Isang buwan makalipas ang unang araw ng pasukan sa first semester. Walong buwan makalipas ang Nobyembre. Walong buwan na rin buhat ng unang beses na masilayan ko sya.
Tandang-tanda ko pa yung araw na una ko syang masilayan. Unang linggo iyon ng buwan ng Nobyembre, araw ng Huwebes. Kasama ko ang aking mga kaibigan papasok sa aming silid aklatan. Pagtapak ng mga paa ko sa loob, hindi ko mawari kung bakit tila may nag-udyok sa aking lumingon sa bahaging iyon ng aklatan. Doon, nagtama ang mga mata namin ng isang lalaking unang beses ko pa lamang makita.
Siguro mga lima o sampung segundo rin kaming nagkatitigan bago ko binawi ang aking tingin. Bigla'y hindi ko alam kung bakit nangyari iyon. Ngunit hindi ko na lamang pinansin ang bagay na iyon hanggang sa akala ko'y nakalimutan ko na ang lalaking nagtataglay ng mga matang nakatitigan ko.
Kasalakuyan akong nasa huli at ika-limang taon ko sa kolehiyo sa kursong BS Accountancy. At ang aming silid aklatan ang nagsisilbing bahay namin sa eskwelahan. Dahil sa halos mahahaba ang free time namin ay naging palipasan-oras na namin ito. Apat na bagay ang halos na ginagawa namin: una, nag-aaral; pangalawa, natutulog; pangatlo, nagdadaldalan; at pang-apat, nagwa-wifi.
Sa walong buwan ngang lumipas ay halos araw-araw kong nakikita ang lalaking walang pangalan. Ngunit sa walong buwan ding iyon ay nalaman kong isa pala syang bagong student assistant sa pangunahing silid aklatan ng aming eskwelahan.
Inaamin kong hindi ko sya napapansin; ang turing ko sa kanya'y isang estrangherong kasa-kasama ko sa iisang lugar. Yung tipong kahit magkatabi kami'y hindi ako lilingon sa kanya o kaya'y kahit na magkasalubong kami'y hindi ko sya babatiin.
Ngunit isang araw habang nag-aaral sa pang alas diyes na pasok, habang nakaupo ako kasama ang aking mga kaibigan sa mesang madalas naming pwestuhan ay muli na naman akong napalingon sa gawi ng lalaking iyon.
At nangyari nga ang isang bagay--bumilis ang tibok ng puso ko sa hindi ko mawaring dahilan. Nagbawi ako ng tingin at nanahimik. Pinakiramdaman ang sarili; pasimpleng dinama ang mabilis na tibok ng puso.
Noong una'y hindi ko pinansin ang bagay na iyon. Ngunit sa araw-araw na nakaupo ako ng matagal sa mesang iyon, di iisang beses sa isang araw kung mapalingon ako sa kaniya. Pasimpleng pagsulyap na noong una'y hindi ko pa namamalayan hanggang sa parang hinahanap-hanap ko na sya sa library counter. Doon, napangalanan ko na ang nararamdaman ko.
Humahanga ako sa kaniya. Crush ko na sya.
Itinago ko iyon sa mga kaibigan ko. Alam ko kung ano ang gagawin nila oras na malaman nila ang sikretong iyon. Ayokong may makaalam. Ayokong malaman ninuman. Ayokong malaman ng lalaking walang pangalan.
Hindi ko maiwasang kabahan sa tuwing hihiram ako ng libro. Madalas ay sya ang nakatoka sa counter at nag-aasikaso ng paghihiram at pagsasauli ng mga libro. Tango o iling lamang ang naisasagot ko sa kaniya. Hindi ko alam kung paano dapat kumilos sa harap ng taong gusto mo.
Ngunit may mga pangyayaring hindi ko maiwasang umasa na may katugon ang aking damdamin. Minsan, nahuhuli ko syang nakatingin din sa akin. O maaaring humohopya lamang ang lola nyo. Ngunit, subalit, datapwat ay di rin iisang beses ang pangyayaring iyon. Minsan nga'y nagsasalubong pa ang aming mga tingin at ako palagi ang unang umiiwas. Nahihiya ako na kinikilig. Hindi ko mawari kung ano ang nararamdaman ko.
Isang araw ng Huwebes sa buwan ng Oktubre ay nalaman ko ang kanyang unang pangalan. Itago na lamang natin sya sa pangalang "R".
Nang marinig ko iyon ay tila pumalakpak ang aking tenga. At last, ang lalaking tinatawag ko lamang na crush ay nagkapangalan na. Sinubukan ko syang hanapin sa Facebook ngunit nabigo ako. Hindi ko alam kung mali ba ang spelling ko, palayaw lang ang narinig ko, o sa dami ng lumabas na mga pangalan ay wala pa rin sya roon. So I gave up.
Hanggang sa dumating ang huling linggo ng buwan ng Pebrero; iyon na rin ang huling Pebrero ng second semester ko. Papasok ako noon ng mag-isa sa silid aklatan nang mapansin ko ang papel na nakadikit sa glass door. Isang paanyaya sa nais sumali sa patimpalak na inorganisa mismo ng pamunuan ng silid aklatan.
At doon nga natuon ang paningin ko--aa ibaba ng papel kung saan nakalagay ang dalawang pangalan ng lalaking kailangan hanapin ng mga nais sumali. Nang oras na iyon ay nabuo ang pangalan ni "R".
Napangiti ako. Nang gabing iyon pagkauwi galing sa eskwelahan ay hinanap ko kaagad ang profile nya sa Facebook. Ngayon, nakita ko na ang hinahanap ko. Ngunit wala akong lakas ng loob na pindutin ang send friend request button kaya nagkasya ako sa pang-iistalk sa kaniya. Halos pa nga araw-araw na nag-aabang sa mga posts nya; kahit pa nga free data lang.
Lumipas pa ang mga araw at nalalapit na nga ang aming pagtatapos. Halos kinukumpleto na lamang namin ang mga requirements para grumadweyt. Nalulungkot akong isipin na hindi ko na sya muling makikita. Nakakalungkot.
Ilang araw bago ang graduation, una at huling araw ng pag-eensayo namin para sa graduation rites, ay muli kaming tumambay sa aming silid aklatan. Nandoon syang muli sa counter at nakikipagkwentuhan sa mga kasamahan nya. Kasama ng aking mga kaibigan ay pumunta muli kami sa usual spot namin sa silid aklatan sa huling pagkakataon.
Walang ipinagbago maliban na lamang sa isang puting papel na nakatupi sa upuang madalas na kinapupwestuhan ko. Naunang makalapit doon ang aking mga kaibigan at agad na tiningnan ang papel. Halosa sabay-sabay na lumingon sila sa akin habang may mga nanunuksong ngiti sa kanilang mga labi.
Nagtataka man ay lumapit ako sa kanila. Dalian ko raw, sabi pa ng isa. Lumapit naman ako sa kanila at agad nilang ibinigay ang puting papel sa akin. Kulang na lang ingudngod na nila sa mukha ko ang papel na iyon.
Nabigla ako ng makitang nakapangalan pala iyon sa akin. Sharian Sanchez ang nakasulat sa ibabaw ng nakatuping papel. Tila hindi na makapaghintay na pinagpipilitan ng aking mga kaibigan na basahin ang nilalaman niyon. Sinabihan ko silang umupo ngunit ayaw nila. Sa inis ko sa kakulitan nila ay inipit ko ang sulat sa ilalim ng cellphone ko. Sabay-sabay silang nagsi-angal. Ang sabi ko'y ako muna ang magbabasa bago ko sabihin sa kanila. Ilang beses pa nila akong pinilit ngunit sa huli ay ako pa rin ang nasunod.
Nagsiupo na nga ang mga ito ngunit halatang nag-aabang sa pagbabasa ko. Kinakabahang dahan-dahan kong binuklat ang nakatuping papel. Habang nagbabasa ng tahimik sa nilalaman ng sulat ay palakas ng palakas ang pagtibok ng puso ko. Nanginginig din ang mga kamay ko ngunit alam kong hindi ko napigilan ang pagsilay ng isang ngiti sa aking mga labi. Hanggang sa makarating ako sa lagda ng sulat.
Nabigla ma'y agad akong napatingin sa kaniya. Nandoon syang muli sa counter kung saan una ko syang nakita. At doon din mismo sa counter na iyon ay nakatayo sya; nakatingin sa akin habang may maliit na tila nahihiyang ngiti sa kaniyang labi. Ginantihan ko ang ngiti niyang iyon sabay taas ng aking kamay at marahang kumaway. Lumawak ang kaniyang ngiti at kumaway pabalik sa akin.
Narinig ko ang impit na tilian ng aking mga kaibigan at nakita ko rin ang panunudyo sa kaniya ng kaniyang mga kasamahan. Ngunit hindi naputol ang pagtititigan naming dalawa ni "R". Bagkus, hindi na nga mawala-wala ang ngiti namin at tila hindi na mapaghiwalay ang aming mga mata.
Sa silid aklatang iyon kami unang nagkita. At sa silid aklatan ding iyon magsisimula ang aming istorya.
WAKAS
P.S. Ito muna habang wala pa akong naiisip para sa TBBS5. Muah!
BINABASA MO ANG
Silid Aklatan (One Shot)
Short StorySa silid aklatang iyon kami unang nagkita. At sa silid aklatan ding iyon magsisimula ang aming istorya.