Tanghaling Tapat

90 0 0
                                    

Ako si Ramiel. Simpleng estudyante ng isang pampublikong unibersidad. Tanghaling tapat nang nakita ko siya. Nakaupo sa tabi ko. Kami lamang dalawa. Ramdam ko ang init ng katawan niya pero di ko siya magawang kausapin o hawakan. Dahan dahan niyang nginunguya ang pagkaing binili niya. Napakapino. Napakahinhin. Walang bakas ng pagkain ang naiiwan sa kanyang mga labi. Napakapayapa ng buong pagkatao niya.

Alas dose imedya, may grupo ng mga kababaihan ang dumating at binati siya. Doon ko unang nakita ang ngiting ubod ng tamis mula sa kanya. Niyaya siya  ng mga itong lumabas ngunit tumanggi siya. May hinihintay raw siya. Hindi niya pinaalam kung sino o para saan ang ginagawa niyang paghihintay.

Umalis ang grupo ng mga babae. May kinuha siya mula sa kanyang bag. Papel at kulay ubeng panulat. Hindi ko maipaliwanag ang nangingilid na luha sa kanyang mapupungay na mga mata. Nagpatuloy siya sa pagsusulat. Hinayaan ko lamang siya. Pinagmamasdan ko lamang ang bawat galaw niya. Kaysarap titigan. Hindi ako nagsasawa.

Ala una na nang dumating ang grupo ng kalalakihan. Hinawakan agad siya sa balikat ng isa. Nagulat siya at nabitawan ang kulay ubeng panulat. Palihim niyang nilukot ang papel na sinulatan at inihagis papalayo.

Tumayo na siya. Pilit siyang hinila ng isa sa mga lalaki sa tabi niya. Tila gustong iparating sa lahat ng pagmamay-ari niya ang babaeng may maamong mukha.

Nang sumunod na araw di ko na siya muling nakita. Tumungo ulit ako sa madalas naming kainan, wala rin siya ngunit nandoon parin ang kulay ubeng panulat. Naalala ko ang nilukot niyang papel. Hinanap ko ito sa paligid. Di naglaon nakita ko  ito at palihim na binasa. Masaklap ang nilalaman.

Hindi ko na siya matiis. Ayoko ko na. Nasasakal na ako sa atensyong binibigay niya. Ayoko na. Ayoko na”.

Bakas pa rin sa papel ang kanyang luha. Kinabahan ako. Mukhang may masamang nangyari sa babaeng iyon.

Di nga nagtagal at nakarinig ako ng balita. Mayroon pinagkakaguluhang kung ano sa ilog malapit sa aming eskwelahan. Agad akong pumunta. Nagbabakasaling makita siya. Sa wakas nakita ko na ang babaeng may maamong mukha… ngunit matigas na siyang bangkay. Kita sa kanyang katawan na pinagmalupitan at pinagsamantalahan siya. Nanlumo ako sa aking nakita. Sana kinausap ko na siya noong simula palang. Sana umaksyon ako noong hinaharas siya ng isang lalaki. Sana maaga kong nabasa ang sulat niya. Sana natulungan ko siya. Pero huli na ang lahat. Tanghaling tapat nang una ko siyang makita, at tanghaling tapat rin ngayong natuklasan ko ang nangyari sa kanya. Tanghaling tapat, wala na ang babaeng may maamong mukha.

Tanghaling TapatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon