Demonyo

41 1 1
                                    

*TRIGGER WARNING*

Pumasok ako sa aking paaralan na nakangiti. Nakipagdaldalan ako sa aking mga kaklase tungkol sa mga pinagaaralan namin. Habang kausap ko sila ay parang may nakatingin sa akin kaya napatingin ako sa aking paligid pero wala naman kaya nagbikit balikat na lang ako. Baka imagination ko lang. 

Matapos ng daldalan namin ay pagaaral na lamang ang ginawa namin. Pinipilit kong mag aral kahit masakit ito sa ulo dahil mas mahirap ang mga actibidad na ginagawa ng mga nagpapaaral sa akin. Ang mga magulang ko. Lahat gagawin ko para sa kanila basta makita silang masaya.

Pauwi na ako na mag-isa hawak hawak ang notebook ko sa chemistry, iniintindi dahil pahirap na ng pahirap ang subject na'to. Nararamdaman kong parang may nagmamasid sa akin kaya pinagmasdan ko ang paligid at wala namang tao. Hindi ko na lang ito pinansin at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa bahay.

Umuwi ako ng bahay na nakangiti at agad niyakap sila mama at papa. Buo ang pamilya ko. Masaya kami at walang prinoproblema dahil lahat ng mga pangagailangan ko ay binibigay lahat ng mga magulang ko at hindi rin sila nagkulang sa pagbibigay sa akin ng pagmamahal dahil lagi silang may oras para sa akin. 

Habang kumakain kami ng hapunan ay naramdaman ko nanaman na parang may nakatingin sa akin kaya napatingin ako sa paligid kaso wala naman.

"Anak, may problema ba?" tanong sa akin ni mama at nginitian ko agad siya.

"Wala po, ma." sagot ko at nagpatuloy sa pagkain.

Tinapos ko lahat ng mga gawain ko sa bahay pati na rin ang mga school requirements. Ginagawa ko yung skin care routine ko habang nakatingin sa salamin hanggang sa napatitig nalamang ako sa aking repleksyon. 

Hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako. Ano bang mali sa akin? Bakit ako nakakaramdam ng ganito? Wala namang rason para makaramdam ako ng ganito. May masaya at kontento naman akong pamilya, mabait na mga kaibigan at magandang kapaligiran pero bakit ganito? Hindi ko maintindihan. Ang sakit sa puso at utak. Gusto ko nang mawala pero bakit? Mahal naman ako ng mga magulang ko.

Parang hindi ako nag-iisip. Ang daming tao ang nasasaktan pero sila, may dahilan na nanakit ang magulang nila, wala silang makain at mga iba pang rason na bakit gusto nilang mawala. 

Nakatitig lang ako sa aking repleksyon na may mga luhang ayaw tumigil sa aking mga mata. 

Patuloy lang akong umiiyak hanggang sa may mapansin akong anino sa aking likod. Naramdaman kong tumaas ang mga balahibo ko.

Ano 'yun? Kanina pa 'to ah. Parang hindi na 'to guniguni.

Tumingin ako sa anino hanggang sa may lumabas na kamay. Patuloy itong lumabas hanggang sa lumabas na ang kabuuan ng anyo nito. 

Isa siyang lalaki. Matangkad, katamtaman ang kulay, matangos ang ilong, magulo ang buhok at meron siyang dalawang sungay sa kanyang ulo. Isa siyang demonyo. Demonyo?

Totoo ba'to? Bakit siya nandito? Tatanggalin niya na ba ako sa mundong ito? 

"Si-sino ka?" sabi kong namamaos. Agad syang ngumiti kaya nagpakita ang perpekto niyang ngipin. Lumapit siya sa akin kaya napahakbang ako palikod, nagpatuloy siya sa hakbang hanggang naramdaman ko na ang salamin sa aking likuran. Lumapit pa siya at hinawakan ang pisngi ko. 

Hindi ako makagalaw. Napatitig lang ako sa kanya at mas lalo niya nilapit ang mukha niya at pinagdikit niya ang noo namin.

"Binibini, ikaw ang napili kong mortal. Mortal na balak kong saniban para punuin ng kasamaan ang perpekto mong buhay ngunit ito'y imposible na yata sapagkat, puno na ng kasamaan at kademonyohan ang iyong utak at nararamdaman." pabulong niyang sabi at naramdaman ko ang patak ng luha niya sa aking pisngi.

DemonyoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon