Kapag sinabing Siquijor, talagang kababalaghan agad yung papasok sa isip ng mga hindi naman taga roon. Paano ko nasabi? Kung may biglang kumakaluskos sa bubong niyo pag gabi? Eh kung gagalaw nang walang dahilan yung mga palumpong sa gilid ng lupang daan kapag nagmomotor ka kahit maaraw? Tapos meron pa yung pakiramdam na parang may nakatingin sayo lalong lalo na kung naglalakad ka sa mga lugar na walang ilaw? Nakakatakot noh? Pero kasi kapag dun ka pinanganak, parang matatawa ka nalang talaga eh. Sa sobrang pagkasikat sa mga haka-hakang yan, ang bilis mauto ng mga dayong turista lalong lalo na kung tungkol sa mga elementong di naman sila masyadong maalam.
Galing akong Siquijor. Maria, Siquijor. Doon ako pinanganak at doon na siguro mamamatay, maliban nalang kung matatanggap ako sa interview ko mamaya. Nag-apply kasi ako sa isang mataas na paaralan sa Manila para sa aking kolehiyo. Bata palang, pangarap ko na talagang maging isang arkitekto. Siyempre para naman maayos na yung bahay naming nawawalan ng bubong tuwing may bagyo. Hindi naman kasi kami pinalad sa buhay. Mahirap. Simple. Pero may paninindigan at may takot sa Diyos. Atleast ako, alam ko sa sarili kong meron ako noon.
Hindi naman ako takot sa mga maligno. Hindi rin ako takot sa mga kriminal. Ang kinakatakutan ko, yung nanay ko. Siguradong sasabog yun kapag hindi pa ako bumangon dito sa banig na hinihigaan ko.
BLAG! BLAG! BLAG!
"Hoy! Giseng, Berting! Pag ikaw naabutan ko pang nakahiga diyan sa kama mo nako malilintikan ka saking bata ka!" bungad ng nanay ko. Nakatayakad kasi yung bahay kubo na tinutuluyan namin kaya maririnig mo talaga yung langitngit ng sahig kapag may naglalakad lalo na kung nagmamadali at galit.
"Opo! Nagbibihis na nga po ako!" sigaw ko para hindi mahataw. Takot ako eh siyempre ang dami kong hanger sa kwarto. Mahirap na. Magbebente na ako sa susunod na linggo pero grabe pa rin nanay ko. Makahataw wagas pa rin kala mo di na ako umalis ng grade 1 eh.
Saktong pagsara ko sa huling butones ng asul kong polo, bumukas yung pinto. Bumungad sa pintuan yung nanay kong nakakunot yung noo, nakapusod yung buhok, at nakasuot ng pulang daster. Nawala yung pawis kong pagkalaput lapot nang mapansin kong nakahalukipkip lang siya at walang hawak na kahit anong pwedeng gawing pamalo.
Nginitian ko. Yung malaking ngiti. Yung pacute. Siyempre para hindi halatang kabado diba. Alam ko namang hindi magagawang magalit sa akin ng nanay ko lalo na kung nakikita niya yung ngiti kong may dimple na pamana ng aking tatay.
"Hay nako. Tong batang to. Disi nuwebe na napakabagal pa ring kumilos. Bilisan mo at mahuhuli ka na sa interview mo. Alas sigko na oh. Isang oras din ang byahe papunta sa paaralan mo. May traysikel ka nang nag-aabang sa labas," sabi niya.
"Opo," sabay ayos ng mga kusot sa damit.
Pagkatapos magmabilisang umagahan, kinuha ko yung mga babaunin ko sa byahe, humalik sa pisnge ng nanay, at sumakay sa traysikel.
Nang makarating sa Maria extension road, isang daanang pinapagitnaan ng malalawak na palayan, biglang umambon. Ang nakakapagtaka lang ay napakainit ng panahon, tagaktak nga ang pawis ko sa totoo lang, pero may ambon mula sa langit. Sabi ng tatay ko, bigay raw ng langit yun para sa mga nangangilangan ng tubig, ngunit biyaya nga ba talagang maituturing?
Siguro napansin ni kuya kung pano ako namangha sa nangyayari kasi bigla niya akong kinausap.
"Alam niyo po bang may kinakasal kapag ganyan?" sabi niya.
"Ay talaga po ba? May ganap nanaman po bang pamahiin kapag umuulan sa ilalim ng matinding kainitan ng araw?" pabiro kong tugon sakanya.
"Meron po. Mga tikbalang sa kabilang mundo," seryoso niyang sagot.
Hindi ko alam kung anong trip ni kuya pero hinintay ko pa ring tumawa siya nang malakas para sabihing hindi siya seryoso. Pero ang naabutan ko lang na ginawa niya ay ang pagpunas niya ng noo niyang nagtatagaktak na rin sa pawis.
BINABASA MO ANG
Mga Anak ng Dilim
FantasySa modernong mundo ngayon, hindi masasagap ng iyong isipan na mayroong mga hiwaga at misteryong bumabalot sa iilang sulok nito. Hindi nga sumagi sa isip ni Perla na totoo ang mga halimaw na lumalapa ng mga inosente sa mga liblib na eskinita ng Mayni...