CHAPTER TWO
“LIBBY. People call me Libby.”
“Lib…. Libby.” Halos hindi lumabas ang tinig ni Jonnie. Tiningnan niya ang babae mula ulo hanggang paa.
Mahaba at makinis ang legs ng babae, lalo pa at maikli ang suot nitong khaki shorts. Naka-sandals ito ng brown, kita ang malinis at mamula-mulang paa. Alaga sa pedicure. Mula paa ay hinagod ni Jonnie ng tingin ang babae pataas. Naka-sleeveless ito ng tshirt na puti. Ang buhok na hanggang balikat ay makintab, tuwid at may highlights na brown. Sexy ang babae, walang duda. Lalo itong gumanda, parang hindi man lang tumanda kahit isang taon. May bangs ito na lalong nagpabata. Kung hindi niya ito kilala, puwedeng mapagkamalang college student lamang si Liberty!
“Kumusta ka na?” Ngumiti ito, labas ang maputi at pantay-pantay na ngipin. Lalong naturete si Jonnie. Gusto niyang mainis sa sarili. Bakit ganito pa rin ang epekto sa kanya ng babae?
“O-okay lang ako.”
“Good.” Umupo sa sofa si Liberty at pinag-krus pa ang legs. “Maybe we can talk for old time’s sake!”
Old time’s sake? Iba ang pumasok sa isip ni Jonnie sa sinabing iyun ng babae. Saka nito naalala na may malaki itong kasalanan sa kanya!
“After all these years, ngayon ka magsasabi ng old time’s sake? Na para bang wala kang kasalanang ginawa?”
Nakita niyang nawala ang ngiti sa mga labi ni Liberty. Napalunok ito at tumayo.
“Come on, matagal na yun, Jonnie. Akala ko nga, nakalimutan mo na.”
“Anong akala mo sa akin, ulyanin?” Malakas ang pagkabog sa dibdib ng binata. The last time na naramdaman niya ang ganun ay eight years ago pa. Ayaw man niyang aminin pero iba ang impact sa kanya ng pagkikita nilang iyun ni Liberty.
“Wala akong sinabing ganun. Bakit ba ang sungit mo sa akin?”
“Kasi nga, may kasalanan ka sa akin!”
“Fine! Kung galit ka, aalis nalang ako. Hindi ko na hihintaying ipagtabuyan mo pa ako.” Tumalikod na ang babae saka mabilis na lumabas ng bahay nila. Ni hindi ito lumingon.
A part of him wanted to run after her. Pero hindi niya nagawang umalis sa kinatatayuan. It was a battle of pride and longing, of self-control and an aching heart. Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nakatanga. Saka naman ang pagpasok ng nanay niya sa sala- may bitbit na juice at sandwich.
“O, nasaan na si Liberty?” Ibinaba ng may-edad na babae ang tray ng pagkain saka sumilip sa labas ng pinto. “Umalis na?”
“May pupuntahan pa raw ‘nay.”
“Ang sabi niya ay gusto niyang makipagkuwentuhan ng matagal. Kaya nga naghanda muna ako ng sandwich dahil magluluto ako ng tinolang manok. Paborito niya yun, di ba?”