Ikalawa

7 6 12
                                    

Hunyo, 1937

Hindi ko alam kung bakit maraming pag-ibig ang hindi nagtatagal at kalauna'y nagwawakas. Marahil, hindi natin nauunawaan nang lubos ang tunay na kahulugan nito o kaya naman, hindi natin ito gustong unawain.

Siguro, ang pag-ibig para sa akin ay katumbas ng sakit ngunit higit lalo ng saya. Sakit dahil, batid mong maaari kang masaktan ngunit hindi mo mapigilan ang sariling hindi umasam. Napupuno parin ang puso mo ng pag-asa. Saya, dahil sa kabila man ng lahat ngingiti ka parin. Dahil mayroong dahilan, ibabalik ka sa mga alaala.

"Nenita.."

"Bakit po, Senyorita?" Huminto siya sa pagsuklay ng aking buhok at tahimik na naghintay sa aking sasabihin.

"Hindi ako dadalo sa pagsasalo ngayong tanghali sa bahay nila Mr. Wright."

"Ngunit.. hindi ba nais ng iyong papa na makipagkaibigan ka sa anak ng heneral? Gusto niyang, kayo ang magkatuluyan. At batid ko namang may pagtingin sa iyo si ginoong Alexander."

"Sabihin mong.. masama ang pakiramdam ko. Ikaw na ang gumawa ng dahilan, pasensya ka na at hindi ko lang talaga kayang makipagmabutihan sa taong hindi ko naman gusto.."

"Oh siya, ako nang bahala senyorita. Paniguradong uusisain na naman tayo ng iyong ama tungkol sa dahilan mong iyan. Mabuti nalang at naisip kong tawagin si Simeon at ipagmamaneho ka niya papuntang ospital upang makapagpatingin ka."

Mula sa pagkakatitig sa salaming nasa tukador ay nabaling ang paningin ko sa kanya. "At paano naman kung malaman ng papa na hindi talaga masama ang pakiramdam ko?"

"Tyuhin niya ang doktor na susuri sa iyo. Huwag kang mag-alala."

"Maraming salamat, Nenita." Ngiti lamang ang ginanti niya sa akin at pagkatapos ay lumabas na siya sa aking kuwarto.

Nais ng aking ama na maikasal ako kay ginoong Alexander Wright dahil makatutulong ito sa kanya upang makabalik muli bilang gobernador ng aming lalawigan. Tahasan kong ipinahayag ang aking pagtutol ngunit hindi niya ako pinakinggan. Ani niya'y si Alexander daw ang magsasalba sa aming asukarera at maisan na ginawa niyang pang-kolateral sa bangko upang makalikom ng sapat na pera pangampanya.

Ngayon hati na ang puso ko kung tatanggi ba ako o hindi. Sa mundong ito siguro, walang puwang ang nararamdaman ko. Higit na mahalaga ang sasabihin ng madla, kung may kapangyarihan at mataas na pinag-aralan lubos ka nilang igagalang at titingalain.

Halatang dismayado si papa sa nalaman niyang balita mula kay Nenita. Gayunpaman, pinayagan niya parin akong umalis upang magpatingin sa 'doktor' ayon sa plano ni Nenita.

"Ipagpaumanhin mo senyorita subalit, nakapangako na ako sa aking ina na sasamahan siya sa karatig bayan upang dalawin ang aking kapatid na nag-aaral. Nais ko mang samahan ka sa aking tyuhin ay may nauna na akong lakad. Pero huwag kang mag-alala, dahil nasabi naman sa akin ni Nenita ang iyong tunay na dahilan kung kaya pinakiusapan ko ang aking kaibigan na siya na lamang ang sasama sa iyo."

"K-kaibigan?"

"Oh. Andito na pala siya. Halika nga dito, Luis. Nais magpatulong sa iyo ng senyorita."

Panandalian akong hindi nakahinga nang nabungaran ko ang isang lalaking naglalakad patungo sa amin. Matapos ang isang linggo, muli ko na naman siyang nakita. Hindi ako makapagsalita, hindi ko alam kung anong mararamdaman ko.

"Bakit parang bigla nalang tumahimik rito? Paumanhin talaga senyorita, gustuhin ko mang sundin ang plano niyo ni Nenita ay hindi maaari. Buti na lamang at gumaling na ang kaibigan ko mula sa sakit niya, kaya siya na lamang ang papalit sa akin. Hindi ba, Luis?" Lumingon ako sa kanyang gawi at umiwas naman siya ng tingin sa akin. Yumuko siya at marahang tumango.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 03, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Dalawampu't limang minutoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon