NG LUGAR ay Pampanga, sa isang baryo sa Bacolor. ‘Yun ang pook na napili ng Milyonaryong si Randy Madrilejo para patayuan ng isang bahay kubo.
“Finishing touches na lang Randy at tapos na talaga ang bahay kubong ito,” ang luwang-luwang nang pagkakangiti ni Mang Domeng, ang karpenterong pinangasiwa ni Randy para gawin ang bahay kubong iyon nang kausapin siya nito.
“Oo nga, at perfect ang pagkakayari. Batay lahat sa pagkakasabi ko sa inyo.”
“E, sinabi mo, di ‘yun ang susundin ko,” may pagyayabang ang tono nang pagkakasagot ni Mang Domeng.
Hinagod ng tingin ni Randy ang bahay kubo. Nangingiti siya na bakas na bakas sa mukha ang malaking kasiyahan.
“Kulang na lang dito ay mga halamang gulay sa paligid at parang ito na ‘yung sa kantang bahay kubo,” tumatawang sabi ni Randy.
Sa kasalukuyan kasi ay binabakuran na lang ng mga tauhan ni Mang Domeng ang natural na bahay kubo sa probinsiya ang dating.
Mga 50 by 50 meters ang kabuuang luwang ng bahay kubo. Ang bubong nito ay yari sa pawid na sa pinakalupo ay may tatlong kahoy na naka-ekis na magkakalayo ang agwat. Ang dingding nito ay sawali at ang bintana na yari rin sa sawali ay ‘yung kailangan mo pang tukuran ng mahabang kahoy para mabuksan. Style probinsiya talaga.
Ang hagdan nito na yari sa kawayan ay nasa labas na nakakunektado sa balkonahe na yari sa kawayan din ang sahig. Ang pinto nito ay sawali rin. Sa loob ay may isang silid na ang higaan ay papag na para sa dalawang tao. Sa pinaka-salas ng bahay ay may tatlong silyang yari sa kawayan at isang mahabang bangko. May lamesita na nasa may harap ng bintana. Ang sahig nito na yari rin sa kawayan ay nakaangat sa lupa ng isang metro. Ang paligid na bale pinakasilong ng bahay ay sinarhan ng kawayan na paekis-ekis, bagay na nagbibigay ng tanawin sa labas na talagang isang tipikal na bahay kubo.
“Kung gusto mo Randy, di patataniman ko ng gulay sa paligid para masunod nang husto ang gusto mo?” Sabi ni Mang Domeng bilang sagot sa sinabi kanina ni Randy.
“Hindi na ho siguro kailangan, gagahulin na sa panahon bago pa lumaki ang mga gulay na iyon.”
“Bakit, di ba gagawin mo itong parang bahay bakasyunan?”
“Hindi ho. Mga isang buwan lang ho siguro ako titira rito. Kami pala ng mapapangasawa kong si Aleli”