Bato

1.7K 13 6
                                    

Nakikinig silang tatlo sa nagsasalita sa radyo: "Isang malakas na bagyo ang inaasahang darating mamayang hapon, nararanasan na natin ang dala nitong hangin at ulan ngayong umaga. Asahan na mas titindi pa ang pagbayo ng hangin nito at pagbuhos ng ulan sa mga susunod na oras. Inaabisuhan ang mga nakatira sa mabababang lugar o yung malapit sa dalampasigan at mga ilog na lumikas sa mas ligtas na lugar."

Pinatay ng kaniyang tiyahin ang radyo, "Hindi naman siguro tayo aabutin ng baha pero mabuti na rin ang nakahanda. Ineng, maglagay ka na ng mga damit na pamalit natin, mga pagkain at tubig, at ilang gamit. Ilagay mo sa tatlong sako para tag-isa tayo ng kapatid mo."

"Opo tiyang," tumayo ang babae, nagpunta sa lagayan nila ng damit at nagsimulang magtiklop para ilagay sa sako.

Hinila ng tiyahin niya ang kapatid niyang lalake papunta sa pintuan, "Totoy, samahan mo ako sa labas ng bahay at tulungan mo akong itali ang bahay natin para maging matibay sa hampas ng hangin."

Habang kumukuha siya ng iba pa nilang mga gamit, dinig ng dalaga ang kaniyang tiyahin na nagbibilin sa kaniyang kapatid sa labas, "Itali mong maigi sa mga puno para siguradong hindi liliparin ang ating kubo ha."

Pagkaraan ng ilang minuto, narinig ng babae na may dumaang tao sa kanilang kubo, ang kanilang kapitan sa baranggay, kinausap ang kaniyang tiyang, "Magandang umaga po Nay. Hindi pa ba kayo lilikas ng dalawang pamangkin ninyo?"

Sumilip siya sa bintana, sumagot ang kaniyang tiyahin, "Mukhang hindi naman kami aabutin ng baha dito Kapitan, medyo mataas ang kinatitirikan ng bahay namin. Dito na lang po muna kami, kapag nakita ko na mataas ang tubig saka kami lilikas."

"O sige po, huwag niyo nang hintayin na malapit na ang tubig sa bahay ninyo bago kayo umalis at baka lalo kayong hindi makalikas. Medyo lumalakas na po ang hangin, mauuna na po ako sa inyo at sasabihan ko pa ang ibang mga kabaranggay natin," naglakad na siya palayo.

Pumasok na ang kaniyang kapatid at tiyahin sa loob ng bahay. Naghain na siya ng kanilang pananghalian at pagkatapos kumain, nagtungo silang tatlo sa medyo nakasara nilang bintana upang bantayan ang pagdating ng bagyo.

Ilang oras pa ang lumipas, sobrang lakas na ang buhos ng ulan at hangin. Napakadilim sa labas at ang mga puno ay nagsisigalaw na parang mga taong nag-aapoy ang katawan. Nakita nila ang pagtaas ng baha. Lumabas ang kanilang tiyahin upang makitang maigi kung nasaan na ang baha. Naririnig nilang magkapatid sa labas ang pagsigaw at mga iyakan ng mga taong hindi nagsilikas at nakatira sa mababang lugar.

Binuksan ng dalaga ang bintana, napaluha na lamang siya sa kaniyang namasdan. Ang tiyahin niya pala ay pinuntahan ang mga kapitbahay nila, marahil ay para yayain sila na magtungo sa kanilang kubo dahil mas mataas ang kanilang lugar. Kitang-kita nilang magkapatid ang kaniyang tiyahin na inaanod sa ilog kasama ang ilan nilang kapitbahay.

Ang ilang bahay ay tinatangay na ng malakas na agos ng baha. Gusto niyang sagipin ang kaniyang tiyahin at mga kapitbahay pero wala siyang magawa kundi humiling na lang na sana ay may kapangyarihan siyang lumipad at magkaroon ng pambihirang lakas.

Habang umiiyak, may tumama sa kaniyang ulo. Nakita niyang nasa sahig na ito ng kanilang kubo, isang puting bato. Sa galit ay inihagis niya ito sa labas ng bintana. Tinawag siya ng kapatid niyang si Ding na lumuluha, "Ate Narda, umalis na tayo dito, aabot na ang baha sa atin." 

 -Wakas-

* Maraming salamat po sa pagbasa. Kung nais niyo pong makabasa ng iba ko pang maikling kwento, makikita niyo po ito sa #maiklingkwento. Ang maikling kwentong ito ay bahagi ng librong "Ben Chinko (Vol. 1)" na binubuo ng dalawampu't limang kathang-isip na mga maikling kwento.

Ang imahe para sa maikling kwentong ito ay iginuhit ni Patrick Earl Alvarez, mula sa kaniyang librong "Mythos" (A Coloring & Illustrative Book -- Philippine Copyright 2019/All rights reserved). Kung nais po ninyong bumili ng kaniyang libro, bisitahin ang kaniyang facebook page: https://www.facebook.com/mythosbypatrickearlalvarez/ 

Bato (isang maikling kwento)Where stories live. Discover now