Ilusyon

27 0 0
                                    

Masaya pala sa pakiramdam na gusto ka ng taong gusto mo. Nakakagaan ng pakiramdam kaso may problema, may kasintahan na ako, si Lian. Minahal ko si Lian pero hindi ko sinadyang mahalin si Lyka, ang matalik niyang kaibigan. Napakaswerte ng magiging nobyo ni Lyka dahil nasakanya na ang lahat.

Hindi man sinasabi ni Lyka sakin pero ramdam ko na gusto niya ako. Nakikita ko ang mga tingin niya tuwing magkasama kami ni Lian, lagi rin siyang sumasama sa'min ni Lian kapag pumupunta kami kung saan-saan. Minsan nga, hindi ko sinasadyang marinig ang usapan nila ni Lian, gusto niyang makipaghiwalay sakin si Lian at umiyak siya nang hindi ito pumayag.

Gusto niya nga ako. Nagseselos siya kapag magkasama kami ni Lian dahil gusto niya ako, gusto niyang makipaghiwalay sakin si Lian dahil gusto niya ako. Gusto ko rin siya pero hindi ko alam kung paano ko hihiwalayan si Lian saka ayaw ko rin namang masira ang pagkakaibigan nila, pero hindi ko na talaga kayang itago ang nararamdaman ko kaya aamin na ako kay Lian tungkol sa totoong damdamin ko.

Kinausap ko si Lian kung pwede kaming magkita bukas. Pumayag siya agad, napansin ko na ang pagiging malamig niya sakin nitong mga nakaraang linggo.

Nag-ayos ako. Sana maging masaya si Lian para sa'min ni Lyka. Pagkarating ko sa lugar kung saan kami magkikita, nagulat ako dahil andun na si Lian at kasama niya pa si Lyka! Mukhang masaya si Lyka, siguro naramdam niya na makikipaghiwalay na ako kay Lian.

Ngumiti siya nang nakita ako kaya nginitian ko din siya. Ang ganda talaga ni Lyka.

Nasa harap ko na sila. Gusto ko sana na kami lang ni Lian ang mag-usap pero hindi ko naman kayang paalisin si Lyka.

Magsasalita na sana ako nang bigla akong unahan ni Lian.

"May sasabihin ako."

Tumango ako para paunahin siya sa pagsasalita. Nagkatinginan sila ni Lyka. Kumunot ang noo ko nang namula ang pisngi nilang dalawa, bumaba rin ang tingin ko sa kamay nilang magkahawak.

"Sorry, break na tayo. Kami na ni Lyka."

IlusyonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon