Gone

48 4 3
                                    

Isang taon na ang nakalipas.

Tinitigan mo ang kanina mo pang nanginginig na mga kamay at ika’y napailing. Darating siya, Clare---marerealize niya na mahal ka niya talaga. Babalik siya at magiging masaya na kayong dalawa muli ng magkasama…magpakailanman. Bulong mo sa iyong sarili.

Itinago mo na lamang ang iyong mga kamay sa bulsa ng iyong jacket upang matigil ang panginginig ng mga ito. Nagmasid ka muli sa iyong paligid---bawat lalaking tila ba kahulma niya ay nagpapatigil sa tibok ng iyong puso.  Ngunit wala pa rin siya, wala pa rin si Jace.

Pumikit ka na lamang at inalala ang dahilan kung bakit ka nandito sa lugar kung saan kayo unang nagkakilala. Sa isang bench sa gilid ng kalsada malapit sa dati niyong eskuwelahan.

 “Nasasakal na ako sa’yo, Clare. Itigil na natin ‘to.” Marahas mong inangat ang iyong ulo upang makatingin sa mukha niya. Umiiyak siya. Oo, siya pa ang may ganang umiyak.

Ilang linggo ka na rin niyang iniiwasan. Magkasama man kayo ay tila ba hindi nakatuon sa’yo ang kanyang pag-iisip. Laking tuwa mo noong nakatanggap ka ng text mula sa kanya noong umaga na nagsasabing kailangan niyong mag-usap.

Ngunit nabura rin ang kasiyahan sa iyong mukha noong makita mo ang kanyang mga luhang unti-unting pumapatak.

“Hindi ko na matiis ang mga pagdududa mo, Clare. Gusto mo ikaw la’ng ang babae sa buhay ko, lahat ng nakakausap ko pinagdududahan mo. Wala ka bang tiwala sa’kin? Noong una pinagpasensiyahan kita---kasi mahal kita, Clare. Pero nasasakal na talaga ako, ayaw ko ng ganito.”

Pinunasan mo ang tuloy-tuloy na luhang pumapatak mula sa mga mata mo. Ginagawa mo lamang ang mga iyon dahil takot ka na matulad ka sa mama mo, natatakot ka na iwan ng lalaking pinakamamahal mo nang dahil sa ibang babae. Tumingin ka sa paligid sa takot na baka may makakita sa inyo. Nguniti wala, at kung may dumaan man ay wala silang pakialam.

Muli kang tumingin sa kanya. Halata sa kanyang mukha na nahihirapan siya. Pero hindi---hindi mo siya kayang pakawalan.

“Kaya ko namang magbago, Jace. Pangako…pangako hindi na ako magdududa. Pangako, pagkakatiwalaan na kita.” Wika mo at niyakap siya.

Ngunit ilang sandali pa ay unti-unti mong naramdaman ang mga kamay niyang inaaalis ang mga braso mong nakayakap sa kanya. Pilit na siyang kumakawala---naisip mong baka nga ayaw na niya talaga.

Ngunit hindi---hinding-hindi ka papayag.

Umiling siya ngunit mabilis mong hinawakan ang mga pisngi niya at hinila ang mukha niya pababa upang magtagpo ang inyong mga labi. Hinalikan mo siya ng buong pagmamahal. Umaasa ka na baka dahil sa halik na iyon ay maramdaman niya kung gaano mo siya kamahal---kung gaano mo siya kakailangan.

Ngunit katulad ng sa yakap mo’y unti-unti rin siyang kumawala.

“Mahal mo ako ‘di ba? ‘Di ba?” tanong mo habang humihikbi.

Muli ay umiling lamang siya. Katulad mo ay tuloy-tuloy din ang pagdaloy ng mga luha galing sa kanyang mapupungay na mga mata. Ngunit kung tunay ngang mahal ka niya, bakit ka niya iiwan?

Unti-unti na siyang lumakad papalayo. Ngunit hindi ka sumuko, hinablot mo ang kanyang braso at pinilit siyang humarap muli sa’yo. “Isang taon,” Mariin mong sabi. “Bibigyan kita ng isang taon, Jace. Kapag sa loob ng isang taon narealize mo na mahal mo talaga ako at gusto mo akong balikan, maghihintay ako rito sa mismong lugar na ‘to, Jace. Hihintayin kita kahit ano’ng mangyari.

Dumilat ka na at pinunasan ang iyong mga luha. Darating kaya siya? Tanong mo muli sa iyong sarili.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 02, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

GoneTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon