(A/N: Ang kuwento pong ito ay inspired ng kantang "Lando" ni Gloc-9 at ng classic movie na "The Juggler of Notre Damne." Mas nakaka-enjoy pong basahin ang kuwento kung pinakikinggan ang kanta. Nasa multimedia po sa kanan.)
RUTONDA
Huwag kang mabahala, may nagbabantay sa dilim
Nag-aabang sa sulok at may hawak na patalim
Di ka hahayaan na muli pang masaktan
Huwag ka nang matakot sa dilim...
Tondo. Kalye Herbosa. Alas-dose ng gabi.
Sa isang madilim na sulok ay may isang lalaking nakaupo. Matalim ang mga mata nito, hindi kumikilos. Marumi ang mukha nito at gula-gulanit ang suot. Isang tingin lang, masasabing isa itong taong grasa.
Tahimik lang itong nakamasid sa paligid.
Mula sa kanto sa di kalayuan ay may isang babaeng naglalakad. Nagmamadali ito, halatang kinakabahan.
Kasunod ng babae ay nakasunod ang isa pang lalaki. Nakasuot ito ng pantalong maong at itim na kamiseta. May takip itong malaking panyo mula bibig hanggang ilong. Sa kanang kamay nito, nakakubli sa gawing likuran, ay may isang baril.
Palapit ng palapit ang lalaking nakaitim sa babae.
Sa takot, nagsimulang tumakbo ang babae.
Pero tumakbo rin ang nakaitim pahabol sa kanya. At dahil mas mabilis ang lalaki, inabutan siya nito, ikinawit ang braso nito sa leeg niya, at itinutok ang baril sa ulo niya.
Nanlaki ang mga mata ng babae dahil sa takot. "Huwag po..." pakiusap niya.
"Pasasabugin ko ang ulo mo kapag nag-ingay ka," banta ng lalaki. "Akina yung wallet--"
Natigilan ang babae nang makita ang taong grasa na hawak-hawak na ang braso ng lalaking may hawak na baril. Sa isang iglap, napilipit ang braso at nalaglag ang baril. Nabitiwan din siya ng lalaki.
"Anak ng pu--" galit na reaksyon nito sa taong grasa.
May kumislap.
Nanigas ang lalaking nakaitim sa kinatatayuan nito kaharap ang taong grasa. Isang patalim ang nakabaon sa dibdib nito at hawak ng taong grasa.
Naulit ang mga pagkislap. Dalawa. Tatlo. Apat. Maraming beses. Hanggang sa bumagsak sa semento ang lalaking nakaitim.
Nagsimulang umagos ang masaganang dugo.
Nanlaki ang mga mata ng babae nang maintindihan ang nangyari. Taranta siyang napaatras dahil sa sindak. Ilang sandali rin siyang napatitig sa mukha ng taong grasa na wala kahit anong bahid ng awa. Pagkatapos ay nagmamadali siyang nagtatakbo palayo.
Nakatayong pinagmasdan ng taong grasa ang naghihingalong biktima. May isang patak ng luha na dumaloy sa mata nito. "Uubusin ko kayo..." bulong nito, pagkatapos ay tumalikod na at naglakad palayo.
Ilang daang metro mula sa pinangyarihan ng krimen, tumigil ang taong grasa sa gitna ng isang rutonda. Tahimik na noon ang paligid at sarado na lahat ng bahay. Sa gitna ng rutonda ay nakatayo ang isang imahen ng Birheng Maria. Lumuhod ang taong grasa sa harap noon at nagwika.
"Malapit ko na silang maubos, mahal ko..."
BINABASA MO ANG
Rutonda
Short StoryHuwag kang mabahala, may nagbabantay sa dilim. Nag-aabang sa sulok at may hawak na patalim. Di ka hahayaan na muli pang masaktan. Huwag ka nang matakot sa dilim...