4: Ama Namin

5.8K 137 10
                                    




AMA NAMIN


"Magandang tanghali," bati sa akin ni Kuya Mike.

Nakaupo ako noon sa tapat ng bintana at nakadungaw sa labas. Katatapos lang noon ng tanghalian. Oras ng pagpapahinga para sa lahat.

Pinilit kong ngitian si Kuya Mike. "Ikaw pala, Kuya," sabi ko.

"Titingnan ko sana yang sugat mo," sabi niya. "Papalitan ko na rin ng benda."

Noon ko lang napansin na may dala pala siyang mga gamit para sa sugat ko. "Sige, Kuya," sagot ko sa kanya. "Tuloy ka."

Pumasok siya sa loob ng bahay pero hindi siya agad dumiretso sa kwarto. Sumilip lang siya sa pinto.  "Okey lang ba akong pumasok dito?" tanong niya.

"Oo, Kuya. Pasok ka."

Tumuloy siya at nilapitan ako. "Pasensya na, baka naistorbo kita," sabi niya.

"Okey lang, Kuya," sagot ko.

Pumuwesto siya sa likuran ko. "Iaangat ko nang konti itong laylayan ng damit mo ha," paghingi niya ng permiso. "Titingnan ko yung sugat."

"Sige," sagot ko kahit nakakaramdam ako ng hiya dahil sa gagawin nya. Hindi naman ako dapat mahiya. Siya naman ang unang nakakita ng sugat ko sa likod. Siya pa ang nagtanggal ng bala mula doon. Dahil doon, buhay ako.

Maingat niyang inangat ang laylayan ng suot kong T-shirt. Bahagya akong kinilig nang dampian ng hangin ang bahagi ng katawan ko doon. Dahan-dahan niyang tinanggal ang lumang benda ng sugat ko. Nakaramdam ako ng konting kirot nang magalaw iyon.

"Pasensya na," sabi niya. Naramdaman niya siguro ang pagkislot ko dahil sa sakit. "Konting tiis lang."

Tumango lang ako. Ilang sandali pa ay wala na ang benda. Bahagyang nangilo ang sugat ko sa pagdapo ng hangin.

"Sarado na ang sugat mo," sabi niya. "Naglalangib na. Ingatan mo ito ha. Hindi maganda kung bubukas ito ulit. Magtatagal ang paggaling mo."

Muli akong tumango. "Iingatan ko, Kuya," sagot ko.

Sinimulan niyang linisin ang paligid ng sugat. Medyo napapaigtad ako sa kirot tuwing magagalaw niya iyon. "Konting tiis," sabi niya ulit. "Sandali na lang."

Naalala ko ang dating panggagamot sa akin ni Ama tuwing magkakasugat ako. Lalanggasin niya ang sugat ko ng tubig mula sa pinakulong mga dahon. Kukuskusin niya ang sugat hanggang matanggal ang langib. Pagkatapos noon ay tatapalan niya ng dinurog na mga dahon at saka bebendahan. Masakit na panggagamot iyon, kumpara sa ginagawa ni Kuya Mike. Sabi ni Ama, kailangan daw talagang maramdaman ang kirot. Kapag hindi daw kumirot, hindi daw umeepekto ang gamot.

Sana nandito si Ama, sabi ko sa sarili ko. Sana siya na lang ang gumagamot sa sugat ko. Kahit masakit, titiisin ko.

Pumatak ang luha ko. Kaagad ko namang pinahid iyon.

Maya-maya pa ay nilagyan na ni Kuya Mike ng gamot ang sugat. Wala akong naramdamang kirot. Pakiramdam ko lang ay parang nanlamig ang sugat.

Gagaling kaya agad ang sugat ko sa gamot na iyon? naisip ko. Umeepekto kaya iyon kahit wala akong naramdamang kirot?

Ilang sandali pa ay binendahan na ni Kuya Mike ang sugat. Siya na din ang nag-ayos sa damit ko pagkatapos.

"Okey na," sabi niya sa akin. "Bukas titingnan ko ulit. Kung sarado pa rin, sa makalawa ko na lilinisin."

Ma Malakat AymanukumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon