Kabanata 1: "Isang Pagtitipon"
Isang salu-salo ang ipinang-anyaya ni Don Santiago delos Santos na gaganapin sa mga huling araw ng Oktubre sa kaniyang bahay sa Daang Anloague. Ang imbitasyon ay balitang-balita sa buong Maynila, dahil ang nag-imbitang si Kapitan Tiyago, palayaw ni Don Santiago, ay kilalang matulungin at bukas ang kaniyang tahanan para sa lahat, lalo na sa mga nangangailangan. Ang salu-salo ay bilang pagsalubong sa binatang uuwi ng Pilipinas na nanggaling sa Europa.
Nang dumating na ang araw ng handaan ay napuno ang tahanan ni Kapitan Tiago ng mga bisita. Ang pinsan niyang matandang babae na si Tiya Isabel ang tumatanggap ng mga bisita. Nakahiwalay ang puwesto ng mga panauhing lalake at mga babae. May isang grupong pinakamaingay sa lahat. Sila ay sina Padre Sibyla na Dominikong kura paroko ng Binundok, Pransiskanong si Padre Damaso na magaspang magsalita at si Tinyete Gueverra na tinyente ng mga guwardiya sibil.
Kausap ni Padre Damaso si Ginoong Laruja na isang dayuhan na kararating lang sa Pilipinas. Nagkuwento siya sa kaniya na 20 taon na siya sa San Diego at kilala niya ang mga Indiyo (tawag ng Kastila sa mga Pilipino) doon. Nilait at hinamak niya ang mga Pilipino sa harap ng Ginoo. Sinaway naman siya ng ginoo na sinasabing nasa bahay sila ng isang Pilipino, ngunit binalewala naman niya ito na nagsasabi na hindi itinuturing ni Don Santiago ang sarili na isang Indiyo.
Iniba naman ni Padre Sybila ang usapan. Napunta ang kanilang talakayan tungkol sa pagkakalipat ni Padre Damaso sa ibang bayan matapos ang 20 taon na pagiging kura paroko niya sa San Diego. Sinabi niya na maging ang hari ay walang karapatang makialam kapag magpaparusa ang simbahan sa isang erehe. Tinutulan naman ito ng Tinyente na nagsasabing may karapatan ang Kapitan-Heneral dahil ito ay kinatawan ng hari. Sinabi ng Tinyente na bawiin ang sinabi patungkol dito ngunit ayaw ng pari.
Kaya ikinuwento ni Tinyente ang dahilan kung bakit galit si Padre Damaso sa Kapitan-Heneral. Ipinahukay niya kasi ang bangkay ng isang marangal na lalaki na nilibing ng paring Pilipino. Ang kaniyang dahilan ay hindi ito nangumpisal sa simbahan. Napag-alaman ng Kapitan-Heneral ang ginawa ni Damaso kaya pinarusahan siya at dinala sa ibang bayan. Pagkatapos na magkuwento ni Tinyente Guevarra ay umalis na ito.
Nagbalik ang kapayapaan sa handaan. Dumating naman hindi katagalan ang dalawa pang bisita.
Kabanata 2: "Si Crisostomo Ibarra"
Dumating sa salu-salong ipinahanda si Kapitan Tiyago kasama ang isang binatang nakasuot pangluksa. Siya si Juan Crisostomo Magsalin Ibarra, kagagaling lang niya sa Europa. Nagulat si Padre Damaso at ang Tinyente sa pagdating ng binata. Hinangaan ng mga bisita si Ibarra dahil sa kaniyang tikas, anyo, kalusugan at makakakitaan ng marangal na pag-uugali. Mahahalata sa kaniya ang pagkakaroon ng dugong Espanyol sa kabila ng pagiging kulay kayumanggi.
Binati ni Ibarra si Padre Damaso na sinasabi niyang matalik na kaibigan ng kaniyang ama, ngunit hindi siya pinansin nito. Humingi ng tawad ang binata, sinabihan siya ng pari na hindi niya naging kaibigan ang ama niya. Tumalikod siya kay Damaso at humarap kay Tinyente Guevarra na matagal ng nagmamasid sa kaniya.
Nagpasalamat ang tinyente dahil nakarating siyang ligtas sa bayan. Humiling siya na sana ay maging mapalad din siya tulad ng kaniyang ama. Sinabi niya na isa ang ama ni Ibarra sa lalong marangal na taong nakilala niya. Ang mga sinabi ng tinyente ay pumawi sa masamang hinala ni Ibarra sa dahilan ng pagpanaw ng kaniyang ama. Pagkatapos ng kanilang pag-uusap ay lumayo ang tinyente sa kaniya para ilihim ang pangingilid ng kaniyang luha.
Naiwang nag-iisa sa bulwagan si Ibarra dahil walang nakikipagkilala sa kaniya. Kaya lumapit siya una sa kadalagahan upang magpakilala sa kanila. Ipinaliwanag niya sa mga dalaga na dahil sa pitong taon siyang nawala sa Pilipinas ay hindi niya matiis na hindi magpugay sa mga naggagandahang hiyas na mga dalaga. Hindi naman siya inimin ng mga dalaga.