Gagawa sana ako ng tula
Eh kaso yung katamaran sa akin ay tumama
Itutuloy ko pa ba ito? Hay.. sige na nga
Tutal nakabuo na naman ako ng panimula.
Ikukwento ko na lamang ang buhay ng isang tamad
Ultimong kinatatamaran ko pati ang paglalakad
Kung may pakpak lang sana ako para makalipad
Kung saan-saan malamang ako mapapadpad.
Nakakatamad talagang bumangon nang maaga
Yung tipong kailangang gumising kahit antok pa
Paglabas ng kwarto ay diretso na sa kusina
Magkakape agad kahit wala pang hilamos ang mukha.
Kung ako ay magsasaing, rice cooker ang pagsasalangan
Kaysa sa gas stove na kailangan pang bantayan
Maluluto din naman kahit na padahan-dahan
Para hindi sunog na tutong ang ihain sa hapag kainan.
Maghugas ng pinggan ang ayaw ko sa lahat
Lalo't sobrang dami, hindi na masukat
Maige pang sa dahon ng saging kumain sapagkat
Makakatipid sa sabon, mukha nga lang salat.
Kung paglalaba naman ang pag-uusapan
Wala rin akong hilig sa gawaing iyan
Kahit ga-bundok na ang naipong lablabhan
Tutulog na lang ako, bahala kayo riyan.
Isa pang nakakabagot ay ang pagwawalis
Para bang ang kalat ay hindi na naimis
Nakakapagod iyan, hindi ko rin nais
Kaya isang pasada lang at ako'y paalis.
Ako'y nagtataka sa sarili ko madalas
Bakit pag kakain ay sobra ang gilas
Sa laki ng subo, bibig ay mapipilas
At pag nabusog na, ang tiyan ay himas.
Payo ko lang sa'yo na huwag tutularan
Gawain ng tamad ay huwag pag-aralan
Dahil kung ang gusto mong magtamasa ng kaginhawaan
Kailanma'y hindi makakatulong ang iyong katamaran.
YOU ARE READING
Ang Tula ng Tamad
PoetryKung nakakaranas ka ng katamaran, o di kaya naman ay sadya kang TAMAD, makaka-relate ka dito. :D