Mundong Imposible (One Shot)

21K 911 187
                                    

Better kung babasahin niyo 'to kasabay 'yung kanta --> Click niyo lang 'yung video sa gilid. Title nung song ay "Mundong Imposible" by Jake Israel. If familiar kayo sa band na Jacob, at sa kanta nilang "Naghihintay", siya rin 'yun. Kanina ko lang narinig 'tong bagong song niya at bigla lang ako nakaisip ng story. Sana ma-enjoy niyo both, the song and this one shot story. Salamat! :)

MUNDONG IMPOSIBLE

“Naniniwala ka ba sa forever?” tanong mo sa’kin habang nakaupo tayo sa rooftop ng bahay niyo. Pareho tayong nakatingala at pinagmamasdan ang mga bituin. Nakasandal ang ulo mo sa may balikat ko habang mahigpit ang kapit mo sa braso ko. Hindi ko alam kung bakit bigla mo na lang naitanong iyon sa akin.

“Hindi eh,” tipid na sagot ko. Napaangat tuloy ang ulo mo at napatitig ka sa akin. ‘Yung gustong ipahiwatig ng mga mata mo ay magkahalong lungkot, inis at pagkabigla sa naging sagot ko. “Gusto ko mang maniwala , pero paano? Galing ako sa broken family. Parehong magulang ko, may kanya-kanya nang pamilya. Ang ate ko na limang taon nang kasal at limang taon na rin palang niloloko ng asawa niya.  ‘Yung bestfriend kong sabi nang sabi na forever na sila ng girlfriend niya, ngayon break na sila. At si Kuting na alaga kong pusa, pagkatapos ko ampunin, alagaan at pakainin, akala ko forever na sa’kin, pero ayun naglayas rin,” paliwanag ko na dinaan ko sa biro ‘yung bandang dulo para pagaanin ang loob mo sa naging sagot ko sa tanong mo.

“Hindi ka pala naniniwala sa forever natin,” malungkot na sabi mo.

Mukhang nasaktan ka talaga sa sinabi ko dahil nangilid na ang mga luha mo. Pero gusto ko lang namang maging tapat sa’yo. Niyakap kita at ipinatong ang ulo mo sa may dibdib ko. “Hindi naman importante kung may forever o wala. Basta ang mahalaga ‘yung meron tayong ngayon. Ikaw, ako, magkasama, masaya.”

Wala ka nang sinabi, tumango ka lang at mahigpit na yumakap sa akin. Hinalikan kita sa ibabaw ng ulo mo, “Mahal kita.” bulong ko.

Mahal na mahal kita, kaya takot ako sa forever. Lahat kasi ng mga taong mahal ko na akala ko forever na kasama ko, wala na sa tabi ko. Ang mga taong mahal ko na naniwala rin sa forever, nakita ko kung paano sila nasaktan. Ayoko maniwala sa forever dahil baka ‘pag dumating ‘yung araw na iwan mo ako, matabunan ng sakit at galit lahat ng masayang pinagsamahan natin. Ayokong masama ka sa humahabang listahan ko ng mga taong nakapanakit sa akin.

“Birthday ko na bukas..” malungkot na sabi mo. Magka-usap tayo sa Skype. Laking pasalamat ko talaga sa nakaimbento nito.

“Birthday mo na bukas, pero bakit ang lungkot mo? Malungkot ka ba dahil madadagdagan na naman ang edad mo? Huwag kang mag-alala pasok ka pa rin naman sa kalendaryo, at kapag lumagpas ka na, nandyan pa rin naman ang Lotto at Bingo.” biro ko.

“Sira ka talaga! Miss na miss na kasi kita..” alam kong nagpipigil ka nang iyak mo. Nanginginig kasi ‘yung boses mo.

Pinilit kitang patawanin sa mga corny jokes ko. Isang ngiti lang mula sa’yo, masaya na ako. Ayokong distansya natin sa isa’t-isa ang maging dahilan ng kalungkutan mo. Sa pag-alis ko, ikaw rin naman ang nasa isip ko, at ‘yung pamilyang pinaplano natin.

Dumating ang araw ng kaarawan mo, pero sa sobrang abala ko, nawaglit ‘yun sa isip ko. Nayaya pa ako sa inuman ng mga kasamahan ko sa trabaho. Tapos na ‘yung birthday mo nang maalala ko. Nag-text ako, tumawag, pero wala kang naging sagot. Ilang araw ang lumipas at kinakabahan na ako. Nakita mo siguro sa Facebook ‘yung picture na may katabi akong babae, habang may hawak pang beer. Wala namang ibig sabihin ‘yung picture na ‘yun. Hindi lang naman kaming dalawa ang may picture na magkasama. Gustong-gusto na kitang makausap para makapagpaliwanag ako.

‘Yung ilang araw, umabot ng isang linggo. Hindi ko na kaya. Dali-dali akong nagpa-book ng flight pauwi ng Pilipinas, pabalik sa’yo.

Suot ang couple shirt na binili mo noong first year anniversary natin, na ayaw ko pang suotin dahil nababaduyan ako noon at bitbit ang isang bouquet ng paboritong mong bulaklak, pinuntahan kita. “Nandito na ako. Mahal sorry,” sabi ko at inilapag ko sa harapan mo ‘yung bulaklak, pero wala kang naging sagot.

Naging sunud-sunod na ang pagpatak ng mga luha ko habang nakatitig ako sa’yo. Sa larawan mong nasa ibabaw ng lapida kung saan rin nakaukit ang pangalan mo.

“Bakit hindi mo man lang ako hinintay? Sabi ko naman ‘di ba babalik ako? Ang dami pa nating plano.”

Gumuho ang mundo ko nang makatanggap ako ng tawag galing sa Kuya mo. ‘Wala na siya.’ mga salitang paulit-ulit sa isip ko na alam ko naman ang ibig sabihin pero ayokong tanggapin.

Bibili ka raw ng cake nung araw na ‘yun. Maling cake ang nabili ng mama mo, dahil ang gusto mo ay yung paborito ko. Kahit birthday mo, ako pa rin ang iniisip mo. Nakarinig sila ng katok sa pintuan, akala ng pamilya mo ikaw ‘yun at nakabalik ka na. Pero hindi, isang masamang balita pala.

Naabutan ka raw nakahandusay sa isang eskinita, wala nang buhay, puno ng dugo mula sa mga saksak na natamo mo at sa tabi mo naroon ang cake na para sana sa birthday mo.

Dahil sa isang lalaking nawala sa katinuan dahil iniwan ng asawa at ng mga anak niya, nawala ka sa amin. Masakit, sobrang sakit. Kakayanin ko kaya ‘yung pagkawala mo? Magagaya kaya ako sa lalaking bumawi sa buhay mo? Huwag naman sana.

‘Naniniwala ka ba sa forever?’

Parang naririnig ko pa rin ang boses mo sa isipan ko. Sana nandito ka. Sana marinig mo ang isasagot ko.

“Naniniwala na ako, dahil sa puso ko forever kang nandito.”

Mundong Imposible (One Shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon