Mananakit Ka Ba Dahil Sinaktan Ka?

118 4 0
                                    

#VAshares
Book: #SoBad series: Raia

MANANAKIT KA BA DAHIL SINAKTAN KA?

“Kasi gusto ko siya! Ang saya kaya maglaro ng Barbie. ‘Pag meron ako, masaya!” linyang sagot ni Yumi, ten years old na niece ko. Ang tanong ko, ano’ng dream niya nang araw na iyon? Nag-glow pa sa tuwa ang mga mata na sumagot na si Barbie. Gusto niyang makuha ang nakita niyang Barbie doll. Bakit si Barbie?

Kasi masaya. Ang simple ‘di ba? Sa mga mata ng bata, simple lang lahat. Ang simple lang ng buhay. Si Barbie lang ang kahulugan ng saya.

Sa mga hindi na bata—sa atin, ang “happiness” at “life” mismo, hindi na simple. Ang daming hugot. Ang daming issues. Ang daming gusto at ‘di gusto. Ang daming dapat at ‘di dapat. Ang daming hinanahap na kailangan makuha bago maging ‘masaya’.

Bakit hindi na natin nakikita ang mundo gaya nang nakikita ng mga bata?
Kasi sinampal na tayo ng realidad; nang paulit-ulit, na ang buhay ay hindi simple lang. Na ang ‘happiness’ ay hindi katapat ni Barbie lang. Na ang mga taong nakakasama natin, hindi mga ‘kalaro’ lang kundi mga nananakit na ‘monsters’ din.

Monsters. Sa fairy tale, mga pangit na characters na nagpapahirap sa bida. Sa totoong mundo, hindi mo sila agad makikilala. Hindi halatang masama sila. Hindi kaaway agad, marami ang pinagkatiwalaan mo pa. Hindi rin lahat bagong kakilala, ang ilan, kaibigan o kadugo pa.
Sila—ang mga ‘monsters’ na ito na nakilala at nakasalubong natin sa paglalakbay ang sumira sa magandang tingin natin sa mundo. Ang mga pag-atake nilang sinugatan tayo, sinaktan at ibinagsak, dala dala natin ang sakit at marka. At sa paulit-ulit na nakakasulubong natin sila, sa kagustuhan nating makaganti o matalo sila, hindi natin namamalayang nagbabago na rin tayo—nagiging monster na rin gaya nila.  

Mabuting pusong nagmahal lang. Babaeng umasang maibabalik ang pagmamahal na naibigay. Pero niloko ng lalaking minahal at pinagkatiwalaan. Binasag, inilugmok at mas dinurog pa.

Kung para kang bagsak na mandirigmang mag-isa na lang, na sugatan at duguan sa gitna ng battlefield, paano ka babangon at lalaban?

Gagapang.
Gapang muna, kasi hindi mo dapat hayaan ang sariling nakalugmok lang. Kailangan mong umalis sa lugar kung saan ka ibinagsak, kung saan ka dinurog at winasak. Gapang, hanggang unti-unti mong maiahon ang sarili, hanggang makagawa ka ng distansiya, hanggang marating mo ang sapat na layo para lumingon na lang sa mga bakas na naiwan.

Ganti.
Nakaalpas ka na sa miserableng lugar na ibinagsak ka. Sa paglingon mo, naroon ang mga bakas ng naging sugat mo. Ang daming dugo. Tanda mo ang bawat hapdi ng sugat. Naaalala mo bawat segundo ng hirap. Hindi pala sapat na nakaalis ka lang. Hindi dapat sapat kasi sobra kang sinaktan. Gaganti ka, ibabalik mo ang parehong sakit para maging patas. Sinaktan ka kaya mananakit ka na rin. Prinsesa ka na hinatak nila para magbago—para maging monster. Magiging mas malupit ka hanggang lamunin ka na ng sarili mong galit. Pero sa huli, mare-realize mo, hindi na ikaw iyon. Hindi tama ang ginagawa mo. Hindi ikaw ang malupit na monster na iyon. Hindi ka gaya nila. Hindi ka monster.

Ganda.
Hindi ka monster kasi prinsesa ka. Prinsesa ka na sinira nila. Bakit mo hahayaan ang mga monster na hatakin ka sa miserableng lugar nila? Hindi ka gaya nila. Mabuti ka. Malinis ang puso mo. Bida ka sa kuwento mo. Nakaahon ka na kaya piliin mong ibalik ang dating ikaw bago ka nawasak. Nasa loob mo lang ang prinsesa. Hindi siya talaga nawala. Napagod lang. Hayaan mong magpahinga muna. At kapag sapat na ang lakas, titigan mo sa salamin ang repleksiyon niya. Nasa mga mata niya ang katotohanan—ang tapang ng mandirigmang bumagsak nang paulit ulit pero bumangon…

At nanalo pa rin sa laban.

Nalugmok siya pero natuto.
At naging mas malakas.

Ikaw siya, prinsesa. 'Wag mong isuko ang korona.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 29, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Stop. Look. WriteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon