Part 2

6.1K 170 5
                                    

"MAX! MAX!"

Ni hindi tuminag si Maxine sa pagpupunas ng mga camera lens. Alam naman ni Xanderr kung saan siya matatagpuan. At ilang segundo lang ay bumukas na ang pinto ng workroom niya.

"Isara mo agad iyang pinto. Papasok ang alikabok," sabi niya.

"Ang sungit naman. May PMS ka?" ngisi nito.

"Alam mo namang ayokong napapasukan ng alikabok ang kuwartong ito. Mahirap na. Magbabara sa mga gamit ko ang alikabok."

"Huh? Luminga ka nga sa paligid mo. Napaka-sterile na nitong kuwarto mo, Max! Kapag nandito nga ako, pakiramdam ko, bawal ding huminga."

Umirap siya. "Eh, bakit ka nga ba nandito ka? Biyernes ngayon, ah? Wala ka bang pasok?" Web designer ito ng isang malaking IT company.

"Alam mo naman sa trabaho ko, kahit anong oras ko gustuhing pumasok puwede. Natapos ko nang maaga iyong project ko kaya free na ako."

"Kaya manggugulo ka na naman dito," ungol niya.

"Ang sungit-sungit naman," kantiyaw nito at pinisil ang ilong niya. "Bakit wala ka sa mood? Wala kang pera?"

Nagtaas siya ng kilay. "Excuse me. Mawawalan ka ng pera, ako hindi. May utang ka pa nga sa akin."

"Ouch! Kung may balak kang maningil, sa isang linggo na."

"Kahapon ang suweldo mo, ah?"

"Oo nga. Kaya lang..." Tinitigan siya nito at saka ngumiti. "Nag-date kami ni Laura kahapon. Fine dining. Tapos nag-aya pang mag-bar hopping. Ayun! Ubos ang suweldo ko."

"Treinta mil, inubos mo sa isang magdamag lang?" magkahalo ang mangha at sama ng loob sa tinig niya. Buti pa ang babaeng iyon, pinagkakagastahan ni Xanderr. Samantalang siya, ganito lang. Binubuwisit palagi... at kung minsan, inuutangan.

"Hindi naman. Huwag kang maingay diyan, baka may makarinig sa iyo. Alam mo namang sa iyo ko lang inamin kung magsakano ang suweldo ko."

"Ibibisto kita kay Tita Rebbie. Bulagsak kang masyado. Palibhasa kapitan ng barko ang daddy mo kaya nasanay kang magaan lang ang pera. Ikaw na ba naman iyong may sustento galing sa daddy kahit na may beinte otso anyos na? At dollars pa!"

"Hoy, may ipon ako. Naitabi ko na roon iyong pang-savings ko saka iyong amortization ng condo unit na kinuha ko. Also, nabayaran ko na rin ang credit card dues ko. Iyon namang padala ni daddy, hindi ko iyon ginagasta. Para sa future ko iyon. Ang ibig ko lang sabihin, iyong allowance ko sana for this week, iyon ang naubos kagabi."

"Kahit na. Biruin mo, isang gabi mo lang inubos iyong gagastusin mo sana sa loob ng isang linggo?"

Nagkibit lang ito ng balikat. "Hindi bale, Max. Kapag sinagot ako ni Laura, ikaw ang una kong ililibre. Pupunta tayo sa Eastwood."

"Eastwood ka riyan. Wala ka namang ibang alam puntahan doon kundi Fazolli's. palibhasa mura kumpara sa iba."

"Nililibre naman kita sa sinehan, ah? Mas mahal naman ang sine doon kaysa sa iba."

Nanulis ang nguso niya. "Kahit na nga ba, eh. Ni minsan, hindi mo man lang ako na-treat sa fine dining."

"One day, I will," sabi ni Xanderr.

"Buhay pa kaya ako nu'n?" eksaherado namang sabi niya.

"Bakit naman hindi? Mabubuhay ka pa ng dalawang libong taon," ngisi nito.

"Ikaw na lang kung gusto mo," pikong sabi niya.

"Max," ani Xanderr na tila nagseryoso sa tinig.

"Bakit?" angil naman niya.

"Masaya ka ba diyan sa ginagawa mo?"

"Maglinis ng lens? Oo naman. Saka dapat ko lang gawin ito. Dahil kung hindi, masisira ang gamit ko. Paano ako mabubuhay?"

Elementary lang siya ay mahilig na siyang humawak ng camera. Nang mag-high school siya at isali ng guro sa photojournalism contest naging mas malalim ang interes niya sa photography. Natuklasan niyang iyong ang gusto niyang gawin.

Nakatapos siya ng MassCom sa UP Diliman subalit ang mas pinagpursigihan niya ay ang photography. Kung anu-anong training at seminar ang dinaluhan niya upang mahasa doon. At nang matiyak niyang kaya na niya, ang naipon niyang pera ay ginamit niya upang maitayo ang Maxine De Lara Photography.

Nang malaunan, pinag-aralan na rin niya ang videography. Kumuha siya ng tao na siyang in-charge doon sapagkat kahit na naging bihasa siya pagkuha ng video, mas gusto pa rin niyang still camera ang hawak.

Isang taon na siyang nag-i-specialize sa wedding photo and video coverage nang magtagpo ang landas nila ni Eve sa isang wedding planners and suppliers exhibit. Pagkatapos nilang mag-usap at magustuhan ni Eve ang mga naunang trabaho niya, siya na ang kinuha nitong official wedding photographer ng Romantic Events.

Maganda ang kita sa trabaho niyang iyon lalo na kung willing magbayad ang kliyente sa presyo niya. Kung hindi naman, kaya din niyang magbigay ng discount. Isa pa, nag-e-enjoy siya sa ginagawa niya.

"I mean, hindi ka ba nabo-bored? Wala ka nang ibang naging hawak kundi camera," tanong uli sa kanya ni Xanderr.

"Masaya ako dito. Kahit minsan ba, narinig mo akong nagreklamo sa ginagawa ko?"
"Hindi. Kaya lang, curious din ako. Wala kang social life."

"Hello! Anong wala? Madalas nga ako sa kasalan. Bukas lang, ikakasal iyong isang wedding girl. Sosyalan iyon."

"Pero nagtatrabaho ka pa rin."

"And so? Ang importante, Xanderr, masaya ako sa ginagawa ko."

"Kailan ka magbo-boyfriend?"

Nasamid siyang bigla. "Malay mo naman kung may boyfriend na ako?"

Tumawa nang malakas si Xanderr. "Hindi ako maniniwala."

"I have secrets, you know," makahulugang sabi niya.

Tinitigan siya nito. "Meron nga ba?" seryosong tanong nito.

Ngumiti lang siya.

Bumunot ng mabilis na paghinga si Xanderr. "Mukha ka namang hindi in love."

"Magaling lang akong magtago."

"Wala ka palang kuwenta, eh. Tayo ang mag-best friend, hindi mo sinasabi sa aking may boyfriend ka na? Nasaan ang lalaking iyon? Kakaliskisan ko."

"Walang pakialaman sa personal life," supladang sabi niya.

"Fine!" ani Xanderr na biglang napikon. Tumalikod na ito at diretsong umalis.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Feel free to vote and comment; and share the link, too.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

Wedding Girls Series 11 - MAXINE - The Wedding PhotographerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon