Kasal

12 1 0
                                    

Ang sabi nila, "Every little girl dreams of the perfect wedding day." 'Yong tipong magarbo ang mga dekorasyon at maganda ang mga kasuotan. Tapos, isasakay ako ng aking prinsipe sa kaniyang puting kabayo, at pupunta kami sa aming palasyo. At ang hari at ang reyna ay masayang namuhay mula noon.

Pero ako, iba ang pananaw ko sa kasal. Para sa akin, nauuwi rin sa hiwalayan ang kasal; bibihira nalang ang mga mag-aasawang nagtatagal. Wala eh, ganoon ang kinalakihan ko. Galing sa mga hiwalay na pamilya ang pareho kong mga magulang. Akala nila, ang magiging pamilya nila ay hindi matutulad sa nakaraan. Sabi nila, napakasaya ng lahat noong nagpakasal sila sapagkat agad na ring nabuntis si mama sa kanilang unang anak. Ngunit sa kasamaang palad, nakunan si mama. Sa halip ng problemang iyon, naging mas matatag sila bilang mag-asawa, at dahil doon, naipanganak si kuya, at sumunod naman ako.

Nang makalipas ang limang taon, nagsimula nang dumating ang malas sa pamilya namin. Nasagasaan si kuya habang naglalaro kami sa gilid ng kalsada kung saan naglalasing ang papa. Sinisi siya ni mama. Sinisi naman siya ni papa, kahit na si mama ang kumakayod para sa amin. Nagsisihan silang dalawa hanggang sa sinimulan nang isumbat ni papa ang mga pagkakamali at pagkukulang ni mama, at na siya ang tunay na dahilan kung bakit namatay ang dalawa sa kanilang mga anak- lahat ng iyon sa harapan ng burol ni kuya.

Naglayas kami ni mama at makalipas ang dalawampung taon, ay payapa kaming tumitira sa bago niyang kinakasama.

Sa tuwing nakakakita ako ng masaya at kumpletong pamilya ay nagliliyab ako sa inggit. Namumuo sa isipan ko ang iba't ibang 'sana' at 'paano kaya'. Paano kaya kung hindi namatay ang mga kapatid ko? Paano kaya kung hindi nagsisihan ang mga magulang ko sa mga nangyari sa mga kapatid ko? Paano kung nasagip ko pa si kuya noong naglalaro kami? Sana hindi nalang nangyari sa amin ang mga ito. Sana hindi nalang ako naipanganak sa ganitong pamilya. Sana... ako nalang ang naroroon sa puwesto ng kuya ko.

Kahit na nagkaroon na kami ng bagong buhay sa piling ng bagong pamilya ni mama, ay hindi ko na naramdaman na kasama ako sa pamilya nila. Nagkaroon ako ng mga stepbrothers at stepsisters na hindi ko kasundo. Mas itinuturing pa nilang kapamilya ang mga kasambahay at katulong kaysa sa akin. Mabuti nalang at ipinilit nilang ipakitang ayos lang sila na mayroon nang bagong kinakasama ang tatay nila. Tuwing nandiyan si mama ay parang silang mga anghel. Pero pagdating sa akin ay diring-diri sila na parang isa akong masamang hangin.

Walang may alam sa mga dinanas ko sa pamilyang ito, ni hindi sumagi sa isipan ko na magsabi sa mama ko. Bakit? Dahil masaya siya. Noon ko lang nakita ang abot-tainga niyang ngiti magmula noong naghiwalay sila ni papa. Tuwing umaga bago kami pumasok ay isa-isa niyang hahalikan ang mga noo namin. Gabi-gabi naman siyang nagluluto ng masarap na hapunan na tila'y lagi kaming may ipinagdiriwang.

Ngunit, nag-iba ang pananaw ko sa kasal nang makilala ko ang isang Nathaniel Matteo de la Cruz, isang mabait, mapagmahal at maginoong lalaki. Nagkakilala kami noong high school. Niligawan niya ako ng halos dalawang taon, at nang tumuntong kami sa kolehiyo, ay ibinigay ko ang sagot na matagal na niyang hinihintay. Nangako siya na hindi niya ako iiwanan. Nangako ko siya na hindi niya ako paiiyakin. Nangako siya na aalagaan at mamahalin niya ako hanggang sa makakaya niya. Nakita ko sa kaniya ang pagiging mapag-aruga at maalahanin. Sinuportahan niya ako sa aking mga pangarap, at ganoon din ako sa kaniya. Sa mga panahon iyon, alam kong siya na ang 'the one.' Ang 'the one' na makakasama ko sa mga susunod na hakbang sa aking buhay. Ang 'the one' sasabayan ako sa pagtahak ng malubak na daan ng buhay.

Parang na akong bata na nagpapantasya sa aking espesyal na araw. Ang pagkakaiba lang, hindi ko na ninanais na magkaroon ng magarbong dekorasyon, o isakay ako ng aking prinsipe sa kaniyang puting kabayo. Basta sa kasal ko, magsusuot ako ng puting bistida, at dahan-dahan akong maglalakad patungo sa lalaking pinakamamahal ko- si Nathan.

Si Nathan ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko.

At iyon nga ang nangyayari sa araw na ito, ika-14 ng Oktubre taong 2018. Naririto ako sa simbahan, at nasa di-kalayuan ang taong pinakamamahal ko. Ang mga susunod kong hakbang ang tuluyan na magkakapagpabago sa aking buhay. Naluluha akong ngumiti sa kaniya, at isa namang napakatamis na ngiti ang isinukli niya sa akin.

Masaya siya, at masaya rin ako.

Napatigil ako.

Naalala ko ang mga ipinangako niya sa akin noon.

Sinabi niya na hindi niya ako iiwanan.

Sinabi niya na hindi niya ako paiiyakin.

Sinabi niya na aalagaan at mamahalin niya ako hanggang sa makakaya niya.

Iyon ang kaniyang tatlong ipinakong pangako.

Tuluyan nang pumatak ang mga luha mula sa aking mga mata, dahil sa pagkakataong ito, hindi ako ang pinakasalan niya.

Sapagkat isa na siyang ganap na pari ng Simbahang Katoliko.

KasalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon