Chapter One

15.5K 342 8
                                    

ISANG linggo pa lamang ang nakalilipas magmula nang ihatid sa huling hantungan ang tatay ni Catharina—ay pinag-aagawan na ng mga napag-utangan ng tatay niya ang mga ari-arian nila. Wala siyang magawa kundi ibigay sa mga ito ang mga naipong kagamitan ng tatay niya.

Hindi naging sapat ang mga kagamitan upang mabayaran ang lahat ng utang ng tatay niya kaya nama’y ibininta niya ang maliit na lupain nila. Ang ibang salapi ay inihulog niya sa banko sa sarili niyang account.

Tinulungan siya ng pinsan niyang si Sean na maasikaso ang papeles niya upang makapagtrabaho siya. Tinulungan din siya nitong makapag-exam sa nursing board exam sa Maynila. Mabigat man sa loob niya na lisanin ang pinakamamahal niyang bayan ng San Nicholas—ay kinailangan niyang magtiis para na rin sa kinabukasan niya.

Naiilang siya sa pamilya ni Sean kahit pa magkapatid ang parehong ama nila. Mayamang negosyante ang Daddy ni Sean, katunayan ay ang tatay na lamang niya ang naghihirap dahil sa pagkalulong sa bisyo. Ang bisyo sa sugal ang naging sanhi kung bakit iniwan ng Nanay niya ang Tatay niya.

Isinama ng nanay niya sa pag-alis ang bunso niyang kapatid na lalaki na sa pagkakaalam niya’y binata na rin ngayon. Isa sa dahilan niya kung bakit sumama siya kay Sean sa Maynila ay upang makita ang Nanay niya.

“Pasensiya ka na, Cat kung hindi ako nakarating sa burol ng tatay mo. Nasa Taiwan kasi ako nang mga sandaling iyon at hindi ako basta makaalis sa kompanya,” ani G. Sanshu.

“Okay lang po, Tito. Naiintindihan ko naman po,” aniya.

Sa kasalukuyang kasalo niya sa hapunan ang pamilya ni Sean. Ngayon lamang niya nakilala ang mga ito kaya masyado siyang tahimik. Hindi siya sanay na nakikisalamuha sa mga seryosong tao. Masyado kasi siyang maligalig kaya naninibago siya.

Ang sabi ni Sean ay hindi siya maiinip sa Maynila dahil maraming magagandang pasyalan. Ngunit nang isama siya nito sa mga mall at park ay napagtanto niya na mas masarap parin talagang mamuhay sa probinsiya.

Kahit sa araw-araw ay mga hayop at halaman ang nakakasama niya ay hindi siya nalulugkot. Naninibago siya sa mga taong nakikita niya. Masyado na ngang moderno ngayon sa Maynila at kahit mag-uumaga na’y gising pa ang mga tao at nagtatambay sa mga eskinita. Sa probinsiya kasi ay alas-otso pa lamang ng gabi ay tulog na ang mga tao.

“Marami palang aswang dito sa Maynila, Kuya Sean,” aniya habang naglalakad sila ni Sean sa tabi ng Manila Bay.

Tumawa ng pagak si Sean. “Oo, marami talagang aswang dito, pero ang mga aswang dito ay magaganda at guwapo.”

Napahinto siya nang matanaw niya sa kalangitan ang naggagandahang mga tala. Tinuro niya ang pinakamalaki sa mga iyon. “Ang sabi ni itay, ang unang bituin daw na masisipat ko sa pagtingala ko sa langit ay siya raw ang lalaking mapapangasawa ko,” napapangiting wika niya.

Ngumisi si Sean. “Paano mo naman maipapaliwanag na siya ang lalaking iyon? Paano kung babae pala ang bituin na nakita mo?”

“Kapag malalaki raw ay lalaki,” aniya. Nakatingala parin siya sa kalangitan.

“Ganoon ba ‘yon? Sige, susuportahan kita kung iyan ang paniniwala mo.”

Ngumiti siya saka ibinaling ang tingin sa pinsan. “Hula ko, hindi ka marunong tumingin ng isda kung babae o lalaki ano?” aniya.

“Anong klaseng isda?”

“Galunggong.”

Umiling-iling si Sean. “Tutal, lalaki naman ang pinag-uuspan natin. Sumama ka nalang sa akin sa Bar,” kapagkuwa’y sabi nito.

“Saang Bar?”

“Sa Bar na naitatag namin ng mga kaibigan ko. Ako at ang Banda ko ang tumutugtog doon at minsan ay Bartender din ako,” anito.

Bartenders Series 2 GIN (To be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon