Ipagkait man ng Mundo....

870 9 2
                                    

"Hindi pagluha ang tunay na makakapagpagaan ng aking nagdadalamhating kalooban, kundi ang bukal na pagtanggap ng madla sa aking katauhan. Hindi man nila matuklasan ang katotohanan, ang tanging nais kong masumpunga'y respeto't mahabaging kalooban. Isang kahilingang hindi ko makamtan kaylanman. Dahil mapanghusga ang mundo sa nilalang na pinagdamutan ng kapalaran."

Umaga noon at kapansin-pansin ang mahalumigmig at madilim ang kalangitan na animo'y nagbabadya itong umulan anumang oras. Maya-maya pa'y narinig ko na ang unti-unting lagatik ng ulan sa aming bubong na sinaluhan ng kulog at kidlat. "Hay paano na to, may pasok pa naman ako", nasabi ko na lang sa sarili ko. Dali dali ko ng inubos ang aking pagkain at mabilisang nag-ayos. Kinuha ko na ang aking payong at nagpaalam sa aking Inay. "Nay mauna na'ko baka lalo pang lumakas ang ulan",pagpapaalam ko. "Magpayong ka. Wala tayong pampamasahe mo. Alam mo namang wala na dito ang tatay mo para suportahan tayo", pagpapayo ng Inay.

Bakas pa rin sa'king Inay ang pangungulila sa yumao kong itay. Dalawang taon na ang nakalipas mula ng nangyari ang trahedyang iyon. Napagbintangan ang aking itay na isa sa mga kasapi ng isang gang dahil sa may kamukha ito sa isa sa mga myembro ng kaaway nilang gang. Marunong naman lumaban kahit papano ang aking itay pero hindi ito sapat para magapi ang higit sa dalawampung katao. Nabugbog sya ng husto at nagkaroon ng fracture sa ulo dahil sa pagpalo ng tubo ng isang myembro ng gang na aming naka-engkwentro. Kasama ako ng Itay ng araw na iyon kaya hindi ko maiwasang hindi sisihin ang aking sarili sa nangyari. Dumating din sa puntong sinisisi ako ng mga kapatid ko at kahit hindi nagsasalita ang Inay, ramdam kong may hinanakit din sya sakin. Tandang-tanda ko pa ang mga katagang iyon ng ate Kriztah ko na bumasag sa puso't damdamin ko: "Alam mo ba Reycca, di dapat si itay ang nadiyan e. Dapat ikaw na lang ang namatay tutal wala ka namang silbi. Wala ka ng magandang naidulot sa pamilyang to. Di ka ba naaawa sa'min ng inay? Dinadamay mo pa kami sa kamalasan mo. Salot ka! Wala kang kwenta!". Kitang kita ko ang poot sa kanyang maluha-luhang mata. Parang may sampung palasong tumarak sa puso ko at walang salitang kayang ipaliwanag ang sakit na aking nararamdaman ng mga sandaling iyon. Nanatili akong tulala at walang imik. Wala akong makapang emosyon sa loob ko. Nang tumingin ako sa paligid ko, tila nangungusap ang kanilang mga mata na umalis na muna ako para walang gulo. Unti-unti akong tumalikod at humakbang palayo kasabay ng pagpatak ng luha sa'king mga mata.

"Oh Reycca, ano na naman ang drama mo? Mahuhuli ka na sa pagpasok kung anu-ano pang kadramahan ang inaatupag mo!", untag sa'kin ng inay. Umiiyak na pala ako dahil sa ala-alang dala ng nakaraan.

Pagkalipas ng ilang oras na paglalakad ay narating ko rin ang Flanca's Academy. Isa itong pribadong paaralan na kung saan ay isa akong iskolar kaya ako'y mapalad na nakapasok dito. Tanging mayayaman lamang maliban sa akin ang mga estudyante dito. Datapwat nanliliit ako dahil sa estado ng mga buhay nila. Hindi sa ikinahihiya ko ang katayuan ko sa buhay ngunit malaki ang bahagi nito kung bakit ako laging binubully sa iskul. Katulad ngayong naglalakad ako patungong silid-aralan, may babaeng sadya akong binangga para matapunan ako ng mainit na kape. Natapunan ang uniporme ko sa bahaging tiyan kaya't di ko naiwasang mapatili sa hapdi na dulot nito. Samantalang tatawa tawa ang babae sabay sabing: "Yan ang nababagay sa mga hampas lupang tulad mo! hahaha". Napayuko na lang ako habang pinupunasan ng panyo ang aking blusa. Maya-maya pa'y narinig ko na ang pagtawag ni bestie Gailee sa pangalan ko at patakbong lumapit sa'kin. Siguro nalaman na nya ang nangyari sa'kin kanina lang. Si Gailee ay ang kaisa-isa kong naging kaibigan dito sa Flanca's Academy. Mayaman s'ya pero ibang-iba sa mga estudyante na walang magawa sa buhay kundi ang mam-bully ng mga inosenteng kamag-aral at isa na s'ya doon. " Bestie ano naman ang nangyari sa'yo. Kailan mo ba matututunang ipagtanggol ang sarili mo. Tandaan mong 'di ako laging nasa tabi mo", pagpapayo ni Gailee sa'kin. "Kung papatulan ko ang bawat kawalang kwentang panti-trip nila, sa tingin mo may mababago? Lalo pa itong lilikha ng malaking isyu at dahil isa akong hamak na dukha at kaiba sa inyo maaaring lalo nila akong pag-initan. ", paliwanag ko sa kanya. Umismid naman sya sakin at bahagyang nang-irap. "Apo ka ata ng tatlong paring GOMBURZA ano?", tanong ni bestie. "Bakit? Mga pauso mo talaga!", sagot ko naman. "Eh kasi katulad nila martyr ka!", sabi naman n'ya. Napatawa naman ako sa kakornihan ng pick up line n'ya. Matapos ang ilang minutong panenermon ni Gailee sa'kin na tila nakapagpalimot sa hapdi na kanina'y dinadaing ko, nagpasya na kaming tumungo sa Rest Room para alisin ang mantsa. Ikagagalit na naman ito ng inay 'pag napansin nyang madumi ang uniporme ko lalo na't nag-iisa lang ito. Si Gailee naman ay umalis sandali dahil may kukunin daw s'ya sa kanyang locker. Mabilis din agad s'yang nakabalik dala-dala ang isang set ng uniporme. "Bestie magpalit ka na. Ito na ang isuot mo. Matatagalan ka sa pagkukusot dyan baka mahuli pa tayo sa klase", saad ni Gailee. Natuwa naman ako sa kabaitan n'ya kaya nasabi ko na lang sa sarili kong "Ibang iba s'ya sa kanila!". Nagpalit na ako at pagkatapos ay tumungo na sa aming silid-aralan.

Ipagkait man ng Mundo....Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon