BANGUNGOT NG KAHAPON

15K 17 9
                                    

BANGUNGOT NG KAHAPON
[ Kwento ng Madulang Pangyayari ]
ni: Mike Angelo A. Obiña

Tinatanaw ni Aling Remeng ang nag-iisang anak na dalaga habang binabaybay ang maputik at mabatong daan papuntang paaralan.Kung maihahatid lamang nito ang anak ay hindi niya na hahayaang mag-isa nitong tahakin ang malayo at mapanganib na lugar. Nag-iisa lamang silang naninirahan sa Sitio Mapukaw,walang kasama at tanging sila lamang mag-ina ang gumagawa ng ingay roon at kung meron mang iba ay ang mga kuliglig at huni ng mga hayop na naroroon. Walang ibang pinagkakaabalahan ang matanda maliban sa pakikinig na radyo habang nagbubungkal sa maliit nitong bakuran. Hindi balita ang kanyang pinakikinggan kung hindi drama,sawang-sawa na siya sa mga balita,paulit-ulit na lang ang mga ito,naiiba na lang sa lugar na pinangyarihan at ang mga taong sangkot dito. Sa kasukdulan ng drama ay bigla itong pinutol ng operator sapagkat may kakapasok lamang na balita. Isang nakawan daw sa bayan ang nangyari at isang estudyanteng dalaga ang nasangkot at napatay. Biglang naalala ni Aling Remeng ang kanyang unica hija,lagi lamang itong mag-isa at kung minsan pa ay inaabutan ng paglubog ng araw.Hindi mawala ang pangamba ng matanda,kinuha nito ang rosary at makailang beses na binigkas ang Ave Maria. Tanghaling tapat na ng mapanatag ang kanyang kalooban,kumain muna at namahinga.Mula sa bintana ng kusina ay tanaw na tanaw niya ang baku-bakong daan na laging nilalabanan ng anak makapagtapos lamang ng pag-aaral.Habang nagpapahinga ay may narinig siyang mga tinig sa di- kalayuan. Boses ng isang dalaga at binata ang kanyang naririnig at habang tumatagal ay lumalakas ang mga halakhak ng dalawa na para bang wala ng bukas. Dali-dali siyang dumungaw sa may bintana at nakita ang dalawa. Ano kaya ang ginagawa ng dalawang iyon sa may tambakan ng kahoy na inuulingan. Pinagmasdan ni Aling Remeng ang dalawang estudyante,hindi niya mamukhaan ang mga ito dala ng kalabuan na rin ng kanyang mga mata. Sino kaya ang dalagitang iyon? Hindi naman siguro iyon ang neneng ko,ang pangalmang sagot sa mga tanong niya. Sa pagmamasid sa dalawa ay pumasok sa kanyang isipan ang mga katanungang,umiibig na rin kaya ang dalaga ko? Sino naman kaya ang lalaking magpapatibok sa kanya.Agad na binawi ng matanda ang mga gumugulong tanong sa kanyang isipan. Malakas ang loob kong hindi pa umiibig ang anak ko,masyado pa siyang bata para sa mga ganyang usapin at wala naman itong nababanggit sa kanya at kung meron man ay siyang ina ang unang makakaalam ng mga ito.
Napapikit saglit ang matanda habang pinagmamasdan ang dalawang estudyanteng sa tingin niya ay magsing-irog. Inaantok na siya. Hanggang sa ang kadiliman ay sumakop na sa kanyang paligid at wala na siyang namalayan pa sa mga sumunod na pangyayari.
Inay! Inay! Inay!Ang anak ko. Dali-dali nitong sinalubong ang anak. Bakit basang-basa ka? At agad na niyakap ang anak. Inay,si Raul po,si Raul, ang paulit-ulit nitong wika at kasabay nito ang pagkawala ng malay ng dagita.
Bumuhos ang malakas na ulan kasabay ang pagkulog ng nanggagalit na kulog at liwanag ng kidlat. Nagising si Aling Remeng.Aba, nakatulog na pala ako. Nanaginip ako kanina,ang anak ko. Nasaan siya? At biglang gumunita sa kanya ang dalawang estudyanteng pinagmamasdan bago siya makaidlip. Nasaan na kaya ang mga iyon? Marahil ay umuwi na sa kani-kanilang mga bahay. Inabutan kaya sila ng malakas na ulan. Muling sumagi sa kanyang isipan ang anak na dalagita,gabing-gabi na ngunit wala pa ito. Maya-maya ay may narinig siyang mga yabag ng mga nagmamadaling mga paa,inisip niya ay marahil mga rebelde lamang ang mga iyon. Ngunit ang paghakbang ng mga paa ay papalapit sa kanilang pintuan,biglang kinabahan ang matanda. Tok! Tok! Tok! Aling Remeng, Aling Remeng. Hindi niya mabosesan ang mga tinig na nagsasalita dala ng malakas na dalugdog ng langit kaya’t pinagbuksan niya ang mga ito. Mababait naman ang mga rebelde sa mga taong wala naman sa kanilang atraso,marahil ay walang matuluyan baka basang -basa na sila. Ang pagkaawa ng matanda ang nagtulak para pagbuksan ang mga ito. Aling Remeng! ,Kapitan, kayo pala, ano ho ang sadya natin? Malakas na po ang bagyo,tumama na sa ating lugar, kailangan n’yo ng lumikas sa malapit na evacuation center sa ating bayan. Ngunit hinihintay ko pa ang aking anak. Marahil ay hindi na siya pinayagan ng mga tanod na tumuloy rito,aabutin ho ng baha ang inyong lugar. Ganoon ba? Walang nagawa si Aling Remeng kung hindi ang sumama sa mga opisyales ng kanilang lugar. Pagkarating niya sa evacuation center ay agad na ikinalat niya ang kanyang paningin, maraming mga estudyante ang na estranded sa lugar at marahil ay isa rito si Neneng. Naglakad-lakad ang matanda,nilibot niya ang lugar ngunit bigo siyang makita ang anak. Abala ang lahat, abala rin ang isang inang naghahanap sa kanyang dalagita. Nagtanong ang matanda sa mga estudyanteng dumaraan sa kinalalagyang niya. Iha! Kasama n’yo ba si Nenita Sumagid,hindi ba kaklase n’yo siya? Ah si Neneng po,maaga po siyang umuwi kanina,meron daw siyang susorpresahin, sinundo po siya ng isa ring estudyante buhat diyan sa katabi naming hayskul. Ganoon ba,sige maraming salamat. Naiwang mag-isa ang matanda.Pagod na pagod na siya at sa kakaisip kung saan nagtungo ang anak ay nakatulog ang isang inang naghihintay sa anak. Umaga na nang gisingin siya ng mga tao roon,humupa na ang malakas na bagyo,maaliwalas na ang paligid. Dali-dali siyang nag-ayos at umuwi sa kanilang lugar upang tingnan ang kalagayan nito at sa pagbabakasakaling naroroon si Neneng.Marami ang nabuwal na mga kahoy at ang kanilang lugar ay inabot nga ng baha. Napuno ng putik ang kanilang munting bahay. Sa paglilinis ng mga kalat na napadpad sa kanilang lugar ay nabigla ang matanda sa bumulaga sa kanya. Isang duguang binatilyo ang nakahandusay sa kanilang lamesa,duguan ang puti nitong uniporme at sugatan. Kinabahan si Aling Remeng, ito ba ang binatang nakita niya kahapon na may kasamang dalagita? Kung siya nga, nasaan ang kasama nito? Ang mga katanungang nais niyang bigyang linaw. Hindi niya makayanan ang amoy na dulot ng butod na katawan kung kaya’t nagmadali siyang magtungo sa palikuran. Ang pagmamadaling pag-iwas sa masangsang na amoy ay isa pang pagbulantang ng isa pang dalagang nakagapos malapit sa palikuran. Biglang napahagulhol ang matanda,malakas ang kutob niya na si Neneng ang babaeng iyon. Agad na nilapitan niya ito, kagaya ng kalagayan ng binatilyo ay duguan din ito at bakit nakagapos at may sugat sa kanang balikat? Hindi na makilala ang mukha nito dala ng maraming pasa ngunit alam niya at malakas ang pakiramdam niyang si Nenita nga iyon. Ngunit bakit? Bakit siya iginapos bago pinatay at sino ang may kagagawan? Ang mga katanungang mabilis na nagpatulog sa kanyang gulong-gulo isipan.
Nagising na lamang ang matanda na nasa isang kwarto na siya. Nababalot ng malinis na pinturang puti ang kanyang paligid at ang kanyang kinahihigaan ay parang ulap sa kalangitan. Nasaan ako? Ang tanong niya sa kanyang sarili. Biglang nagbukas ang pintuan,isang dalagitang nakaputi ang pumasok. Sino ka?saad ng matanda. Ako po ito Inang, si Nenita. Neneng, ang anak ko, nasaan tayo? Diba patay ka na? Ano pong pinagsasabi n’yo? Dinala ko po kayo sa ospital,ang taas ng lagnat n’yo kagabi,sabi ko naman kasing iwasan ang masyadong pagtatrabaho,nadatnan kita kahapon ng walang malay. Ano? Ang nasabi na lamang ni Aling Remeng. Bigla siyang bumangon at niyakap ng mahigpit ang anak. Hindi ka na mawawalay sa akin anak, ang mga salitang binitawan niya bago ang pagtatakipsilim ng mga pangyayari.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 06, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Maikling Kwentong FilipinoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon