Part 1

16.8K 242 12
                                    

"ANONG oras ide-deliver ang inorder nating organza?" tanong ni Jenna sa assistant niyang si Noemi.

"Anytime daw, Ma'am. Tumawag na po ako sa textile warehouse. Umalis na daw po doon iyong van."

"Mabuti. Sina Gardo at Boyet, nasaan? Baka hindi na naman mahagilap ang dalawang iyon pagdating ng delivery?"

"No, Ma'am. Alam na po nilang mag-aayos tayo ng showroom. Nandiyan lang po sila sa likod, inaayos na nga po iyong mga gagamitin."

Tumango siya. "Okay. Siyangapala, baka makalimutan mong tawagan ang mga wedding girls. May meeting kami sa Saturday."

"Natawagan ko na rin po, Ma'am. Ire-remind ko na lang sila uli before Saturday."

Napangiti siya. "Maaasahan ka talaga, Noemi. Sige, doon na muna ako sa office. Tawagin mo na lang ako kung kailangan." Tumalikod na siya at nagtungo sa maliit niyang private office.

Nang maupo siya ay saglit niyang ipinahinga ang katawan bagaman may mga trabahong naghihintay sa kanya. Hindi pa marahil humuhupa sa damdamin niya ang kaligayahang naabot na niya ang kanyang pangarap. Matagumpay na siya sa larangang pinasok niya.

Salamat kay Eve ng Romantic Events.

Dati siyang secretary/assistant ni Eve Olivares, ang may-ari ng one-stop wedding shop/planning and coordination firm na Romantic Events. Ilang taon din siyang nagsilbi dito at doon niya natutunan ang mga pasikot-sikot sa wedding planning.

Dumating sa kanya ang pagkakataong magtayo ng sariling kumpanya nang mag-lie low si Eve sa trabahong iyon. Palibhasa ay priority ni Eve ang pamilya, isinantabi nito ang Romantic Events nang kailanganing mamalagi sa abroad ang asawa nitong si Ryan para sa family business ng mga ito. Hindi naman pumayag si Eve na maiwan kaya buong pamilya ang mga ito na nagtungo sa abroad.

Ang ilang mabibiting kontrata ay ipinasa ni Eve sa kanya. Pagkatapos niyon ay nag-usap sila. Sinabi niya kay Eve na sayang naman ang client base nila. Nagpaalam siya kay Eve na kung maaari ay itutuloy niya ang negosyo.

Hindi naman siya nahirapang kumbinsihin si Eve. Tinulungan pa nga siya nito upang mairehistro ng legal ang bagong kumpanya. Mula Romantic Events, ang mababasa na ngayong karatula sa opisinang iyon ay Perfect Wedding.

Mula nang mauso ang event planning ay naging pinakamalakas na pagkakitaan ang tungkol sa kasal. Marami sa nagpapakasal ngayon ang ayaw nang maabala pa sa kung anu-anong mga detalye. Mas gusto ng mga ito na magbayad na lang at huwag nang mamroblema pa nang husto. Pabor naman iyon sa kagaya niya sapagkat bagaman mahirap at mabusisi, nag-e-enjoy naman siya nang husto sa trabaho niya.

Narinig niyang tumunog ang private line niya kaya naman agad siyang kumilos. Personal na tawag iyon sapagkat kung kliyente iyon o supplier, dadaan muna ang tawag kay Noemi.

"Perfect Wedding, hello!"

"Kumusta ang bagong boss?" bati ng nasa kabilang linya.

"Ma'am Eve!" tuwang sabi niya nang mabosesan ito.

"Ma'am ka riyan," natatawang sagot nito. "Pareho na tayo ng level ngayon. Kumusta ka at ang bagong business?"

"Ako, okay naman kahit na ngarag sa trabaho. Ang business, okay din. Naisip ko nga, parang kailan lang noong nagsisimula ako, mag-iisang taon na pala ang Perfect Wedding."

"Of course. Mag-iisang taon na rin kami dito sa New York."

"Kumusta kayo?"

"Heto, mommy'ng-mommy. Nag-aalaga ng dalawang tsikiting!" At bakas niya sa tinig ng kausap na maligaya naman ito.

Wedding Girls Series 13 - JENNA - Another Wedding PlannerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon