Prologue

5 0 0
                                    

Prologue
















"Ipagpatawad po ninyo ang aking kalapastanganan, kamahalan, ngunit ano pong ginagawa ng mahal na prinsipe rito sa dis oras ng gabi?" Napalingon ako mula sa pagmamasid sa bilog na bilog na buwan sa heneral na nakayuko sa gilid ko.

Nakataas ang aking dalawang kilay na tinapunan siya ng saglit na tingin bago muling bumalik ang tingin sa buwan.

"Napakagandang pagmasdan ang buwan, hindi ba, heneral?" Sa halip ay aking balik na tanong sa kanya.

Tumayo ng matuwid ang heneral at pinagmasdan din ang magandang buwan.

"Hindi ho kayo nagkakamali, kamahalan. Talagang kay gandang pagmasdan ng buwan." Kanyang pag-sang-ayon.

Napangiti ako sa kanyang tinuran at hindi sumagot.

Napasimangot ako nang may mapansin sa mga taga-silbi ko nang saglit ko silang tinapunan ng tingin. Ako'y napabuntong-hininga.

Aking ibinaling ang buong katawan sa heneral na matikas na nakatayong matuwid isang metro layo sa'kin habang nakatitig sa buwan.

"Heneral Oli..." Aking tawag sa kanya.

Agad na nakayukong bumaling sa'kin ang buong atensyon ng heneral. Sinenyasan ko siyang lumapit sa'kin bago ko inilapit ang bibig sa tenga niya upang hindi marinig ng aking mga taga-silbi.

'Di ko naman masisisi ang aking mga telendas na taga-silbi. Talagang matikas at agaw pansin ang kagandahang lalaki ng Heneral, nakakabilib siyang binata. Hindi lamang siya matikas, matalino, masipag, mabait, at matapang pa ang 'di nalalayo sa'king edad na Heneral Oli.

"Alam kong matikas ka, Heneral, ngunit ako ang pinaka-matikas sa lahat. Maaari bang ikaw ay tuluyan nang lumisan? Ang aking mga taga-silbing babae ay hindi na mapakali sa tuwing nakikita ka. Sobra-sobra na ang aking kakisigan sa kanila, 'wag mo na dagdagan pa at baka mamatay na ang mga iyan sa puso."

Nanlaki ang mata ng heneral bago yumukod muli.

"Ako'y aalis na, kamahalan." Aniya bago mabilis na lumisan.

Lihim na napa-ismid ako nang makitang nanlumo ang karamihan sa'king mga taga-silbi nang lumisan ang heneral.

Ilang minuto ko pang pinagmasdan ang buwan nang makarinig ako ng boses mula sa aking kaliwa. Ito'y walang iba kundi ang aking punong taga-silbi.

"Mahal na prinsipe, ipagpatawad po ninyo, ngunit kailangan na po ninyong bumalik sa inyong silid at magpahinga. Lumalalim na po ang gabi, at mahamog dito sa labas. Maaapektuhan ho ang inyong kalusugan." Nakayukong pakiusap ni Kana.

Bumuntong-hininga ako at nag-isip. Itinapik-tapik ko pa ang aking pisngi ng aking kaliwang hintuturo. Nang nakapag-isip ay humarap ako sa kanya.

"Ayoko."

"Mahal na prinsipe! Ako po'y nakikiusap. Baka po ika'y magkasakit-"

"'Di mo ba narinig ang sinabi ko, Kana? Ayoko. Hindi pa 'ko dinadalaw ng antok kaya't narito ako sa harden ng palasyo. Kung inyong nanaisin, mauna na kayo. Iwanan ninyo ako rito."

MoonlightWhere stories live. Discover now