TAKOT

5 0 0
                                    

Sa isang coffee shop ako naglagi. Umiinom ng kape habang binabasa ang paborito kong libro. Maya-maya may batang yagit na kumatok sa salamin ng coffee shop. Isang batang gusgusin na animo’y sa akin nagmamakaawa. Isang batang gutom at basa dahil sa malakas na buhos ng ulan. Isang lagok na lamang sa aking kape at ako’y aalis na. Kasabay ng huling pahina sa kabanata ng libong aking binasa. Lumabas ako sa pinto ng coffee shop, subalit ang hangin at ulan ay di paawat. Nangangamba ako dahil sa takot na hindi makauwi.

Nang tumila ng bahagya ang ulan, sumakay ako ng jeep at tuluyan nang umuwi. Sa sandaling paghinto ng jeep ay may bumabang pasahero at muli, may batang yagit na pumasok sa jeep. May hawak na tambol at isa-isang iniabot ang kanyang sobre sa amin. Kumanta, ngunit hindi ko maintindihan. Sa loob ng sobre may kapiraso ng papel na may nakasulat: “Kung pupwede lamang ibenta ang aking bato ay ibinenta ko na, para lang maipagamot ang aking nanay.”

Dumukot ako sa aking bulsa, candy, 8.25 na barya at himulmol ng tela ang aking maitutulong sa batang nangangailangan. Kaunting segundo na lamang ay matatakpan na ng buwan ang namumulang araw. Sa wakas, nakadating rin ako sa aking destinasyon. Makakapagpahinga, makakain, at makakatulog ng matiwasay. Ngunit muli, habang naglalakad ay nakakita ako ng isang batang yagit. Nanlilimos, nagmamakaawa, at humihingi ng simpatya. Isang bata na nagpapagal para lang may makain. Isang bata na walang pahinga dahil hindi makarami. Isang bata na hindi nawawalan ng pag-asa kahit sa piso-pisong kanyang natatanggap.

Sa kwarto, nanuod ako ng horror movie. Nakakagulat, nakakatakot, at nakakapangilabot ang aking napanood. Pero ang totoo, hindi naman ako natakot sa napanood ko. Mas natakot ako sa nangyari sa araw na ‘to. Sa mga nakita ko, sa mga nasaksihan, at nakasalubong. Ano nga bang nakakatakot sa araw na to? Paano ako natakot? Paano ba matakot? Ano ba ang tunay na natatakot? Ang ma-stuck ka sa coffee shop dahil sa malakas na ulan? Ang mawalan ng lovelife? Ang makitang umiiyak ang nanay mo? Ang malaman na kinain ng pusa nyo ang ulam mo? O ang mapunit ang paborito mong pahina ng libro?

Sa katunayan.. natakot ako. Natatakot ako na maranasan ang hirap ng iba. Natatakot ako sa tunog ng kalam ng sikmura. Natatakot ako na maging marumi sa harap ng maraming tao. Natatakot ako na makita ang nanay ko na nahihirapan samantalang wala akong magawa. Natatakot ako dahil wala akong kasiguraduhan kung ano ang mangyayari kinabukasan. Natatakot ako na harapin ang panibagong araw

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 06, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

TAKOTTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon