Chapter 1

2 0 0
                                    


Nagrebolusyon ang makina ng kotse ngunit ilang saglit lamang at namatay na naman ito. Napakamot ng batok si Ron. Pangalawang beses na itong nasiraan ng kotse sa gitna ng mabato at maalikabok na daan. Naisip niyang iwanan na lamang ito at bumalik sa kabihasnan para humingi ng tulong. Subalit hindi niya pwedeng gawin iyon. Napakahalaga sa kanya ang paglalakbay na ito. 


"Kulang pa ng tubig," sabi niyang napakamot uli ng ulo. "Malas naman... kung kailan magdidilim na, saka pa na-overheat."

Kinuha niya sa likod ng kotse ang isang galon ng tubig. Binuhusan niya ang makina at umusok iyon. Napaatras siya at napaubo. Hinayaan niyang kusang hawiin ng hangin ang usok bago niya isinara ang hood ng kotse. Ibinalik niya ang galon sa pinagkuhaan at pumasok na sa loob ng sasakyan. Muli niyang binuhay ang makina. Umandar iyon. Napangiti siya. Pinahid niya ang pawis sa noo gamit ang likod ng kanyang palad.

Ano nga ba ang ginagawa niya sa lugar na ito? Humugot ng malalim na buntung-hininga si Ron nang muling sumagi sa isip niya ang dahilan kung bakit tinatahak niya ang daan patungong Sta. Iguides. Ilang buwan din siyang naghintay. Bawat araw ay umaasa siyang magbabago ang lahat. May mga gabing tila walang hanggan. May mga araw na tila dumaan lang. May mga umagang ayaw niyang imulat ang mga mata dahil wala ring ipinagkaiba sa mga nakaraang paghihintay na ang sukli ay kabiguan lamang. Ngunit kailangan niyang harapin ang buhay kahit dala-dala ang bigat sa dibdib.

Ang kanyang buhay ay maihahalintulad sa isang robot. Kinokontrol siya ng pang-araw-araw na mga gawain. Pumapasok sa trabaho dahil iyon ang dapat. Humihiga siya sa gabi dahil pagod ang katawan. Gumagalaw dahil iyon ang itinatakda. Ngunit mistula nang patay ang lahat para sa kanya. Natigang na sa unos ng nakalipas. Wala na ang kulay ng lupang kanyang ginagalawan.

Napakislot si Ron nang tumunog ang cellphone niya. Nag-aalangang sinagot niya iyon.

"Nasa'n ka na ba? Susmaryosep na batang 'to," anang tita Sonia niya.

"Sorry po tita. Hindi ako nakapagpaalam. Kumuha po kasi ako ng leave sa opisina. Dalawang linggo po akong mawawala."

Narinig niya ang buntung-hininga nito. "Hay naku bata ka. Ano pa ba ang magagawa ko? Mag-ingat ka ha." Marami pa itong ipinagbilin sa kanya bago nagpaalam. Mga bagay na narinig na niya ng maraming beses. Mga bagay na naging gabay niya na rin para harapin ang buhay kahit papaano.

Ang tita Sonia na niya ang tumayong magulang sa kanya nang mamatay sa aksidente ang mama't papa niya. Bata pa lamang siya noon nang malunod ang barkong sinasakyan ng mga ito mula sa isang business trip. Isa iyon sa pinakamadilim na bahagi ng mga alaalang patuloy na nagbibigay sa kanya ng sugat. Hanggang ngayon inaasam pa rin niya na sana panaginip lamang ang lahat.

Napasok ni Ron ang isang sementadong daan. Sa dulo niyon, hindi katulad sa nadaanan kanina, ay dumarami na ang mga bahay o establisiyementong natatanaw niya. Huminto siya sa tapat ng isang tindahan. Nagtanong siya sa matabang babaeng nandoon.

"Ale, magandang gabi po. Sta. Iguides na po ba ito?"

"Bago ka rito?" tanong sa kanya ng babae habang tila kinikilala siya.

Kinuha niya sa kanyang bag ang isang I.D. Ipinakita niya ito sa babae. "Kolumnista po ako ng isang sports magazine."

Tumango ang babae pero halatang hindi interesado sa sinabi niya. Ilang saglit itong parang nag-isip pagkatapos ay umiling. "Hindi. Sunod na bayan pa iyon. Deretso lang sa kalyeng ito." Tumalikod agad ang babae pagkasabi nito.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 22, 2019 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

The Road Less TakenWhere stories live. Discover now