Para sa'yong hindi inilaan para sa akin...
Gusto kong malaman mo,
Hindi marunong sumuko ang pusong ito.
Hindi ako naniniwalang pinagtagpo tayo ng walang dahilan kundi ang magkatagpo lamang.
Hindi ako naniniwalang nakilala kita para makilala lamang,
Nakausap para makausap lamang.
Lahat ay may dahilan
At iyon ay ang mamahalin mo rin ako balang-araw.
Hindi ko naman sinasabing bukas o sa makalawa o sa susunod na mga buwan o taon.Naniniwala ka ba sa 'reincarnation'?
Ako OO.
Pero hindi ako naniniwala sa 'destiny'.
Yung tipong nakasulat na sa kung kanino mang libro kung sino ang makakahinatnan mo.
Hindi ako naniniwala doon.
At kung totoo man, gagawa at gagawa ako ng paraan para baguhin ang iyong kapalaran,
ililihis ko patungo sa akin.
O ako ang lilihis patungo sa iyo.
Pipilitin kong magtagpo ang ating mundo,
sa bawat yugto ng ating pagkakawang-tao,
ikaw at ikaw lang ang hahanapin ko.Minsan na akong naging usa.
Sa gitna ng kagubatan, natanaw kita.
Dahan dahan kang lumalapit sa akin.
Walang ibang maririnig kundi ang mabilis na pagtibok ng ating mga dibdib.
Napatulala ako sa angkin mong kakisigan.
Ilang segundong humanga, mabilis na nangarap na sana,
Sana hindi ito ang huli nating pagtatagpo.
Ngunit agad ding nawaglit nang maramdaman kong unti unting pumapasok sa aking puso ang kanina'y tangan mong palaso.
Napatumba ako sa sakit.
"Akin ka!" naulinigan kong nasambit mo.
At nakangiti kong nilisan ang mundo.Minsan na rin akong naging bulaklak.
Kasama ng iba pang mga halaman sa iyong hardin, alam kong ako ang iyong paborito.
Araw-araw mong dinidiligan, inaalagaan.
Kahuntahan tuwing umaga, sinasabayan ang pagsikat ng araw.
Alam ko ang buong kwento ng buhay mo.
Nahinto lamang ito nang makilala mo siya.
Mula noo'y unti-unti mo akong nalimot.
Ako ay nalanta sa paghihintay na muli mong ma-kwentuhan.
Natuyot sa pag-asang muling madadampian ng iyong pag-aalaga.
Nilisan kong muli ang mundo nang may panalangin na sana,
sana sa susunod kong buhay, ako na siya na iyong mas minahal.Makailang beses, paulit-ulit, sa bawat pagtalon natin sa iba't ibang panahon, sa bawat pagpapalit ng anyo, sa bawat pagkabuhay, ikaw at ikaw lang ang hinahanap ko.
Ilang beses nang kita ay natagpuan.
Ilang beses na ikaw ay umalis.
Ilang beses nagkahiwalay, nagkasakitan.
Ngunit palagi pa rin akong bumabalik.
Kahit iligaw man ako ng kagubatan, lunurin ng mga alon, bulagin ng kadiliman, magising sa panahong hindi tayo magkakilala o kaya ay may iba kang kapareha, sa susunod na buhay ay susubukan kong muli.
Kahit nanginginig na sa pagod, natuyot na sa ilang beses na pagtangis, hindi pa rin ako titigil na abutin ka.
Hindi ako mapapagod na ipabatid sa iyo na ako ang iyong walang hanggan.
...............
"Parang nakilala na kita."