Hatakin natin ang gabi
Upang sa dilim tayo ay makakubli
wag nating hayaang mamalas ang buwan
upang ang kasarinlan ay ating matikman.
Kinang ng bituin man
ay di makakahadlang
sa ating pakikipagniig…
sa ating pakikipagtalik…
sa hangin ng pakikibaka,
sa hamog ng pag-aalinlangan.
Hayaan mong
ang mga labi ko
ang maging tawiran
ng iyong hininga
na di binigyang laya
ng sanlibutang nagtatwa
na sa atin din ay lumikha…
Ang bawat along hahampas
sa ating katawan
ang s’yang papawi
sa uhaw…
sa pagnanasa…
sa pangangailangan…
ng ikaw at ako
para sa isang paglaya
mula sa lipunang
di tinatanggap
ang kung ano ang nasa ating puso…
ang nasa ating kaluluwa!
Hakbang pa…
hanggang mabalot ang buo nating katawan
ng tubig alat
na magkukubli sa ating kahubdan
upang muli tayo ay mahugasan
para sa sandaling
magbalik ang haring araw
tayo muli’y maging malinis
sa mga taong
tunay na nagmamay-ari
ng aba nating
Katauhan!
BINABASA MO ANG
Tampisaw
PoetryKaylan nga ba magiging malaya ang kapwa puso? Isang pusong angkin na ng iba... at isang pusong iba ang nais...