LuzViMinda

3 1 0
                                    


Noong unang panahon, kilalang-kilala ang pamilya Pinas sa parteng Silangan. Isa sila sa pinakamayamang angkan dahil hitik sa perlas at kung ano pang mga yaman ang kanilang lupain. Maraming angkan ang nag-aasam na makasama at makihati sa kanilang angking yaman.

Taliwas sa perpektong pagtingin ng mga tao sa kanilang pamilya, may mga hindi pagkakaunawaan din sa pagitan ng magkakapatid na sina Luzon, Visayas, at Mindanao. Ang tanging rason ng kanilang pagtatalo: ang paghahati sa kanilang mamanahing lupain.

Si Luzon ang panganay. Matikas, matangkad, malakas. Marami ang humahanga sa kanya dahil sa taglay niyang tindig at katalinuhan. Kilala rin siya sa kanyang pagyakap sa modernisasyon. Dahil sa siya ang unang isinilang, inaasahan ng lahat na sa kanya mapupunta ang pinakamalaking bahagi ng kalupaan ng kanilang pamilya.

Si Visayas naman ang pangalawa sa tatlong magkakapatid at ang nag-iisang babae. Pumipila ang mga kalalakihan mula sa iba't ibang panig ng mundo upang masilayan lamang ang kanyang kagandahan. Ang hindi alam ng iba, sa likod ng maamo niyang mukha ay isang matabil na dila. Ang pinakaayaw niya ay ang pagpigil sa kanyang mga nais gawin dahil sa mata ng iba, siya ay babae lamang. Naniniwala siya na dapat sa kaniya mapunta ang pinakamalaking bahagi ng kanilang lupain dahil sa mga babae dapat mapunta ang lahat ng pinakamaganda, pinakamalaki at pinakamagagarang bagay.

Si Mindanao naman ang pinakabata sa mga magkakapatid. Hindi man siya kasingtangkad o kasingtikas ng kanyang nakatatandang kapatid na si Luzon, mapamaraan naman siya at matalino. Ang kanyang hangad ay ang ipalaganap ang kaniyang relihiyon at paniniwala at ang naisip niyang paraan para maisakatuparan ito ay ang angkinin ang pinakamalaking parte ng kanilang lupain.

Sa araw-araw na ginawa ng Panginoon, palagi na lamang silang nagtalo sa harap ng kanilang ina na si Pili. May kanya-kanyang nais sabihin. May kanya-kanyang argumento. May kanya-kanyang hinaing. Iisa naman ang kanilang salita ngunit para bang magkakaiba ang kanilang lengguwahe. Hindi sila magkaintindihan. Hindi sila magkaunawaan.

Isang gabi, tinipon ni Pili ang kanyang mga anak upang maghapunan. Tulad ng dati, hindi pa man sila nakakaupo sa kanilang mga silya ay nagbabangayan na sila. Hindi na nakapagtimpi pa si Pili.

"Ano ba naman kayo, mga anak?! Hindi n'yo man lamang ba igagalang ang hapag-kainan? Palagi na lamang ba kayong magiging ganyan? Palaging nag-aaway? Nagtatalo? Nagbabangayan? Ano nang nangyari sa mga itinuro ko sa inyong mga tamang asal? Hindi n'yo na ba 'yon pahahalagahan?"

Walang ibang nagawa ang tatlong magkakapatid kundi tumungo at tanggapin ang pangaral ng kanilang ina.

"Iyan na lamang ba ang tanging mahalaga sa inyo? Ang mamanahin ninyo? Nasaan na ang pagmamahal ninyo para sa isa't isa? Halos magpatayan na kayo dahil sa mga pagtatalo n'yo! Mga anak, magkakapatid kayo. Hindi kayo dapat nagtatalo. Bagkus, dapat inuunawa n'yo ang isa't isa, pinakikinggan at iniintindi. Kayo ay nararapat na magtulungan."

Katahimikan ang namayani sa silid habang isinasapuso ng tatlo ang paalala ng kanilang mahal na ina. Saglit na umalis sa silid si Pili at sa pagbalik niya ay may bitbit na siyang isang masiglang sanggol. Lumapit ang tatlong magkakapatid sa ina at sinilip ang bata. Tinitigan nila ito at halos malunod sila sa karunungang nakita nila sa mga mata nito.

"Mga mahal kong anak, ipinapakilala ko sa inyo si Filipino. Siya ang magiging bunsong kapatid ninyo. Dapat n'yo siyang alagaan at pahalagahan sapagkat siya ang magiging tulay upang kayo ay magkaintindihan. Siya ang magiging daan upang kayo ay magkaunawaan. Siya ang linya na magkokonekta sa inyong tatlo. Siya ang bubuo sa ating pamilya."

Totoo nga ang sabi ng kanilang ina. Si Filipino ang naging susi ng kanilang pagkakaisa. Napagkasunduan nilang kay Luzon mapunta ang pinakamalaking lupain dahil sa layunin niyang simulan ang modernisasyon para sa ikauunlad pa ng kanilang lugar. Kay Visayas naman napunta ang pinakamaliit ngunit pinakasagana naman sa magagandang tanawin at karagatan. Ang pangalawang pinakamalaking lupain naman ang naipamana kay Mindanao. Dito niya ipinalaganap ang kanyang relihiyon at paniniwala. Tinawag pa nila itong 'lupang ipinangako'.

Sa lahat ng kanilang ari-arian at yaman, ang pinakainiingatan at pinahahalagahan nila ay ang kanilang bunsong kapatid na si Filipino. Dahil kung hindi dahil sa kanya, hindi sila magkakasundong tatlo. Naniniwala silang si Filipino ang yamang hindi nila ipagpapalit sa iba, si Filipino ay nag-iisa at puno ng karunungan.

Ang tanging hiling lamang nila sa mga naninirahan ngayon sa kanilang lupain ay ingatan din ang kanilang kapatid tulad ng pag-iingat nila dito.

POEMS (Poetry Opens Everyone's Mind Successfully)Where stories live. Discover now