Napuna ng mga mata
ang kisig at ganda ng mga larawan;
Hindi man lang makagawa ng kanya
‘pagkat nag-aagam-agam.
Pinatay ko siya,
pinatay kita,
pinatay ko ang aking kaluluwa
upang makita lamang ang kagandahan
ng mga patak ng ulan sa sikat ng araw.
Naamoy ang lansa
ng mga bulaklak sa salita;
Ang wika niya’y balisa,
hindi man lang gawing sariwa.
Namatay siya,
Namatay ka,
O! Ba’t hindi pa napasama?
Ang mga maling gawi ay narito pa
at patuloy na nakikibaka.
Bumaliktad ang sikmura
nang aking malasahan
ang hindi maunawaan,
Hala! Naging tinik sa lalamunan!
Binaril na siya,
Bumangon pa!
O! Imortal ka bang talaga?
Hindi mapuksa ang iyong pagkaganid
at sa tuwina’y namamayagpag pa.
Dininig ng mga tainga
ang mga tinig at tugtugin;
Waring nagbabaga, di nababago
Ay! Ay! Sino ba ang loko?
O! Dakilang Bobo!
Saksi ka sa kamatayan ko!
Dahil sa husay at galing mo
UUUDIN ang kahit sino.
Hawak ko ay bato
na sana ay para sa iyo,
Pero mas mainam na’ng ganito:
Ipokpok sa aking ulo;
‘pagkat kung mananatili ako,
kakampi ko ay sino?
lahat na yata ay nabili mo,
kaya wala na rin kahit ang iyong puso.
At ang huli po ay naramdaman:
Kumakalam-kalam ang sikmura ko’t tiyan,
Ito’y nagsasabi, “baka pwede naman, baguhin mo na ‘yan! Magtino ka’t huwag manlamang!”