Hindi Sumisikat, Hindi Lumulubog

34 1 9
                                    




Nakakatindig ang biglaang tibok ng puso ko sa tila ba'y intensyon nito ay gisingin ako. Nanaginip ba ako? Hindi ko matukoy kung umaga na ba o gabi pa lamang. Hindi ko rin maaninag ang aking telepono sa isang tabi ng kama ko na alam kong doon ko 'yon naitabi. Imbes na telepono ang naroon, isang pula na mantsa ang pumalit. Isang buntong-hininga, tumayo na ako para mag-ayos.

Lalabas na sana ako ng kwarto ngunit may napansin akong munting kagamitan na kumikintab sa ibabaw ng aking aparador. 'Yun pala ang kamera na nabili ko sa murang halaga. Sinwerte nga ako sa kamerang ito dahil medyo kapos na ako sa pera pero maganda ang kalidad ng nasabing kamera sa kabila ng pagkamura. Kung anong saya sa mukha ko noong kami ay nagkita ng nagbebenta ng kamera ay siya naman ay may hindi malalampasang tako't pagkabalisa sa kanyang mukha. Mga mata niya'y kumikintab na nakatitig lamang sa aking sariling mga mata habang kami ay nag-uusap. Hindi umalis ang kanyang pagkatitig sa kabila ng kahit anong lingon o tingin ko sa ibang bagay, kita ko parin sa sulok ng aking mata ang kanyang walang pahingang titig. Kahit sa pananalita at ibang galaw ng bibig at mukha nya, mga mata niya'y hindi gumagalaw, hindi kumukurap, titig lamang.

Umupo ulit ako sa kama at sinindi ko ang kamera. Nakakatuwang isipin na mayroon na akong maayos na kamerang pangkuha ng litrato para matustusan kona ang renta at iba pang bayarin. Kinuhanan ko ng larawan ang daan at poste ng ilaw sa labas. Pinindot ko ang preview upang masuri ang larawan subalit, sa aking gulat, mayroon pa palang laman na mga litrato 'tong kamera ko!

Unang bumungad na larawan ang isang litrato ng pamilya, maayos na nakalinya na para bang class picture ang nais kuhanan at hindi family picture. Andaming malalabo ang mukha. Sa unang sulyap ay maiisip mong masaya sila dahil sa kanilang makukulay na mga ngiti. Ngunit, ang lahat ng ito'y maglalaho dahil habang tumatagal ang titig mo sa kanilang mga ngiti, hindi mo maiiwasang mapansin na ang karamihan dito ay mistulang pilit. May isang malabong mukha na kahit hindi kita ang mukha, masasabi na hindi siya nakangiti. Siguro, dinadaan na lamang nila ang kanilang problema sa pagkakaunawaan sa pamamagitan ng ngiti.

Ang susunod na larawan ay ang hindi malalampasang bansa ng Maldives. Parang gusto ko na nga rin makapunta dito, sa kasikatan ng araw na makikita sa tanawin ng litrato. Mukhang nagbakasyon ang pamilya sa nakaraang litrato, o kaya 'yung dating may ari nitong kamera.
Ang pangatlong larawan ay nagpakita ng isang napakagulong kalye sa Amerika. Lahat ng mga tao ay mukhang may hinahabol na oras sa kanilang mga mukha at mukhang nahuhuli pa ang iba. Karaniwan na lamang ang lahat ukol sa litratong ito subalit, mayroong isa o dalawang tao sa kuha na nakatitindig ang tingin, ngunit naglalaho ang mga ito tuwing tititigan ko ng maigi't diretso.

Sumunod ang pang-apat na larawan na may kaibahan kung ikukupara sa ibang litratong laman ng kamera. Ito ay isang larawan ng isang abandonadong bahay. Sa nakakapangilabot na anyo ng bahay na ito, nag mukhang haunted house ang dinalaw ng dating may-ari. Tumagal ang aking titig sa bahay na ito dahil pamilyar sa akin ang kabuuang tanawin at itsura ng bahay.

Hindi ko mapaliwanag ang panglimang larawan sa kadahilanang ito ang pinaka kakaibang kuha sa kamerang ito. Hindi karaniwan ang anggulo at kulay ng litrato. Ipinapakita ng larawan ang isang lalaking mag-isang nakaupo sa damuhan at malayo ang tingin. Hindi ko mawari ang nais ipahiwatig ng mukha ng lalaki, kung siya ba ay masaya o malungkot o takot. Ngunit sa kanyang mga mata nakita ko ang nais ipahiwatig, siya ay nag-iisa. Magkatulad kami ng mata at magkatulad rin kami ng kalagayan, nag-iisa. Mukha naman siyang disenteng tao ngunit bakit ba parang siya ay nahihirapang makipagkaibigan? Ang dami-dami kong naiisip sa kabuuang anyo ng lalaki, sobrang dami na nakakahilo na at ngayo'y natataranta ako dahil sa isang litrato na wala namang kahit anong bahid ng katatakutan? Aba'y patayin ko na lamang ang kamera at makatulog na ulit.

Papatayin ko na sana ang kamera ngunit naalala ko na mayroong isa pang litrato, ang pang-anim at panghuling litrato na ako ang kumuha kani-kanina lamang. Pinindot ko ang kamera para tignan ang kinuha kong litrato. Naroon pa naman siya, isang poste ng ilaw na nakasindi at nababalot sa kanyang dilaw na ilaw sa kabila ng kalye. Ngunit bakit ganon, balibaligtad siya. Baligtad itong lalaki sa tabi ng poste na ngayon ko lamang nakita sa litrato. Baligtad na siya ay nakatayo sa dalawa niyang kamay at ang mga mata niya'y nanlalaki at nakatitig sa kamera na tila ba'y sa aking mga mata siya nakatitig. At ang kanyang ngiti o dios ko po! Ang kanyang ngiting hanggang tainga, mga labing literal na nakahila hanggang sa kanyang mga teynga para magpakita ng isang ngiti na demonyo lamang ang makakagawa. At siya ay nanatili lamang roon, nakatingin, baligtad, nakatitig.

Nabitawan ko ang kamera. Ako'y nanginginig sa takot at ang aking pakiramdam ay umiinit. Napatakbo ako sa aking bintana kahit labag sa aking kalooban at kahit ako'y nababalot sa takot na ngayon ko lamang naramdaman sa buong buhay ko. MWala ang lalaki sa tabi ng poste. Subalit hindi ako nahimasmasan, hindi ko maalis ang aking titig sa tanawing ito. Ang aking buong katawan ay nanlalambot at umiinit at nanginginig. Sa abot ng aking makakaya at mapipilit, tumingin ako sa paanan ko dahil ako ay nakaramdam ng hindi ko mawaring lamig. Isang pudla ng pulang tubig? Hindi ko na masabi. Ang pulang likido na ito ay kumalat na sa buong lapag ng kwarto ko at ang aking mga paa na namantsa nito. Rinig ko ang tunog ng pagtapak sa likido habang ako'y nakatanaw sa labas ng aking bintana.

Nawala na ang mga ulap, nagpakita ang sinag ng araw ngunit kulay-abo ang kabuuan ng langit. Ang sirang kamera sa paanan ko ay nabuo muli at nasa ibabaw ng aparador, at sa aking pagtalikod, naroon ang katawan ko sa kama, mapayapang natutulog habang ang lalaki kanina ay nasa tabi ng aparador na nakatayo parin sa kanyang kamay. Hindi gumalaw ang araw kahit palipat-lipat na ang mga ulap, nanatili lamang roon at ang kulay-abong langit ay nanatili rin.

Unti-unti konang nakakalimutan ang lahat ng nangyari simula ng pagising ko. Naglalaho ang katawan ko. Ito ba'y panaginip lamang? Gigising rin ulit ba ako sa aking kama na walang maalala? Bago tuluyang sumara ang mga mata ko'y naaninag ko ang pulang mantsa, kung saan nakapatong ang isang kamay ko roon na may hawak na papel na may mensaheng nakasulat sa pula:

Pasensya na. Hindi ko na kaya pa.
Wala akong maibabayad, bukas ay wala na akong matutuluyan.
Hindi ko man lang masustentuhan ang sarili ko, wala ring nagawa ang kamera.
Ngunit ngayon, ako ay masaya na.
Narito na ako sa lugar na kahit ang araw ay hindi sumisikat, hindi rin ito lumulubog.

Bumangon ako sa pagkayuko, at sa harap ng aking paningin at mukha ay ang pagmumukha ng baligtad na lalaki, nakangiti parin, nakatitig parin. Ako'y nawalan ng malay sa huling nakatitindig na tibok ng aking puso.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 25, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Hindi Sumisikat, Hindi LumulubogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon