Nakakabinging katahimikan. Ayan ang nararamdaman ko kapag wala siya sa tabi ko. Tila ba humihinto ang pag-ikot ng mundo at nananatiling nakabara sa puso ko ang sakit na hindi ko kayang maiwasan.
Kasalanan ko kung bakit ako nagdudusa ng ganito. Kasalanan ko kung bakit mas pinili niyang lumayo kaysa manatili pa sa piling ko.
Pinagmamasdan ko ang paligid at natawa ng pagak. Buti pa sila, Masaya at wagas ang ngiti sa kanilang mga labi. Ang mga magka-relasyon ay hawak kamay na naglalakbay patungo sa kanilang destinasyon. Patungo sa walang-hanggang kaligayahan.
Pero meron nga bang walang hanggan? Forever? Hindi ko alam ang sagot sa tanong na yan dahil maski ako ay sawi pa din sa pag-ibig.
Tiningnan ko ang bakanteng swing sa aking tabi at ang mukha ng isang nakangiting babae ang agad na pumasok sa isipan ko. Haay. Kahit anong gawin ko, siya pa rin talaga ang laman ng puso at isip ko.
Naaalala ko ang masasaya naming ala-alang dalawa. Lalo na ang unang araw na magkatagpo ang aming mga landas.
Nakaupo ako sa swing habang kinakain ang ice cream ko. Nakasalpak ang malaking headphones sa tenga habang pinagmamasdan ang mga batang naglalaro sa park.
Umalis ako ng bahay dahil nag-aaway na naman sila Mama at Papa. Ayoko ng marinig ang paulit-ulit at nakakasawang pagtatalo nila kaya minabuti kong tumambay na lang muna dito.
Natatawa ako dun sa isang batang babae. Kanina ko pa siya pinagmamasadan at ang cute niya lang tingnan lalo na kapag sinusungitan niya yung mga kalaro niya. Naaalala ko tuloy ang sarili ko sa kanya noong bata pa ko. Haay…ang sarap balikan ng mga ala-alang ganun. Ayun yung mga panahong, wala pa akong ibang iniisip kundi kung ano ang lalaruin ko at kung kanino ako makikipaglaro. Kung babatiin ko ba ang mga kaaway ko at maghahanap ba ako ng mga bagong kaibigan. Mga simpleng bagay at problema na kayang masolusyonan agad.
Kung pwede lang ako bumalik sa pagkabata ay ginawa ko na. Ang hirap kasi ng ganito. Yung sitwasyon na naiipit ka dahil sa hindi pagkakaunawaan ng mga magulang mo at kung saan walang kasiguraduhan kung ano ang kahahantungan ng pamilya niyo.Nasa ganoong posisyon at pag-iisip ako ng naramdaman kong may matigas na bagay ang tumama sa mukha ko. Nabitawan ko ang kinakain kong ice cream at napahawak sa parte ng mukha kong natamaan ng bola. Shit, ang sakit lang.
“HALA! Sorry po!” natatarantang paumanhin sa akin ng isang babae. Tinanggal ko ang pagkakatakip ng kamay ko sa aking mukha at dahan-dahang tiningnan kung sino ang nagsalitang iyon.
Nalaglag ang panga ko. Anghel…Isang anghel ang nasa harapan ko ngayon. Isang babaeng maputi, singkit ang mga mata, may mahabang buhok at katamtamang tangkad ang nag-aalalang nakatitig sakin ngayon. Napakaganda niya kahit magkasalubong pa ang mga kilay niya at kunot na kunot ang kanyang noo.
“Ate…? Hala! Ate! Nadugo yung ilong mo!” sabi niya na nagpabalik sakin sa realidad. Ughh…I totally spaced out. Agad kong hinawakan ang aking ilong at oo nga, nadugo ito. Nakalimutan ko kasi kung gaano kasakit ang tama sa akin nung Makita ko siya.
Nagulat ako ng lumapit siya sa akin at lumuhod sa harapan ko. Gamit ang panyong dala niya, ay siya na ang nagkusang punasan ang dumudugo pa ring ilong ko. Natulala na naman ako. Mas maganda siya sa malapitan at napakabango din niya.
“Ate..sorry po talaga..napalakas kasi yung hampas ko dun sa bola.” Saad niya habang pinupunasan pa rin ang ilong ko.
“A-ako na.” pahayag ko at agad na inabot ang panyo mula sa kanya. Ang awkward kasi siya pa ang naglilinis at nagpapatigil sa pagdugo. Kaya ko naman kahit kasalanan pa niya.
BINABASA MO ANG
What You Mean To Me (One Shot)
RomanceFirst Love. Missed Opportunities. Forever. Hanggang kailan ka aasa? Bibitiw ka na ba o kakapit pa? (c) _baste97 2017