May Gene Ba Sa Bote Ng Daddy Ni Rocky?

251 8 5
                                    

Genie?!

Oo. Sa mga kuwento ni Rocky sa akin, sinasabi niya na may hinala siyang may kaibigang genie ang daddy niya. Tuwing umaga raw kasi ay may nakikita siyang bote sa kuwarto ng kanyang mommy at daddy.

Isang umaga, dahan-dahan daw na pumasok si Rocky sa kanilang kuwarto at sinubukang silipin ang loob ng bote. Nang makita siya ng kanyang mommy, pinagbawalan siya nito at sinabing galit daw sa mga bata ang genie.


Kaya bago raw dumating ang kanyang daddy ay inihahatid na siya ng mommy niya sa bahay ng kanyang Tiya Merlie.

"Hayaan mo, Rocky, kakausapin kong mabuti ang genie, ha? Basta huwag na huwag kang papasok sa kuwarto namin ng daddy mo nang hindi ko nalalaman. Ayaw na ayaw kasi ng genie sa mga batang malilikot." Iyon ang laging sinasabi ng mommy niya kaya hindi na siya nagtatanong pa kahit minsan.


"Nakapagtataka naman iyon.  Ang alam ko mababait ang mga genie. Hihingi pa nga iyong genie ng tatlong wishes sa iyo at ipagkakaloob ang mga iyon. Bakit hindi ka magsabi ng wishes sa kanya?"  tanong ko kay Rocky sa isang hapon habang naglalaro kami sa playground.

"Ewan ko nga, eh. Iyon din ang sinabi ko kay Mommy. Hayaan mo, kakausapin ko ulit siya. Darating ang araw na babalitaan na lang kita tungkol sa kaibigang genie ni Daddy."


Isang gabi, mula sa bintana namin, sinilip ko ang bahay nina Rocky para abangan ang pagdating ng daddy niya.

Nang dumating ito, nakita kong pasuray-suray, pasipul-sipol, at pasayaw-sayaw pa ito habang naglalakad. Pagkatapos niyon ay hindi na ito tumigil sa pagdaldal habang palakas nang palakas ang boses nito.


Pinagtitigil ito ng mommy ni Rocky, pero ayaw nitong tumigil hanggang sa parang nag-aaway na ang mga ito. At noon ko napansin ang isang bote! Dala-dala iyon ng daddy ni Rocky. Baka lumabas na ang genie!


Pero natigil ako sa pagsilip nang dumating sina Mommy at Daddy.

"Mikaela, ano ang ginagawa mo riyan? Hindi magandang gawain ang pagsilip sa kapitbahay, " bungad na tanong ni Mommy.


At sinabi ko sa kanila ang laging ikinukuwento sa akin ni Rocky. "Gusto ko sanang makita at makilala ang kaibigang genie ng daddy ni Rocky, Mommy."

"Mikaela, anak, hindi totoong may kaibigang genie ang daddy ni Rocky. Ang daddy niya ay mahilig uminom ng alak."

"Alak? Ano po iyong alak?" Hindi ko alam ang sinasabi ni Mommy. Ngayon ko lamang narinig iyon.

Alak?

"Ang alak ay isang uri ng inumin. Kapag uminom niyon ang isang tao ay maaari niyang makalimutan ang kanyang sarili. Lalo na kapag napasobra ang kanyang inom. Kung hindi siya agad titigil sa gawaing iyon, maaaring lagi niya iyong hanapin. Iniisip kasi niya na ang alak ay pampalimot sa problema. Nakapagdudulot iyon ng pagkawala ng katinuan at kadalasan ng malubhang sakit."


"Wala talagang genie na nakatira sa loob ng bote ng daddy ni Rocky? 'Yong nagbibigay ng katuparan sa tatlong wishes?"

"Wala, anak. Walang mga genie sa mga bote ng alak," sagot sa akin ni Mommy.

"Ikaw, Daddy, umiinom ka ba ng alak?" Naisip ko na baka kagaya rin siya ng daddy ni Rocky.

"Naku, hindi!" dagling sagot ni Daddy. "Maingat ako sa katawan at wala ako ng kahit na anong bisyo. Kaya naman malusog ako at hindi dinadapuan ng ano mang malubhang sakit."


Matamang nakinig ako kay Daddy. 

"Para sa akin, higit na mahalaga kayo ng iyong mommy sa kahit na anong bagay sa mundo kaya iniiwasan ko ang kahit na anong bisyo gaya ng pag-inom ng alak. Ang tanging hangad ko ay mapatapos kita ng pag-aaral sa magandang paaralan, lumaki kang mabuting tao, at maabot mo ang iyong pangarap. Lalo na ngayon, malapit ka nang magkaroon ng kapatid," nakangiting pagbabalita ni Daddy.

"Talaga, Mommy? Malapit na akong magkaroon ng kapatid?" HIndi ko napigilang yumakap sa tiyan ni Mommy.

Pagkalipas ng ilang araw, nagtaka ako nang hindi ko na nakakalaro sa playground si Rocky.

Hanggang isang araw, nagulat na lang ako nang makita ko siyang umiiyak sa balkonahe ng kanilang bahay.

Nilapitan ko si Rocky. Noong una, ayaw niyang sumagot nang usisain ko siya.

"Kaibigan mo naman ako. 'Di ba, ang sabi natin, walang iwanan pagdating sa problema? Sige na. 'Malay mo? Matulungan kita. Nami-miss ko na ang paglalaro natin." Hindi ko siya iniwan hangga't hindi niya sinasabi ang dahilan ng kanyang pag-iyak.

"Si Daddy, dinala sa ospital. May sakit daw..." mahinang sagot niya sa akin.

Nagsimulang magkuwento si Rocky habang patuloy sa pag-iyak. "Nagtapat si Mommy. Nakakasama raw sa katawan ang laman ng bote na laging iniinom ng daddy ko. Kung hindi raw titigil si Daddy sa pag-inom, baka hindi na kami magsama-sama. Hihiwalayan daw niya si Daddy."

Nagulat ako sa sinabi ni Rocky. Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin. Paano ko siya tutulungan?

Nalungkot ako sa mga narinig ko. Hindi na ako nagtanong ng marami sa aking kaibigan dahil alam ko na ang dahilan sa kanyang pag-iyak. Alam ko na rin na tuwing nakakainom ng alak ang kanyang daddy ay nakakalimot ito sa sarili. Iyon ang dahilan kaya nag-aaway ang kanyang mommy at daddy. Naiintindihan ko na rin kung bakit siya dinadala lagi ng kanyang mommy sa kanyang Tiya Merlie. Ayaw nitong makita niya ang kanyang daddy sa ganoong kalagayan- nagsisisigaw at tila wala sa sarili. Inilalayo rin siya upang hindi niya makita ang pag-aaway ng mga ito.

Kawawa naman talaga si Rocky.

Kaya naman, laking pasasalamat ko at nagkaroon ako ng mga magulang na mapagmahal at walang bisyo tulad ng pag-inom ng alak.

Sana ay iwasan na nag daddy ni Rocky ang pag-inom ng alak. Gumaling na sana kaagad ito para maging maligaya rin ang kanilang pamilya tulad ng sa amin.

May Genie Ba Sa Bote ng Daddy Ni Rocky?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon