"Ang Pangarap Kong Pag-ibig"

34 1 0
                                    

"Pagmamahal", sa diksyonaryo'y isa lamang ordinaryong salita,
Ngunit sa puso ng tao'y nagbibigay ng kulay at sigla,
Naghahatid ng inspirasyon at walang kapantay na ligaya,
Isang espesyal na regalong sa Diyos ay nagmula.

Ang isang wagas na pagsinta ay akin ding hinihiling,
Maginoong binata nawa ang sa buhay ko ay dumating,
Sa dakilang Maykapal, sabay kaming mananalangin;
At sa bawat araw, masasayang ala-ala ang aming bubuohin.

Minsan ma'y magkakaroon ng maliit na tampuhan,
Sana'y agad magkabati at magkapatawaran,
Hangad kong 'di siya magsawang unawain ang aking kakulitan,
Pangakong tatanggapin ko ang kanyang mga kahinaan,

Kapag dumating na ang oras ng aming pag-iisang dibdib,
Kung saan ang kalangita'y mapupuno ng malalambing na tinig,
Tutungo sa altar habang tumutugtog ang isang matamis na himig,
Buong pusong mangangako ng walang kupas na pag-ibig.

Isang prinsipe at prinsesa ang bubuo sa aming pamilya,
Patuloy na paglilingkuran ang isa't isa,
Maubos man ang ngipin, sabay pa rin kaming tatawa,
Walang sawang hahalik at yayakap hanggang sa aming pagtanda.

Ang pangarap kong pag-ibig ay hindi perpekto,
Hangad ko lang ay panatilihin ang tiwala't respeto,
Sabay haharapin ang anumang pagsubok ng mundo,
Upang habang buhay na magdikit ang nagmamahalan naming puso.


#PumapagebegTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon