Ang EXO, ako, at si Lola

3 1 0
                                    

Aprik 12, 2014. Kasagsagan ng pagiging fangirl ko noon sa EXO. Exotics pa ang tawag sa fandom at hindi EXO-L. Birthday ng pinakabunsong miyembro ng grupo na si Sehun, kaya ang siste, kinakailangan magcelebrate. Supportive si Lola at Ate Bei sa pagiging fangirl ko. Kaya hayun, mula sa pagkakarolyo, kinuha ko si Sehun, maingat na isinipit sa kurtina at saka ibinida kay Lola ang "boyfriend" ko, hindi puwedeng asawa, kay Luhan nakalaan ang titulong 'yon.

Ang bida ko pa, "La, boyfriend ko 'yan! Nagsasayaw saka kumakanta!"

Hindi makapaniwala naman akong sinasagot ni Lola. "Talaga? Maganda. Babae ata 'yan? Hindi ka naiintindihan. Intsik. Kilala ka ba? Ke ganda naman, maganda pa sa 'yo."

Tanda ko pa, pinayagan ako magluto ni Ate Bei at Lola ng handa. Hindi ko sigurado kung spaghetti ba o pancit. Nang maihain, kinantahan pa namin si Sehun (ang poster) ng Happy Birthday.

Kung tutuusin, hindi naman talaga suportado ni Mami ang pagiging k-pop fangirl ko, hindi tulad ni Lola, na sige ang tawa sa tuwing nagsasayaw ako sa harap niya kapag naririnig ang kanta ng EXO. Inaaninag rin ng malalabo niyang mga mata ang mga mukha ng mga miyembro ng EXO, kapag pilit kong ipinapakilala ang bawat isang miyembro sa nasabing grupo--kung sino ang asawa ko, sa fiance ko, sa boyfriend at crush ko. Pinapakinggan din niya mula sa tumba-tumba niya ang sintunado kong pagkanta na pinupuri rin niya (kahit pa hinuhulaan ko lang ang mga liriko), at mga kuwentong K-pop ko mula pagdilat ng mga mata namin sa umaga hanggang pagpikit sa gabi.

Noong umalis si Kris, miyembro ng grupo at lider ng Chinese sub-group ng EXO, kay Lola ako umiyak at nagsumbong. Hindi niya ako sinabihan ng maarte, o pinatigil. Hinayaan lang niya ako magsumbong nang magsumbong. Kaya naman, mas madali para sa akin ang pagtanggap ng katotohanang umalis na nga ang cool na lider ng grupo.

Ilang taon din ang lumipas, hindi lang isa ang nawala sa grupo. Nasundan ito ng dalawa pang Chinese members, ang "asawa" ko na si Luhan at ng "jowa" kong si Tao. Wala na rin si Lola, at hindi na ganoon kalalim ang pagiging fangirl ko.

Marami na ang nangyari, marami na ang nagbago. Nag-aral at nakapagtapos ako ng kolehiyo gaya ng bilin ni Lola. Itinuloy ko rin ang pagsulat ko gaya ng ipinangako ko sa kanya, na magiging manunulat ako. Maraming tao na akong nakakakuwentuhan at nakakadaupang-palad, pero wala ni isa ang kayang tumumbas sa pakikinig at pagtitiyaga sa kabaliwan ko - higit lalo kapag K-pop ang mapag-uusapan. At sa tuwing mapapakinggan ko ang mga kanta ng EXO, o makita ang mga poster nila, higit lalo nang makita ko ang litratong ito, hindi lang ang mga minahal kong miyembro ang naalala ko. Dahil, kakabit ng mga liriko at ritmo ng mga kanta nila, maging mga pangalan nila, at ng pagiging fangirl ko, ang mga alaala ko kasama si Lola.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 04, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Bubog: Koleksiyon ng pira-pirasong alaalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon