Si Ginoo at ang Kwaderno (Maikling Kwento)

2.1K 4 3
                                    

     Palagian ko siyang pinagmamasdan. Malimit kong tinititigan ang kanyang kasuotan at maging ang ayos ng kanyang buhok. Siya ay isang tipikal na guro namin noon sa paaralan – isang tipikal na guro na lumikha ng kakintalan sa aming puso – ngunit higit sa aking pagkatao. Sa una, ay hindi ko siya masyadong pinagtutuunan ng aking pansin dahil siya ay bago pa lamang. Hindi ko siya pinapakinggan sa aming mga leksyon dahil sa mukha naman siyang mabait at tila walang sisidlan ang galit sa kanyang mukha na ginuguhitan ng ‘di maipaliwanag na ngiti. Ngunit sa mga nagdaang mga araw na siya’y aming nakikilala, mas lalo namin siyang nagustuhan, minahal at hinangaan. Tulad din ni Ginoong Pedroza ang ibang mga guro na nagtuturo ng aralin at naglalakad sa klasrum kapag may gawain ang mga mag-aaral ngunit siya ay kakaiba sa paraang siya ay may katangiang hindi maipaliwanag. Oo, sa mura kong edad ay naramdaman at nakita ko iyon kay G. Pedroza o ginoo kung siya’y tawagin ng marami. Halos nasa singkwenta na ang kanyang edad ng kanya kaming mahawakan sa klase. Lagi niyang ikinukwento ang kanyang nag-iisang anak ­– ang tinatawag niyang natatanging kayamanan. Matagal ng yumao ang kanyang asawa kaya dalawa na lamang sila sa buhay. Iyon ang kwento ni Ginoo. Iyon daw ang kanyang buhay. Madalas din niyang sinasabi na buhay niya ang pagtuturo. Ito daw ang kumumpleto sa kanyang pagkatao. Mahirap mang unawain noon ngunit kahit kaunti ay nakuha naman namin ang nais niyang iparating. Ang pagtuturo ang kaniyang ikalawang buhay bukod sa kanyang anak. “Masaya akong nakikita kayo araw-araw.” ang malimit nitong sabihin. “Ang inyong mga ngiti at pagyakap ay kayamanang mahirap matagpuan.” dagdag pa ni Ginoo. Makikita sa kanyang mga mata ang kasiglahan sa pagpasok sa klase sa kabila ng kanyang edad. Daig pa niya ang nasa kabataan sa loob ng silid-aralan. Nararamdaman namin ang kanyang pag-ibig sa kanyang propesyon at maging sa amin.

            Sa tuwing papasok siya noon sa silid-aralan ay bitbit niya ang ngiti na nagpapagaan sa pakiramdam naming mga estudyante. Nakakaalis ng kaba ang ngiti na una naming masisilayan bago niya ilapag ang mga aklat na kanyang dala sa mesa sa gitna. Tahimik ang paligid. Walang nagsasalita. Lahat ng mata ay nakatingin lamang sa kanya. Tanging ngiti ang isinukli niya sa aming walang kapantay na paghanga. Ngunit hindi namin alam kung batid niya ang pagmamahal namin sa kanya bilang isang guro. Siya ay palagian kong kinapupulutan ng aral – sa bawat araw ng kanyang pagtitiis sa gitna ng mainit na silid at maingay na mag-aaral. Siya ay tunay na hindi pangkaraniwan. Palagi niyang sinasabi ang mga katagang “hindi masamang mangarap ng matayog” at “huwag kayong mawawalan ng pag-asa”. Oo, minsan ay pauli-ulit ang mga katagang iyon ngunit hindi nakakasawang maulinigan mula sa kanya. Isinalaysay pa niya noon na siya ay nagmula rin sa hirap at nangako sa sarili na siya ay magtatagumpay. Matapos kong marinig ang kanyang mga salaysay ay doon ako nagsimulang humanga ng lubusan sa aming guro at ikalawang ama.

             Sa klase, hindi ako masyadong napapansin ni G. Pedroza dahil sa maraming kadahilanan. Una, tahimik lamang ako sa harapan at hindi kumikibo. Ikalawa, tahimik ako dahil talagang natatakot ako sa kanya sa kabila ng kanyang pagiging mabuting guro – marahil ito ay tanda ng respeto. Panghuli, ako ay tahimik dahil sa hindi naman ako masyadong aktibo at magaling sa klase. Isa lamang akong mag-aaral na hindi naman bumabagsak ngunit nakakapasa. Madalas niyang tinatawag na sumagot sa mga katanungan ang mga kamag-aral kong nangunguna sa klase. Minsan nga ay nagtampo rin ako kay G. Pedroza dahil hindi man lang ako masyadong napapansin. Ngunit kailanman ay hindi ko inisip na paborito niya ang aking mga kaklase – na siya ay hindi pantay sa pagtingin sa aming lahat.

            Sa silid, gawain niya ang kolektahin ang aming mga nowtbuk o kwaderno para tignan ang aming mga takdang-aralin at mga kinopyang leksyon sa pisara. Marso noon nang huli niyang mahawakan ang aming mga kwaderno. Huling linggo ng taon ng pag-aaral at panigurado bakasyon na naman. Pinagmamasdan namin siya sa pagsulat. Tila mahaba ang isinusulat ni G. Pedroza sa aming nowtbuk. Hindi ko na iyon pinansin dahil alam ko na wala naman siyang ilalagay sa aking kwaderno dahil hindi naman ako matalinong mag-aaral – sa aking pananaw. Natapos ang oras at ibinigay na niya ang aming mga nowtbuk at siya ay tuluyan ng nagpaalam dahil hindi na raw namin siya magiging guro sa darating na pasukan. Tila dumilim ang paligid at talaga namang umulan pa ng oras na iyon. Alam ng langit ang lungkot naming mga mag-aaral sa pag-alis ng aming minamahal na guro. Malungkot ako dahil aalis ang guro na nakakaunawa sa aming mga kalokohan minsan bilang isang bata, isang guro na gumanap hindi lamang sa kanyang propesyon kundi maging ang pagiging kapatid ay kanyang ipinakita sa amin. Halos wala pang isang taon nang makasama naming si G. Pedroza ngunit sa maikling panahong iyon ay tila habang-buhay naming siyang maaalala. “Huwag niyo akong kakalimutan ha?” ang sambit ng aming guro. “Syempre naman po! Hindi namin kayo makakalimutan G. Pedroza.” ang wika ng aking mga kamag-aral. Hindi na ako kumibo sa huling pamamaalam ng aking guro. Isinilid ko na sa aking bag ang nowtbuk na kanina’y hawak pa niya upang huling tignan ang aking mga gawain. Tuluyan na akong lumabas ng silid. Tahimik.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 03, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Si Ginoo at ang KwadernoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon