hindi tulad sa pangkukulam na mga sumpa at pag-gamit ng manika na may hibla ng buhok ng kukulamin o kung ano mang bagay na pag-aari nito para saktan ang kanilang biktima, paggamit ng kakaibang insekto ang aming gawain o Pamahamkung aming tawagin. Mga insektong inaalihan ng mga masamang espiritu o elementong engkanto na naghahangad ng kapahamakan ng iba ang mga hinuhuli at inaalagaan namin, sa isang garapon o bahagi ng kawayan inilalagay pagkatapos ay pakakainin ng mga itim na ugat ng isang uri ng halamang gamot na may dasal. Ito ay para mapasunod sa kahit anong ipaguutos dito. Maraming paraan ang paggamit sa Pamaham pero ang pagtali ng puting sinulid sa isa sa paa ng insekto ang aking unang hakbang. Isa itong mabisang hakbang kapag wala ka pang alam sa iyong kalaban, dinasalan ko ang insekto at inilapag sa panyo ng biktima at muli kong dinasalan, pinakawalan ko ang insekto sa gabi ng isang lagim. Ito mismo ang pupunta sa kinaroroonan ng aking tudlaan at gagawa ng unang pag atake, kapag ito ay nagbalik na nag kulay pula ang sinulid, matagumpay nitong naisagawa ang aking utos at kapag itim naman ito ay sablay.
Kalahating oras ang lumipas ng nakita kong nakabalik agad ang aking insekto, naging kulay pula ang itinali kong puting sinulid senyales na matagumpay ito sa aking iniutos. Sa bibig nito ay ang kapirasong balat ng mangkukulam na pinakuha ko dito, gagamitin ko ito sa pangalawang pag atake na mas mabagsik. Katulad sa pangkukulam maaari din kami gumamit ng manika na nilalagyan ng anu man na bahagi ng katawan ng aming biktima, ito ay para direkta naming ipahatid sa katawan nito ang mga insektong ipapadala sa kanila. Idinikit ko ang kapirasong balat sa isang manika at inusal ang dasal, pag katapos inilagay ko ang manika sa loob ng Pamaham at inutusan ang mga insekto na gumapang sa katawan ng manika, na siya din nararamdaman ngayon ng biktima. Isa pang dasal ang aking inusal at pag tapos ay iniutos sa mga insekto na pumasok na sa loob ng katawan ng biktima. Ang unang insekto ay pinapasok ko sa puwet upang magdulot ng almoranas, ang ikalawa ay pinapasok ko sa tenga upang magdulot ng matinding sakit, ang ikatlo naman ay sa ilong upang magdulot ng balingungoy o labis na pagdurugo ng ilong. Muli akong umusal ng dasal upang ipag utos na patuloy na maglakbay sa loob ng katawan ng biktima upang magdulot ng mga sugat sa mga lamang loob at tapusin na ang paghihirap ng biktima. Isinara ko ang garapon na kinalalagyan ng manika na may mga insekto, itinago ko ito sa ilalim ng aking papag. Bukas ang makukuha ko na ang kulang pang tatlong libo, isang libo doon ay para kay berto na naghatid ng kliyente na iyon.
"Apok! Apok!" Sigaw ni berto habang patakbong lumalapit sa akin, umiinom ako ng kape habang nakaupo sa harapan ng aking kubo. "Nabalitaan mo ba yung nangyari kagabi?" Tanong ni berto habang hinahabol ang kanyang hininga, kaya sinabi ko sa kanya na hayaan muna niyang kumalma ang kanyang dibdib at iniabot ko ang tasa ng aking kape para makahigop siya ng kaunti bago niya ipagpatuloy ang sasabihin. "Si Ka Belay patay na! Nakita siya kanina ng apo niya na wala ng buhay sa loob ng bahay nila tapos.. tapos.." At humigop uli siya sa aking kape na alam kong hindi na niya balak ibalik pa. "Tapos wakwak na ang tiyan pero mukhang siya din ang humiwa dahil may hawak na duguang kutsilyo. Ang nakapagtataka may mga kakaibang insekto ang nakita sa may tiyan nito." Humigop uli siya ng aking kape at tuluyan ng inubos ito. "Sayang nga at kakauwi lang nung isang araw ng kanyang apo. Hindi nga lang diyan natulog kagabi dahil doon daw nakitulog sa kaibigan sa kabayanan. Siya pala yung naririnig namin kagabi na sumisigaw." Tumayo ako na may halong pagkabigla sa sarili at agad kong tinanong si berto. "Rosella ba ang pangalan ng apo ni Ka Belay?" Tumingin si berto sa akin na parang nahuhulaan na niya ang pangyayari.
BINABASA MO ANG
2 Maikling kwento
Short StoryAng dalawang maikling kwento na ito ay isinulat ko noong taong dalawang libo at labindalawa. Ang unang kwento ay tungkol sa isang nambabarang na ang pangalan ay apok. Ang pangalawang kwento ay hango sa isang pabula na " Ang Alakdan at ang Palaka " n...