CHAPTER ONE
“Grow up, Corazon!”
“Ma, it’s Zoe, not Corazon!” pagtatama niya sa tawag sa kanya ng nanay niya.
Sakit sa tainga ng pangalan niya, sa totoo lang. Kung bakit sa dami ng mamanahin niya, pangalan pa ng lola niya ang napiling ibigay sa kanya.
She felt ancient everytime she heard people called her by her full name especially now that her bbirthday was coming and she’d be turning thirty-one over the weekend.
Thirty-one!
Nawala ang antok niya.
Maybe the reason why her mother was calling her in the wee hours of the night, este, umaga na pala, it’s because laglag na siya sa kalendaryo sa susunod na taon! Kumbaga, kapit-tuko na pala ngayon ang peg niya.
Buti na lang thirty-eight ang last digit sa bingo, puwede pa siyang lumipat doon. O thirty-eight nga ba? Hindi siya nagsusugal kaya hindi niya alam.
Gamit ang isang nakadilat na mata tsinek niya ang orasan sa dingding, six-thirty in the morning.
Napaungol siya sabay higa ulit sa kama. Ang sarap pa ng tulog niya, biglang kumiriring ang cell phone niya. Kay aga-aga pa, eh, binubulabog na ni Aling Vera ang pananahimik niya.
“Ano bang problema, Ma? May emergency ba?” taga-San Isidro ang lahat ng kamag-anak niya at doon din nakatira ang parents niya maliban sa kanya kaya malimit sa telepono lang sila nag-uusap.
Mag-isa siyang naninirahan sa lungsod ng Maynila dahil sa siyudad siya nakakuha ng trabaho at hindi sa probinsiya.
Magsasampung taon na siyang living independently at magsasampung taon na ring walang ginawa ang mapagmahal niyang nanay kungdi ang gambalain siya araw-araw sa eksaktong oras ng alas-sais y medya ng umaga.
Ito ang nagsisilbing alarm clock niya kaya malaki ang pasasalamat niya rito dahil hindi siya nali-late kahit minsan sa trabaho niya.
Kaso OA na ang muder niya.
Isang taon na siyang freelancer sa trabaho bilang property consultant cum designer. Meaning, hindi na niya kailangan ang pumasok ng opisina araw-araw at mas lalong hindi na niya kailangan ng human alarm clock. Pero heto ng nanay niya, ayaw pa rin siyang tantanan.
“Wala akong problema, ikaw ang meron!”
Napangiwi siya.
Nalusaw yata ang earwax pati eardrums niya sa talas ng boses nito. Parang may laser beam na matalim.
“Ma, tulog pa ho ako, eh. Ang sarap nga ng panaginip ko kaya paano n’yo nasabing may problema ako?”
“Iyan! Iyan ang problema mo!”
Napakamot na siya sa ulo. Wala na ang antok niya. Gising na gising na ang diwa niya, salamat sa mahal niyang ina, “hindi ko ho alam.”
“Umaga na pero tulog ka pa! Anong klaseng style mo iyan, Cor-, este, Zoe?”
Napangiti siya kahit na nababanas siya. Kahit kailan ay comedy talaga si Aling Vera, “for sure ay hindi style bulok, Ma. I have work, okay? May tinapos akong lay-out kagabi kaya nag-overtime ako. Sa totoo lang tatlong oras pa lang ang tulog ko.”