Kawalan

4 0 0
                                    

Kawalan

Nakita ng Diyos itong pagkasira,
Mundo’t kalikasan ngayo’y giba-giba,
Ang mga halaman putol na at lanta,
Ang katubigan marumi at patay na,
Nawala ang hangin na dati'y sariwa,
Lahat ay pinabayaan at nasira.

Ang hanging sariwa bilasa na ngayon,
Nadumihan na ng usok at polusyon,
Nagsiga ng mga basura at dahon,
Kalikasa'y unti-unting natutuon,
Sa pagkasira siya'y di makaahon,
Sanhi na ginawa ng pagkakataon!

Ang dagat at lawa na nilalanguyan
Ng isda at pusit ay wala nang laman,
Namatay sa lason saka naglutangan,
Basurang maburak ang siyang dahilan,
Dating malinis na mga katubigan,
Ngayon ay punong-puno nang karumihan.

Ang tubig na noo'y kinagigiliwan,
Mga sapa at ilog sa lalawigan,
Ginawa na ng tao na basurahan,
At kung dumating na ang bagyo at ulan,
Hindi maka agos ang bahang punuan,
Maglao'y lalamon sa sangkatauhan.

Alog ng daigdig badya ng trahedya,
Mga guhit sa dingding, bitak sa lupa,
Wag pabayaang magmina nang magmina,
Wag pabayaang gubat ay magahasa,
Ipagtanggol ang tubig, hangin, at isla,
Sa taong ganid sa yaman at sa pera.

Ang pagbabago ay hindi makakamtan,
Kung kalikasan ay pinapabayaan,
Mga tao rin ang lubos na dahilan,
Sa nasirang buti ng kapaligiran,
At darating ang ganti ng kalikasan,
Kapag nasira tayo ang mawawalan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 10, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

KawalanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon