Mayo, 1937
Ako ay isang hamak na hardinero lamang. Ang aking ama't ina ay matagal nang naninilbihan sa hacienda ng mga Buenafe na kilalang pinakamayamang pamilya dito sa lungsod ng San Mateo.
Malawak ang kanilang lupain, na ginawa nilang asukarera at maisan. Si Don Rodrigo Buenafe na dating gobernador ang namamahala nito. Ang napangasawa niya ay isang espanyola at meron silang nag-iisang anak na babae. Si senyorita Antonia.
Siya ang tinuturing na pinaka-marilag na dalaga rito sa San Mateo. Ang kutis ay tila pinaglihi sa araw, pino at mahinhin ang kanyang mga kilos, malamyos ang tinig, mapupungay ang mga mata, at walang kasing tamis ang mga ngiti.
Iyan marahil ang nakaakit sa halos lahat ng kabinataan dito sa San Mateo at maging sa ibang lungsod. Bukod sa natatangi niyang ganda, hindi rin matatawaran ang kanyang talino. Katunayan ay pag-aabogasya ang kaniyang piniling propesyon na hindi naman karaniwan sa kanyang kasarian.
Marami man ang nagtangkang makuha ang loob at mapa-ibig ang senyorita, mula sa pinaka-edukado at pinakamayamang pamilya, wala siyang napusuan ni isa. Masyadong mailap ang senyorita. Hindi basta nakukuha ang puso niya.
"Aba't matutunaw ang senyorita sa katititig mo riyan Luis. Baka naman nais mong tulungan ako sa paggapas ng mga damo rito."
Ngumiti ako at binalingan si Simeon. "Patawarin mo ako, kaibigan. Sadyang hindi ko lang magawang hindi hangaan ang ating senyorita. Akin na ang karit at ako na ang tatapos nito."
Napatawa ang aking kaibigan. "Hindi ba lumalala na ang kalagayan mo? Sana'y wag mong kalimutan na hanggang paghanga lamang tayo sa kanila. Walang puwang ang pag-ibig natin sa estado ng mga alta. Para sa kanila, isa lamang tayong kasangkapan. Madaling palitan."
Kumunot ang aking noo at pagdaka'y tumawa ng mahina. "Sino bang may sabing umiibig ako sa Senyorita? Alam ko naman ang limitasyon ko Simeon, hanggang paghanga lamang ako. Hindi na lalampas pa. Sapagkat alam ko naman na hindi niya ako magugustuhan, kung iyong mga sumusuyo nga sa kanya'y tinanggihan niya, ako pa kaya? Magkaiba ang mundo namin, at matagal ko nang batid iyon."
"Kung iyan ang sabi mo, maniniwala ako. Pinaalala ko lamang sa iyo, kaibigan ko." Nagkibit balikat siya at iniwan akong mag-isa.
Mapait akong napangiti. Sa mundong ito, hindi pantay ang tingin ng mga tao. Mabuti pa'y kalimutan ko na itong nararamdaman ko na wala namang patutunguhan.
Isang sulyap pa ang iginawad ko mula sa balkonahe ng kanilang mansyon kung nasaan ang senyorita ngunit ngayo'y wala na siya.
"Tama yan, senyorita. Hindi dapat nasisilayan ng matingkad na araw ang balat mo. Lubhang makakasama iyon sa katawan mo."
"Paumanhin, ginoo. Ngunit sino ba ang iyong kausap?" Walang kasing bilis ang tibok ng aking puso nang maratnan ko sa aking harapan ang senyorita.
"A-ahh, senyoriya Antonia! Narito ka pala.. ngunit masyadong mainit ang panahon at mataas ang sikat ng araw, baka ho'y magkasakit kayo niyan? A-ano ho ba ang sadya niyo?" Sabihin mo at malugod kong gagawin para sayo.
"W-wala naman. Nais ko lamang pagmasdan ang hardin. Hindi ba ikaw ang binatang anak ni Aling Nelia? L-luis ang ngalan mo, tama ba?"
"O-oho."
"Sinabi sa akin ng mayordoma na ikaw ang gumuhit at nagpinta ng aking larawan na naroon sa loob ng aming bahay. Nais kong magpasalamat sa iyo ginoo at ako'y isang taga-hanga dahil nagawa mong iguhit ako dala lamang ng iyong imahinasyon."
"Ahh, wala ho iyon senyorita. Ginawa ko ho yon bilang r-regalo sa iyong ika-dalawampu't apat na kaarawan. Ipagpatawad mo't iyan lamang ang nakayanan ko."