Pagtatagpo

89 8 0
                                    

"Date? Fallen in love?" Naglalaro sa aking isipan habang nakatingin ako sa kanyang mga mata. Ngunit may kakaiba sa titig niya na nanghihikayat at naguudyok sa akin na kainin ang blackrice.

Nang isubo ko ang isang kutsara ng blackrice ay nagbalik sa aking alaala ang nakaraan noong ako ay bata pa. Alaalang pilit binura sa akin upang ilayo sa kaharap ko ngayon. Marahil nga ay ito ang totoong tadhana ko.

Sa aking alaala, isa akong batang paslit, tuwing gabi ay inaapoy ako ng lagnat na labis ikinabahala ng aking magulang. Ngunit para sa isang batang tulad ko, hindi ko iyon alintana dahil sa panaginip ko, nakikita ko ang isang binatang kay amo ng mukha na mukhang anghel, nakamasid lang siya sa akin at nakangiti.

Sa tuwing aalis at lalayo siya ay iiyak ako na parang batang iniwan ng magulang. At sa bawat pagpapaalam niya ay ang pangakong siya'y babalik sa takdang panahon. Doon ako ay magigising, makakalimot sa panaginip at biglang mawawala ang aking lagnat.

Ilang beses na ako ipinatingin ng aking mga magulang sa doktor pero hindi nila malaman kung bakit ako inaapoy ng lagnat gabi-gabi. Kaya minabuti ng mga magulang ko na ipatingin ako sa albularyo at ipatawas. Doon nila nalaman na may nagkakagusto sa aking dalaketnon na nakaitira sa napakalaking puno ng balete malapit sa bahay namin.

Isang gabi, inapoy ako ng matinding lagnat na kinailangan akong maisugod sa ospital dahil hindi ako magising-gising. Kuwento sa akin ay nagdidiliryo na ako at nakatirik na ang aking mga mata.

Walang nagawa ang mga doktor at maski ang mga albularyo. Ang sabi ng albularyo at kinukuha na raw ako ng dalaketnon sa kanyang lugar nang mga panahong iyon.

Sa aking panaginip ay isinama niya ako sa isang paraiso at sa gitna non ay isang magarang bahay. Doon ipinakilala niya ako sa kanyang pamilya. Mayroon silang malaking pagdiriwang at marami silang nakahaing pagkaing masasasarap tulad ng mga handa tuwing pista. Sa aking pagtataka imbes na puting kanin ay itim na kanin ang nakahain.

Inimbitahan niya akong tumabi sa kanya sa hapagkainan. Nakatingin lang siya sa akin at nakangiti. Wala akong ibang gusto kundi makita ang mukha niya sa bawat sandali, na parang madudurog ang puso ko sa sandaling mawala siya sa aking paningin.

Ang sabi ng kanyang ama ay kailangan daw niya akong ibalik sa aking mundo dahil hindi pa takda ang panahon.

Niyakap ko siya at sinabing ayaw kong umalis at ayaw ko siyang iwan. Umiiyak akong nagsusumamo na huwag niya akong paalisin. Sa pagkakataong iyon ay hinawakan niya ang aking kamay at dinala sa labas ng kanilang bahay. Naglakad siya papalayo sa akin, sinubukan ko siyang sundan at balikan pero papalayo siya ng papalayo ngunit kahit na anong sikap kong lumapit sa kanya ay mistulang hindi ako umaalis sa lugar kung nasaan ako naroroon.

Pagkagising ko ay sinabi sa akin na isang buwan akong comatose. At tanging sa dasal lang kumakapit ang magulang ko, kaya labis ang kasiyahan nila nang ako'y magising.

Napagpasyahan ng aking mga magulang na ako ay ilayo sa lugar na iyon at lumipat kami ng bahay sa karatig probinsya. At mula noon ay tuluyan ko nang nakalimutan ang pangyayaring iyon.

Sa pagkakabura ng aking alaala, ang tanging itinanim ng aking mga magulang ay takot sa mga nilalang at mga maligno. Kaya sa muli naming paghaharap, ang malaman kong isa siyang dalaketnon ay napuno ako ng takot at hindi makagalaw sa aking kina-uupuan.

Isang subo lang ang kinailangan upang bumalik ang aking ala-ala. At agad kong nakìlala ang lalaking nasa harap ko, siya ang lalaking matagal ko nang inaasam na makita at makasama.

Tumayo ako sa aking pagkakaupo habang hawak niya ang aking kamay. Lumingon ako sa aking kina-uupuan, nakita ko ang aking sarili. Wala ng malay nakasubsob ang mukha sa lamesa, katabi ng platong naglalaman ng blackrice.

Hinawakan niya ako sa mukha upang ibaling ko ang aking tingin sa kanya.

"Handa ka na bang sumama sa akin" tanong niya.

"Oo sasama na ako" sagot ko.

"Tara na" tawag niya sa akin. Hinawakan niya ang aking kamay. "Uwi na tayo" dugtong niya.

Sa wakas uuwi na ako sa totoo kong tahanan, kasama and dalaketnon na hindi ko alam ang ngalan.

PagtatagpoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon