Dala ang inorder kong wintermelon at pesto sandwich, dumiretso ako sa bakanteng mesa kung saan tayo madalas umupo. Sinilip ko ang aking relo para tingnan ang oras. 3:00 pm. Ganitong oras tayo madalas nagmi-miryenda ng sabay. Minsan ay ikaw ang mauuna at hihintayin mo ako, minsan ay ako ang mauuna at hihintayin kita. At kapag sinuswerte, sabay tayong nagpupunta rito para kumain ng paborito nating pesto sandwich. Oorder ako ng wintermelon habang ikaw ay oorder naman ng espresso. Magku-kwentuhan hanggang sa maubos ang pagkain at sumapit ang gabi. Ihahatid mo ako sa amin habang magkahawak kamay tayong naglalakad sa ilalim ng nagkikislapang bituin na gawa ng madilim na gabi.
Ang sarap alalahanin ng mga sandaling iyon.
Hindi nagtagal ay tumunog ang chimes ng coffee shop, hudyat na may pumasok. Hindi ko mapigilang mapangiti nang makita kitang naglalakad papunta sa akin, suot ang iniregalo ko sa'yong polo shirt noong 22nd birthday mo. Ang gwapo gwapo mo sa suot mong denim shorts at nike air. Simpleng get-up pero sobrang gwapo mo sa paningin ko.
Parang tumigil ang oras nang makita kitang ngumiti. Ilang taon na tayong nagkasama pero hindi pa rin nagbabago ang epekto mo sa akin. Ikaw lang ang may kakayahang makaapekto sa akin ng ganito.
Simula nang una kitang makita ay alam ko nang ikaw ang magpapabago ng buhay ko. Isang ngiti mo lang ay kumakabog na ng malakas ang dibdib ko. Isang yakap mo lang ay nawawala agad ang pagod ko. At isang halik mo lang ay napapawi lahat ng lungkot ko.
Mahal na mahal kita.
Naalala ko pa noong unang date natin. Dahil childish ka, sa Enchanted Kingdom tayo pumunta. Nilabanan ko ang takot ko sa heights para mapasaya ka. Sigaw ako ng sigaw habang ikaw, tawa ng tawa habang nakasakay tayo sa ferris wheel. Pero hindi ko inakalang ang lugar na pinakaayaw ko ay siya palang lugar na magiging paborito ko sa lahat. Dahil dito mo ibinigay sa akin ang first kiss ko.
Naaalala mo pa ba noong unang beses akong nagkaroon ng trabaho? Hatid sundo mo ako noon. Hindi mo ako pinapayagang mag-commute kaya kahit pagod na pagod ka sa trabaho mo, hindi mo minsan kinaligtaan na sunduin ako. Naaawa nga ako sa'yo dahil madalas, nakakatulog ka sa lobby kakahintay sa akin. Lalo na kung OT ako. Pero ni minsan hindi ka nagreklamo. Kasi sabi mo nga, mahal mo ako.
At mahal na mahal din kita.
Alam mo bang hindi ko nakakalimutan yung araw na binilhan mo ako ng sandamakmak na pesto sandwich noong 21st birthday ko? Tawa ako ng tawa 'nun dahil tayo lang din ang nakaubos at sumakit pa ang tiyan natin dahil dun. Pero hindi ko maipagkakailang isa iyon sa pinakamasayang birthday ng buhay ko. My most memorable birthday. Salamat sa'yo.
Sana naaalala mo pa yung araw na pareho tayong tinamad pumasok sa trabaho kaya tumambay na lang tayo sa park. Bumili tayo ng ice cream at umupo sa seesaw. Mistula tayong mga bata na tuwang tuwa habang umaakyat-baba ang inuupuan natin. Doon ko na-realize na mahirap palang sumampa sa seesaw nang mag isa. Hindi mo maeenjoy kapag nag-iisa ka. Kapag walang kasama. Kapag wala ka.
Sana naaalala mo pa noong ipinakita mo sa akin ang drawing ng isang bahay, na noon ay sinabi mong magiging bahay nating dalawa. Kung saan tayo bubuo ng pamilya. At tatanda nang magkasama. Iyon ang pangarap natin diba?
Naaalala mo pa kaya?
Dahil ako naaalala ko pa. Habang nakatitig ako sa'yo ngayon na naglalakad papalapit sa akin, ay bumabalik sa akin ang lahat ng masasayang alalala nating dalawa..
..hanggang sa lumampas ka.
Nilampasan mo ako.
Nilingon kita at mapait akong ngumiti nang salubungin ka niya ng halik. Siya na bestfriend ko. Siya na pinagkatiwalaan ko. At siya na ngayon ay mahal mo.
Napailing ako nang umorder ka ng pita bread. Kailan mo pa naging paborito 'yun? Hindi ba't pesto sandwich ang paborito nating dalawa?
Nating dalawa.
Natin?
Oo nga pala. Wala na nga palang TAYO. Kaya nga mag-isa na lang ako dito sa table na akala ko ay special spot natin e.
Mag-isa na din akong bumabalik sa Enchanted Kingdom para sumakay ng ferris wheel.
Mag-isang nagko-commute pauwi.
Mag-isang bumibili ng pesto sandwich para sa sarili ko kapag birthday ko.
Mag-isang tumatambay sa plaza habang parang tangang nakasampa sa seesaw at may hawak na ice cream.
Mag-isang bubuoin ang sarili kong pangarap.
Mag-isa.
Dahil wala ka na.
Minahal kita.
Mahal kita
At mahal na mahal pa rin kita hanggang ngayon.
Nangako kang hanggang dulo, magkasama tayo.
Pero mukhang hanggang sa dulo, hindi mo magagawang tuparin ang pangako mo.
Ngunit magagawa ko bang tanggapin na wala na tayo kung ikaw lang ang minahal ko ng ganito? Magagawa ko bang kalimutan ka kung hindi ko alam kung paano sisimulan ulit ang buhay ko?
Hindi.
Hindi ko kaya.
Dahil mahal kita.
At hanggang sa dulo, maghihintay ako.
Sa ngalan ng pag-ibig.
----------
This story is inspired by December Avenue's song Sa Ngalan Ng Pag-Ibig.
Wala lang. naiyak lang ako sa music video nila. Ehe.
Hashtag martyr ang peg ni ate girl.