KABANATA 1: "Flag Ceremony"
HUWAG na kayong magkuwentuhan diyan sa tapat ng gate! Pasok na agad!" Hindi pa man tuluyang nagpapakita si Haring Araw, mainit na ang ulo ni manong guard habang patuloy niyang hinahabaan ang kaniyang pasensya sa mga estudyanteng papasok sa Mababang Paaralan ng Kataas-taasan. Kahit na umuusok na ang tenga, panloloko pa ang kaniyang natatanggap sa ilang pilyong bata. Mabuti at may ilang magulang na sinasaway ang kanilang anak pagkahatid sa gate ng paaralan.
Sa loob ng isang oras, tutunog na ang batingting ng paaralan ngunit bago ito, ang pinakahihintay munang pagbibigay-galang sa watawat ng Pilipinas. Sa pagsasagawa nito, naipapakita ng mga mag-aaral ang kanilang nasyonalismo at pagbabalik-tanaw sa mga ginawa ng ating mga ninuno para sa ating nararanasang kalayaan sa kasalukuyan. Sa flag ceremony rin manunumpa ang bawat mag-aaral na sila'y magiging mabait at disiplinadong mamamayan, bagay na hindi pinaniniwalaan ng guwardiya.
"Nagawa mo ba yung assignment natin sa Filipino?" sumabay ang isang matabang bata sa paglalakad ng kaniyang kaibigan. Ang kaniyang mga kamay ay mahigpit ang pagkakakapit sa strap ng kaniyang bag na animo'y mahuhulog ito dahil sa dami ng lamang aklat. Ang batang payat naman na kaniyang tinabihan ay may sling bag na may disenyo ng pangkat nina Naruto. Sa kaliwang kamay naman, hawak niya ang isang mabigat ding lalagyan na yari sa plastik.
Saglit na lumingon si Ton-ton sa tumabi sa kaniya. "Kahapon pa, Bingks."
Kinalabit ni Bingks si Ton-ton habang patuloy nilang tinatahak ang kanilang puwesto ng kanilang seksyon sa pagsasaayos sa kanila sa quadrangle tuwing flag ceremony.
"Ton, pakopya naman."
"Sus, hindi ka na naman gumawa? Ano, nag-DOTA ka na naman?"
Nanlaki ang mata ni Bingks dahil sa huling komento ng kaibigan. Pagalit niyang tugon kay Ton-ton, "Hoy! Grabe! Hindi ako nag-DOTA kahapon!"
"Talaga?"
"Pramis! Hindi ako nag-DOTA!" saglit na huminto sa pagsasalita si Bingks. "League of Legends ang nilaro ko."
Napangiti naman si Ton-ton sa huling sinabi ng kaibigan. "Ikaw talaga. Sige na nga! Kumopya ka na at baka magsimula na ang flag ceremony!"
Saglit na humiwalay ang dalawang magkaibigan mula sa kumpol ng kanilang mga kaklaseng nasa ikaanim na baitang na rin. Umupo sila sa sementong pinaglalagyan ng mga halaman at inilabas ang mga kuwaderno sa Filipino.
"Bilisan mo at baka makita tayo ni Ginoong Barrera at ma-guidance pa tayo!" ang kabadong wika ni Ton-ton, patuloy pa rin ang kaniyang mata sa pagmamasid kung naroon na ang kanilang guro sa Filipino.
"Sus, natatakot ka dun? Mabait kaya yun si sir," pasulyap-sulyap si Bingks sa kausap dahil siya ay nakapokus sa pagkopya ng sagot sa kanilang takdang-araling tungkol sa pandiwa.
Napaisip si Ton-ton, "Hindi naman porke't mabait si sir eh masasanay ka na hindi gumawa ng assignment." Lumaki si Ton-ton sa isang Kristiyanong pamilya. Isang pamilyang alam ang tama at mali gayon na rin ang matinding takot sa Diyos. Linggo-linggo silang nagsisimbang pamilya at kung minsan ay isinasama nila si Bingks. Wala na kasing mga magulang si Bingks at si Ton-ton na lang ang itinuturing niyang kapatid. Mabuti at may mga pinsan at tiyahin si Bingks na nag-aalaga sa kaniya.
Tumaas ang kilay ni Bingks, marahil ay naninibago o nahihiya sa komento ni Ton-ton. "Hmm, tama ka nga siguro. Pero sa ngayon, pagbigyan mo naman ako. Talagang na-enjoy ko lang yung laban namin kagabi, eh."
Kahit sa ingay ng mga estudyanteng naghihintay, dinig na dinig ang sigaw ng P.E. teacher na si Mr. Alimbukay. "O, SIGE NA! MAGSIPUNTA NA SA TAMANG LUGAR PARA MAKAPAG-START NA TAYO NG FLAG CEREMONY!" Si Mr. Alimbukay ang gurong kinatatakutan ng mga mag-aaral dahil sa oras na may ginawa kang mali, pagpu-push-up-in ka sa itaas mismo ng tanghalan. Mapapahiya ka na tila mas gugustuhin mo pang kumain ng panis na pagkain ng kantina kaysa mapag-push-up.
Nang makapuwesto na ang lahat sa kanilang tamang lugar, tumugtog na ang martsang sumisimbolo sa demokrasya at pagkamakabayan ng bansang Pilipinas. Kahit may taga-kumpas na sa harapan (si Mrs. Soriano, Music Teacher), hindi pa rin sabay-sabay ang mga bata sa kanilang inaawit na Lupang Hinirang.
Sinundan ang Lupang Hinirang ng ilang mga panunumpa at ilang mga himno bago nagtungo sa mikropono ang guidance councilor para magbaba ng ilang anunsyo.
"Ton-ton," ang bulong ni Bingks, hindi inaalis ang paningin sa tanghalan at baka makita siya ng ilang nagbabantay na guro. "Alam mo ba yung kuwento tungkol dito sa school natin?"
"Aling tsismis? Yung mag-syota pala si Mrs. Soriano at yung guard?" sinundan ito ng isang ngisi.
"Eeewww... hindi yun! Yung kuwento na tuwing nakataas daw ang bandila sa flagpole," nginuso ni Bingks ang bandilang iwinawagayway ng hangin. "makikita raw ang isang dilaw na van sa katapat nating Chinese building na lumalabas sa parking lot tuwing umaga. At kapag gabi naman daw, sa tuwing nakababa na ang bandila, nawawala na raw yung principal at mga staff ng school."
Ngumiwi si Ton-ton, iniisip na gumawa na naman ng kuwentong-barbero si Bingks. Isang kuwentong walang kakuwenta-kuwenta. "Baka naman sundo yung dilaw na van tuwing umaga. Kasi yung nanay ko may ganun din sa office nila. Sya... shuttle yata ang tawag dun." Sinusubukang bigyang-paliwanag ni Ton-ton ang mga pangyayari sa salaysay ni Bingks.
Samantala, patuloy pa rin ang guidance councilor sa pagbibigay ng mga anunsyong sa araw-araw nang naririnig ng mga estudyante, memoryado na nila ang lahat. Sa katotohanan ay hindi naman talaga iyon mahalaga, iyon ay mga paalala na matatagpuan naman sa mga student's handbook at iba't ibang poster na nakadikit sa buong paaralan. Ang usap-usapan ng mga kaklase nina Ton-ton at Bingks, inaanunsyo ito ng guidance councilor para hindi na gumawa na kung ano ang mga estudyante at mabawasan na ang trabaho ng matabang si Mrs. Lorenzana.
"Eh, paano mo ipapaliwanag yung mga nagdi-disappear na staff tuwing gabi?" ang pagmamalaki pa ni Bingks, patuloy na ipinipilit ang kaniyang kuwentong narinig.
Natawa si Ton-ton. "Malamang... nag-uwian na sila."
"O, basta, huwag kakalimutan mga minamahal kong mag-aaral. Intiendes?" ang palaging linya ni Mrs. Lorenzana sa mikropono. Matapos ang kaniyang mahabang talumpati, tumunog na ang batingting ng paaralan, hudyat na oras na para umakyat sa kani-kanilang kuwarto.
"Kanino mo naman narinig yang kuwento na 'yan, aber?" tanong ni Ton-ton habang nilulukot ang mga papel na burador sa pagkopya ni Bingks kanina.
"Kay..." sa ingay ng mga ibang estudyante at sa paulit-ulit na tunog ng batingting, hindi narinig ni Ton-ton ang pangalan.
"Sino?"
"Si... ang nagkuwento ng..."
"Ha?! Isigaw mo kasi!"
"SI AMELIE, YUNG CRUSH MO!"
Nataranta si Ton-ton sa sinabi ni Bingks kaya isinuksok ni Ton-ton ang hawak niyang nilamukos na pilas ng papel sa bibig ni Bingks. "Huy! Ano ka ba?!"
Pagkaluwa ng papel, "Pffrpwe! Yak! Pfft... Ikaw kasi, eh. Sabi mo hindi mo marinig."
May galit na ekspresyon sa mukha, "bakit hindi mo agad sinabi sa akin?!" Nakapasok na sila sa Gusali A, paakyat na sa kanilang silid.
"Adik ka ba?" saglit na natulala si Bingks. Maya-maya'y may itinuro si Bingks sa 'di kalayuan. "Hayun! AMELIE! AMELIE, DITO!"
Sinundan ni Ton-ton ang tingin ni Bingks. At nang masigurong positibong si Amelie nga, nagmadali paakyat si Ton-ton.
"MAMAYA KA SA 'KIN, BINGKS!"
"Hahaha!"
BINABASA MO ANG
Ang Sikreto ng Paaralan (Cancelled)
Mystery / ThrillerTatlong elementaryang mag-aaral ang hindi sinasadyang mapasangkot sa isang sikretong hindi dapat nila malaman. Sila kaya ay mapapahamak o mapaparangalan? Sila kaya'y maliligtas o lalong malulugmok sa iba't ibang problema? Samahan sina Ton-ton, Bingk...