7. Tapos Na Nga Ba?

1.4K 63 5
                                    

"LARA! God...Lara!" boses ni Miguel kasunod ang naramdaman niyang yakap. Disoriented pa, dumilat si Lara—nakita niya ang sarili sa itaas na yakap ni Miguel.

Ang ceiling mirror...

"M-Mig?"

"Yeah," bulong nito, mas niyakap siya. "You're awake, thank God! You're safe, Lara. Nagising ka. Hindi ka niya nakuha."

Tulala lang si Lara nang mahabang segundo. Nakatitig siya sa repleksiyon ng kanyang mga mata sa salamin. Nasa mga mata niya na hindi siya ganap na panatag.

Gising na nga siya—sa ngayon. Paano ang mga susunod na gabi? Nagising siya gaya noong una niyang bangungot.

Pero ligtas na nga ba siya?

Three years later...

BUMAON sa gitna ng dartboard ang patalim na ibinato ni Lara. Umangat ang isang kilay niya bago ngumiti. Bumaon ang patalim sa mismong target na hindi iilang beses niyang na-miss. Nagbunga rin ang ilang taong pagpupursige niya na matutuhan ang tama at epektibong pagbato—na hindi siya magmimintis.

Lumapit si Lara sa dartboard na nakasabit sa likod ng pinto at binunot ang patalim. Pagkatapos ay bumalik siya sa kinatatayuan kanina sa tabi ng kama. Matamang tumitig siya sa target...

One more, Lara, sabi niya sa sarili, gustong makasiguro na hindi tsamba lang ang nagawa niya kanina. Itinaas ng dalaga ang kamay, humigpit ang pagkakahawak sa patalim para ibato—biglang bumukas ang pinto at sumilip si Miguel.

Napamura si Lara. "Mig!" at napahawak sa dibdib.

Segundo lang!

Kung napakawalan niya ang patalim, mukha sana ng kaibigan ang tinamaan! "Baliw ka!" singhal ni Lara. "Ako pa talaga ang gagawin mong killer!" at pabagsak na naupo sa kama. "Kumatok ka, Mig, for goodness sake!" At inihagis niya sa wooden box ang hawak na patalim. "Seconds lang, o! Sa mukha mo na sana bumaon ang favorite knife ko!"

Ngumisi si Miguel. "Sorry," at kinabig pasara ang pinto. Pagkasara, kumatok ang loko kasunod ang pagbukas ng pinto. Sumilip ang nakangising mukha nito. "Okay na?"

Naningkit ang mga mata ni Lara, dinampot ang unan sa tabi at marahas na ibinato iyon sa lalaki. Sinalo lang ni Miguel ang unan, ibinato rin pabalik sa kanya.

"Bakit kasi sa kasagsagan ka ng dilim nagri-ritwal sa mga knives na 'yan?" Pumasok na si Miguel. Gaya niya, mukhang hindi pa inaantok. Walang bakas sa anyo nito na naidlip na o bumangon lang galing sa sariling kama. "Para kang witch." Dagdag pa nito, umupo sa tabi niya at huminto sa box sa ibaba ng kama ang tingin. Naroon ang collection niya ng iba't ibang klase ng patalim, mula sa pinakamaliit hanggang pinakamahaba, pinakaluma hanggang pinakabago. "Ilipat mo sa wall ang dartboard, Lara. Ako'ng mapapatay mo niyan 'pag nagkataon—"

"Mukha mo na talaga ang gagawin kong target next time!"

Bumaling sa kanya si Miguel. Ngumisi agad nang magtama ang mga mata nila. "Hindi mo kaya," sabi nito. Kumuha ng isang patalim sa box niya. "'Takot mo lang na mawala ako sa buhay mo!" Nakangisi ito, dumampot ng patalim at ibinato iyon sa dartboard.

Napailing na lang si Lara. Wala siyang balak sumalungat sa sinabi nito. Tama naman kasi si Miguel. Dalawang bagay lang ang kinatatakutan siya. Una, ang mawala ito at maiwan siyang mag-isa.

Si Miguel na ang naging kapamilya ni Lara. Nasa high school pa lang siya nang maulila siya sa mga magulang. Mula noon, namuhay na siyang mag-isa. Ang bunsong kapatid ng Papa Leo niya, napilitan lang na mag-stay sa bahay nila bilang guardian niya. Pagdating niya ng eighteen, siningil pa siya sa 'serbisyo' raw nito. Iniwan na siya para sumama sa foreigner na nakilala online. Wala na siyang nabalitaan pagkatapos.

Death Mark PREVIEW ONLYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon