4th Floor

2 0 0
                                    

          Apartment, tindahan at palaruan. Mga batang gusgusin na masayang naglalaro. Mga nanay na nag-uusap tungkol sa mga panibagong tsismis. Iyan ang palaging bumubungad sa aking umaga. Habang naglalakad, mayroon akong nakasalubong lalaki. Sa isang iglap, biglang nagbago ang kanyang anyo. Ang dating kayumangging mata ay naging itim. Binabalutan siya ng itim na usok. Nakapaskil sa kanyang labi ang isang nakakakilabot na ngiti.

          "Maghanda ka na sa malaking pagbabago sa iyong buhay, hanggang sa muli, Charlee.", sabi noong lalaki. Matapos niyang magsalita, binalot ako ng itim na usok at naglaho siya nang parang bula. Ako ay kinabahan ngunit nagpatuloy pa rin sa pagpasok sa aking paaralan. Tumingin-tingin ako sa paligid at napansin ko na parang ako lang ang nakakita sa lalaki. Mayroon akong nakitang isang pulseras. Nakakamangha ang kagandahan nito. Pinalilibutan ng diyamante na katamtaman ang laki. Sinubukan ko itong suotin at ako ay nagulat dahil eksakto ito sa aking palapulsuhan. Ito ay tila isinukat sa sukat ng aking pulsohan bago magawa. Sa kakatitig ko sa pulseras, may napansin ako. Nakaukit sa pulseras ang inisyal ng aking pangalan, C.D.A. "Hoy! Mahuhuli ka na sa iyong klase!" ani ng aking kapitbahay. Napatingin ako sa aking orasan at nakitang malapit na akong mahuli kung hindi ko pa sisimulan maglakad. Nawala na sa aking isip ang lalaki at isinuot ko na ang pulseras kaysa itapon ko ito. Nakakapanghinayang kung itatapon ko dahil mukha itong mamahalin at pakiramdam ko ay para sa akin talaga ito.

          Sa wakas, nakarating na ako sa aking paaralan bago pa tumunog ang kampana. Hinihingal na umupo ako sa aking upuan. Ang aking upuan ay nakapuwesto malapit sa bintana. Pinili ko rito dahil gusto kong natatanaw ang malawak naming paaralan. Mula sa aking puwesto, makikita mo ang mga gusali ng iba't ibang departamento. Makikita mo rin ang isang maliit na lawa na gawa ng tao. Nakakarelaks ito para sa akin. Saglit kong nalilimutan ang mga problema ko bilang isang estudyante. Malapit sa akin nakapuwesto ang aking dalawang kaibigan. Sina Ava at Bella. Sila ay mga kaibigan ko simula elementary hanggang ngayong 3rd year na kami sa kolehiyo. Masasabi ko na para ko na rin silang kaibigan. Kasama ko sila kahit saan. Tawanan, iyakan at sa mga away, nandyan kami para sa isa't isa.

         Oras na ng pananghalian, ngayon ay nandito kami sa open field ng aming paaralan. Dito kami madalas na tumatambay. Kapag kami ay walang klase, nandito lang kami, nagkuwe-kuwentuhan o kaya ay kumakain. Habang kumakain kami, mayroon akong napansing anino sa likod ng puno sa aming gilid. Natakot ako dahil noong tinitigan ko ang puno, napansin ko na walang tao sa likod nito. Tanging anino lang ang nandoon. Hindi ko alam kung ito ba ang tinutukoy ng mga taong may third eye na mga anino na nakikita nila. Hindi ako sanay na makakita ng mga ganitong elemento ng lupa. Tinanong ko ang mga kaibigan ko kung nakikita ba nila ang anino ngunit ang sabi nila ay wala naman daw. Baka raw kulang lang ako sa tulog at pahinga. Ngunit alam ko sa sarili ko na hindi ako pagod at nakita ko talaga ito. Hanggang sa matapos ang aming pananghalian, napapaisip pa rin ako kung bakit ko iyon nakita. Napaisip ako sa mga ginawa ko bago ko iyon makita at naalala ko iyong sinabi ng lalaki sa akin kanina. Ito na nga ata iyong babago sa aking buhay. Sa dinami-dami ng puwedeng mangyari bakit ganito pa? Hindi ko na alam ang gagawin ko.

          "Mukhang alam mo na ang tinutukoy ko kanina,", nagulat ako at biglang sumulpot na naman iyong lalaki. Hindi ko alam kung saan siya nanggaling. "nais kong manghingi sa iyo ng tulong.", dugtong pa niya. "Anong klaseng tulong ang gusto mo? Bakit ako pa?", sagot ko sa kanya. "Tulungan mong makalaya ang kaluluwa ng kapitbahay mo. Pagkatapos mo iyon magawa ay hindi na ulit ako magpapakita sa iyo." sabi noong lalaki. Pagkatapos niyang sabihin iyon ay naglaho na ulit siya na parang bula.

          Habang naglalakad ako pauwi, gumagambala sa akin ang mga multo na nakatingin sa akin, tila nanghihingi ng tulong. Nang nasa 4th Floor na ako, nadaanan ko ang kuwarto sa tabi ng aking inuupahang kuwarto. Nakaramdam ako ng lamig. Iba ang lamig na nanggagaling doon sa kuwarto. Nakakapataas ng balahibo. Hindi ko maipaliwanag kung bakit kahit iyon ang naramdaman ko, nandito na ako sa tapat ng pinto at handa na kumatok. Ang aking kamay at paa ay tila hindi ko makontrol, para silang may sariling utak. Hindi naman nila ako sinabihan. Pagkakatok ko ay bilang bumukas at bumungad sa akin ang isang lalaking napakaputi. Para siyang taong hindi nasisikatan ng araw. Napakakinis din ng kanyang mukha. Parang nagkahiyaan ang mga dumi na dumapo sa kanyang mukha.

          "Bakit?" napabalik ako mula sa aking paghanga sa kanyang kaguwapuhan. Napatakbo tuloy ako papasok sa aking silid at dali-daling sinarado ang pinto. Nakakahiya ka talaga Charlee. Hindi ko na tuloy alam kung paano ako lalabas bukas.

          "Tulong! Tulungan mo kami!" nagising ako na tila hinabol ng isang toro. Labis ang paghabol ko sa aking hininga. Nakakatakot ang aking panaginip. Napakadaming kaluluwa ang nanghihingi ng tulong sa akin. Hindi ko alam kung bakit ako ang hinihingan nila ng tulong. Isa lang naman akong simpleng babae. Wala rin akong alam tungkol sa mga multo-multo na 'yan.

          Nakarinig ako ng kalabog na nanggagaling sa kabilang silid. Lumabas ako upang kamustahin ang aking kapitbahay. Kakalimutan ko muna saglit ang kahihiyan na ginawa ko kahapon para sa kapitbahay ko. Pagkatapat ko sa silid niya, bumukas na naman ang pinto. May sensor ata itong pintuan niya. Pumasok nalang ako at sinubukan siyang hanapin. Nagtataka ako dahil tila parang walang nakatira doon. Walang gamit pangluto, walang telebisyon at walang bakas ng isang taong nakatira doon.

          "Ikaw pala ang makakatulong sa akin, suot-suot mo ang pulseras na isang palatandaan ko.", biglang sumulpot ang lalaki. "Ako nga pala si Lysander, matagal na akong naglilibot sa mundo ng mga tao dahil may hinahanap akong kasagutan," pagpapakilala niya sa kanyang sarili. "nais kong malaman kung ano ang pakiramdam na umibig.", nagulat ako dahil mababaw lang pala ang kanyang dahilan. Akala ko naman ay may pumatay sa kanya o kaya ay hindi pa tapos ang kanyang misyon dito sa mundong ibabaw. "Ayaw tanggapin ng ibang babae ang hiling kong maranasan ang umibig, natatakot daw sila sa akin.", sabi ni Lysander. Pumayag ako sa kanyang hiling dahil simple lang naman pala iyon. Ipaparanas ko lang sa kanya kung paano magmahal, pagkatapos ay babalik na ulit sa dati ang buhay ko.

          Napagkasunduan naming na aakto kaming dalawa na para kaming magkasintahan. Gagawin naming ang mga karaniwang gawain ng mga magkasintahan. Lalabas, kakain at manonood ng mga palabas. Napaisip ako kung paano kami lalabas kung multo siya. Ang sabi niya may kakayahan daw siyang magkaroon ng katawan ng tao. Hindi raw ako magmumukhang parang ewan na mag-isang nagsasalita. Napagtawanan pa ako dahil sa tanong na iyon. Hindi ko naman alam na may ganoon na pala. Huwag ko na rin daw isipin ang mga gastos. Hindi raw siya nauubusan ng pera. Mayroon daw silang allowance araw-araw mula sa taas. May pangangailangan pa rin daw sila kahit multo lang sila.

          Araw-araw, hinahatid at sinusundo niya ako mula sa aking paaralan. Kakain kami sa kung saanman namin mapagdesisyonan. Pupunta sa kung saanman. Mag-uusap kami tungkol sa araw ko. Kinukuwento ko sa kanya ang mga nangyari sa araw na iyon. Minsan napag-uusapan din namin ang mga memorya naming noong bata pa kami. Nalaman ko na mas matanda pala siya sa akin ng tatlong taon. Masaya ako kasi nakikita ko si Lysander na masaya. Hindi katulad ng una kong kita sa kanya. Sobrang lungkot ng kanyang mukha dati.

          "Malapit na pala tayo magkahiwalay." malungkot na sabi ni Lysander habang kumakain kami. Base sa relo ni Lysander, mayroon na lang kaming isang araw para magsama. Nakakalungkot. Parang ayaw ko na mahiwalay sa kanya. Sa saglit na panahon naming magkasama, aaminin ko na napamahal na ako sa kanya. Nasanay na ako sa presenya niya araw-araw. Kahit na nakakakita ako ng multo araw-araw, bahala na sila diyan. Hindi ko na iyon napapansin. Siya na lang ang tangi kong nakikita. Puwede bang huwag na lang siya umalis? Hindi. Alam ko rin na nahihirapan na siyang pilitin na maging tao.

          Sinulit na namin ang isang araw na huli naming pagsasama.

          "Paalam Charlee. Hanggang sa muli.", sabi ni Lysander.

          "Paalam Lysander. Hanggang sa muli.", sagot ko sa kanya at tinignan ang kanyang katawang unti-unting naglalaho kasabay ng hangin. Sunod-sunod na pumatak ang aking mga luha. Hindi ko alam bakit ayaw nila tumigil sa paglabas. Kahit anong punas ko, napapalitan ito ng panibagong luha.

          Lumipas ang sampung siglo...

          Bumukas ang pinto ng elevator sa ikaapat na palapag o ang 4th Floor. Mayroon akong nakitang pares ng sapatos sa tapat ko. Unti-unti kong itinaas ang aking paningin.

          "Lysander.", sabi ko. "Charlee.", sabi ni Lysander.

           Naiiyak na niyakap ko siya habang niyakap niya ako pabalik.

          "Sabi ko sa iyo, magkikita tayo. Kung hindi man, pipilitin kitang hanapin.", sabi ni Lysander na nagpatawa sa akin. May tamang oras sa lahat ng bagay.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Nov 26, 2019 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

4th FloorWhere stories live. Discover now