By Michael Juha
getmybox@hotmail.com
fb: Michael Juha Full
--------------------------------
Masayahing bata si Junjun. Palangiti, bibo, mabait, at higit sa lahat, matalino. Marami ang nagkakagusto sa kanya, naaaliw dahil kahit limang taong gulang pa lamang siya, marunong nang kumanta at tumugtog ng ukulele. Sabi nila, nasa gifted level daw ang pag-iisip ni Junjun. Tinuruan daw kasi ito ng pagsusulat at pagbabasa ni Gilda, ang kapitbahay ko na palaging pinupuntahan ni Junjun. Mabilis daw itong natututo kumpara sa ibang mga nasa average na pitong taong gulang na bata na nahihirapan pa rin minsan. Guro rin kasi sa elementarya si Gilda. Iyan ang kumento niya kay Junjun. At hindi lang iyan, marami na rin akong naririnig na kung anu-anong papuri tungkol kay Junjun. Cute din kasi ang bata. May mahabang buhok, matangos ang ilong, maputi, at kapag ngumiti, para raw isang anghel.
Ngunit hindi ko pansin ang mga ito. Para sa akin, anak pa rin siya ng isang demonyong taong sumira sa aking buhay.
Aaminin ko, hindi napapawi ang galit ko sa ama ni Junjun. At dahil bunga siya ng isang karumal-dumal na pangyayari sa buhay ko, anak ng walanghiyang taong nang-rape sa akin, sa kanya ko ibinuntong ang lahat kong galit para sa kanyang ama. Hindi pa rin kasi nakilala o ni naparusahan ang kanyang ama kung kaya ay hindi rin napapawi ang galit ko. Hanggang nanatili sa isip ko ang lahat at nararamdaman ko pa rin ang pait at sakit sa karumal-dumal na ginawa sa akin, hindi mapapawi ang galit ko para sa bata.
Kaya kaunting kibot lang ni Junjun, pinapalo ko kaagad. Kahit tahimik na naglalaro lang iyan sa isang sulok kapag pumasok sa isip ko ang masasakit na eksena ng panggagahasa ng kanya ama sa akin, bigla ko na lang siyang sampalin o di kaya ay sipain.
May isang beses nga, habang walang imik akong nakatayo ako sa gilid ng bintana ng aming bahay at binalikan sa aking isip ang karahasan na nangyari sa aking buhay, bigla na lang lumapit si Junjun, dala-dala ang bagong ukulele niya na bigay ng isang kapitbahay na naaliw sa kanya. "Mama... kakantahan na lang po kita" ang sambit niya. Marahil ay napansin niyang lihim akong umiyak kung kaya ay ninais niyang pasayahin ako.
Ngunit nang nagsimula siyang kumanta, nag-init ang aking ulo. Sinigawan ko siya sabay na hinablot ang kanyang ukulele at inihambalos iyon sa dingding na kahoy ng aming bahay. Warak ang kanyang ukulele.
Nakatunganga na lang siyang nakatingin sa akin habang ang mga luha ay nangingilid sa kanyang mga mata. "Kapag ganitong mainit ang ulo ko, huwag na huwag mo akong istorbohin! Punyeta!!! At ayaw na ayaw kong marinig ang kanta mo!!!" sabay tapon ko ng warak na gitara sa kanyang harapan at nagwalk out.
Kinabukasan, nakita ko ang kanyang ukulele na nakasabit na sa kanyang kuwarto, at pinagtagpi-tagpi ang mga basag na bahagi upang mabuo pa rin. Hindi ko na inalam pa kung saan siya kumuha ng pandikit. Wala akong pakialam.
Ganyan katindi ang galit ko kay Junjun. Naalala ko pa nang nasa sinapupunan ko pa lang siya, kung anu-ano na lang ang aking ginawa upang matanggal siya sa aking tiyan. Nad'yan iyong aakyat ako sa niyog o sa pader, nandyan iyong tatalon ako mula sa mataas na baitang ng hagdanan. Sinubukan ko ring uminum ng mga herbal na pampalaglag. Walang nangyari. At kung gaano kadeterminadong mabuhay sa mundo si Junjun, kabaligtaran naman ito sa aking naramdaman. Naging mainitin ang ulo ko. Galit sa mga lalaki, galit sa mundo. Ang lahat ng mga tao sa paningin ko ay ako palagi ang pinag-uusapan. Feeling ko ay wala akong kakampi, walang nagmamahal. Parang gusto ko na nga lang kitilin ang sariling buhay.
Isang araw, naglalaro si Junjun sa sala nang nasagi niya ang divider na lagayan ng mga decoratives. Nalaglag ang isang porselanang flower vase na bigay pa naman sa akin ng best friend kong nasa Canada. Nabasag ito.