NAGTULOY si Domeng sa bahagi ng sementeryong kahit sa umaga at maliwanag ang paligid ay hindi puntahin ng mga tao.
Hindi masasabing pinakadulo ang bahaging iyon dahil may mga magkakapatong pang nitso sa gawing kanan katapat ang mga nitsong pang-isahan lang. Ang taas ng mga nitsong magkakapatong ang nagsisilbing harang sa ibinubugang init ng sikat ng araw sa mga nitsong katapat. Malilim at malakas ang ihip ng hangin sa gawing iyon kung kaya doon s'ya madalas tumambay at magpahinga.
Sumampa s'ya sa ibabaw ng nitso at saka iniahon mula sa dalang bayong ang isang longneck na alak. Hindi na n'ya pinanghinayangan ang ipinambili n'on sa kagustuhang gawing manhid ang pakiramdam. Kung hindi s'ya lalabas ng bahay ay hindi luluwag ang dibdib n'ya sa tahasang pambabalewala ng asawa sa nararamdaman niya.
"Putang-ina ka, Domeng. Hindi naman ngayon lang nangyari ang ganito. Kailan ba nangyaring ikaw ang nasunod? Wala ka, panis! Napakaangas mo kung makaporma pero tae ka lang. Ano'ng makakatikim na sa'yo ang misis mo? Ano na ang nangyari sa kinakana mong pakikipagtuos sa kanya? HA! Matapang ka lang kung wala siya sa harap mo. Pero kapag nandiyan na, tyope ka na. Burado ang lahat ng tapang mo Mabilis pa sa alas kwatro ang pag-urong ng bayag mo. Daig mo pa ang damong makahiya. Hindi ka pa nasasanggi tumitiklop ka na. Para kang tanga. Duwag! Puro ka porma wala ka namang binatbat!" kantyaw n'ya sa sarili. Tumawa s'ya nang malakas pagkatapos. Isang hungkag na halakhak.
Tinagayan n'yang muli ang sarili. May dala s'yang basong plastik at isang pitsel na may lamang tubig. Bumili lang s'ya ng kornik bilang pulutan. Malakas ang paglagatok ng matigas na butil sa mariin n'yang pagkagat. Waring doon ibinubunton ang nararamdamang inis at panggigigil. Muli s'yang tumagay. Nasamid s'ya sa magkasunod na likidong nilagok kung kaya pinagtawanan n'ya uli ang sarili. Sa pagtawang 'yon ay natingala n'ya ang langit.
Pinagmasdan niya ang malawak na ulap. Ang nagkikislapang mga bituin. Lumamlam ang kanyang mga matang kung maliwanag lang ay makikitang pulang-pula dahil sa pagpipigil na mapaluha. Lalaki s'ya, hindi dapat umiyak. Hindi dapat maging mahina. Ngunit hindi na niya kayang kimkimin ang laman ng dibdib; ang mga hinanakit. Hindi siya kumukurap habang nakatitig sa langit. Animo may nakikitang imahe at saka sinimulan itong kausapin nang malakas, pasigaw.
"Parehas naman ako 'di ba? Wala akong inaagrabyadong tao. Kung may magagawa ako kahit sa pinakamaliit lang na paraang kaya ko ay nakakatulong naman ako sa iba. Gusto kong makapagpasaya ng kapwa ko. Mapagmahal naman akong ama, asawa. Kahit wala akong pinag-aralan, masipag naman ako at matyaga. Pero wala namang nangyayari. Wala't-wala pa rin. Kahit anong sikap, kulang pa rin. Hindi ka naman pantay kung magmahal sa mga nilikha mo, eh!'' Reklamo n'ya sa Diyos
''Magnakaw? Ako, magnanakaw para lang magkaroon ng maraming pera? Tang-ina, hindi ko kaya y'on. Alam mo naman 'yon, 'di ba? Supultorero lang ako. Sa pagsusuot lang ng mga nitso malakas ang loob ko. Pero ang sumuot sa bahay nang may bahay para magnakaw ay 'di ko kayang gawin. At lalong hindi ako interesadong matutunan. Duwag ako. Alam mo namang kay Eva nga lang naduduwag na ako, s'ya pa lang ang kaharap ko kinakabahan na 'ko, sigaw pa lang n'ya natataranta na 'ko, mga pulis pa kaya? Ano na ang gagawin ko? Bakit napakahirap naman ng sitwasyong pinalagyan mo sa akin? Bakit ganitong klaseng buhay ang ibinigay mo sa akin?" Nag-unahang maglandas sa kanyang pisngi ang mga luhang 'di na n'ya pinigil. Masakit na ang dibdib n'ya, pakiramdam n'ya ay sasabog na 'yon sa sobrang sakit. Awang-awa na siya sa sarili at kung hindi mapawawalan ang nararamdaman ay baka mabaliw na siya.
"Mahal na mahal kita, Eva! Putang-ina, mahal na mahal kita! Bakit ginaganito mo 'ko? Bakit nagagawa mo akong insultuhin? Bakit mismong sa bibig mo pa nanggagaling na wala akong silbi? Hindi ba ang dapat, palakasin mo ang loob ko? Hindi ba ang dapat, alalayan mo 'ko? Asawa mo 'ko, 'di ba? Karugtong ng buhay mo? P-pero bakit ni katiting na pagrespeto sa akin hindi mo magawa? Palagi mo akong minamaliit! Palagi mo na lang akong sinusumbatan. Wala ka na bang pagtingin sa akin? Wala na ba ang pag-ibig mo para sa akin? Wala na ba, ha?!"
Pagkatapos ay muli n'yang sinalinan ang baso, animo uhaw na uhaw na ininom ang laman, muling sinalinan at muling ininom ang likidong nararamdaman na n'yang tumatalab.
''Hahahaha!'' halakhak n'ya habang umaagos pa rin ang luha sa mukha. ''Domeng, wala ka talagang silbi! Hindi ka makahanap ng matinong trabahong malaki ang sweldo! Hindi mo rin kaya ang magnakaw! Ano na lang ang kaya mo? Wala? Paano mo mabibigyan ng maraming pera ang asawa mong kahit napakawalang kwenta ay mahal na mahal mo pa rin?! '' tanong n'ya sa sarili. "Ibenta mo na lang kaya ang isang bato mo. O kaya, para mas marami kang perang mapagbibilhan, ang kaluluwa mo ang ibenta mo sa dimonyo tutal naman impyerno na rin ang buhay mo! Mapunta ka man doon kapag namatay ka, eh sanay ka na!!'' Malakas niyang sigaw na sinundan ng malakas na pagtawa. Pagkatapos ay iiyak at muling tatawa.
Nahihilo na s'ya kaya humiga na. D'on na lang s'ya matutulog sa ibabaw ng nitso, hindi n'ya kayang maglakad pauwi."May maitutulong ba ako sa'yo, Domeng," tanong ng isang boses lalaki.
"H-huh!" sambit n'ya sabay bangon. Pilit n'yang inaaninag kung sino ang umiistorbo sa kanya. Kinuha n'ya ang kandilang nakatulos sa tabi at itinaas malapit sa mukha ng bagong dating.
Nakita n'ya ang isang matangkad at maputing lalaking nakatayo sa kanyang tapat. Ipinikit-dilat n'ya ang mga mata dahil nang tamaan ito ng liwanag ay nakita n'yang kulay dilaw ang mga mata.Natawa s'ya. "Kapitbahay ko siguro ang isang ito at kagaya ko rin na may problemang malaki," bulong n'ya.
"Halika pare, tumagay ka. Pasensya ka na nga lang at kaunti na lang itong pagsasaluhan natin,'' aniya habang sinasalinan ng alak ang basong plastik.
“May dala ako dito, baka magustuhan mo.” Sabi ng lalake sabay abot ng bote ng alak na alam n'yang pang-mayaman.
"Ayos to pareng---'', aniya habang inuumpisahang buksan ang bote.
"Alister ang pangalan ko sagot agad ng lalake kaibigan."Naupo na rin ito sa ibabaw ng nitso at sinimulan na nila ang inuman. Kanina lang ay parang masusuka s'ya sa dami ng nainom. Ano at nang matikman n'ya ang masarap na alak ay parang no'n pa lang s'ya mag -uumpisa. Sa bagong kakilala ay sinabi n'ya ang lahat ng sama ng kanyang loob.
"Matagal na akong supultorero dito. Walang nababago. Walang asenso. Kung sana sa t'wing may papasok na katawan sa loob ng nitso ay magkakaroon ako ng maraming pera, baka mayaman na ako! Tyak na mapapasaya ko na ang asawa ko. Maibibigay ko na sa kanya ang lahat ng magugustuhan n'ya. Pati ang nag-iisa kong anak ay mabibigyan ko ng magandang kinabukasan. Mangyari lang ang gan'on, kahit siguro buhay ko't kaluluwa ay buong puso kong ipagkakaloob sa dimonyo.'', aniya sa tindi ng pagdaramdam.
"MATUTUPAD, Domeng, cheers!" nakangiting sabi ni Alister na tinanggap naman ni Domeng sa pamamagitan ng pakikipagpingkian ng hawak na baso sa bote ng alak na hawak ng lalakeng ang matang kulay dilaw ay kumikislap.
PAUNAWA
Ang buong kuwento ng librong ito ay inyong mababasa sa www.dreame.com
Hope to see you there. Follow mo na rin ako. Thank you, beh. :)
BINABASA MO ANG
Bakanteng Nitso
HorrorSi Domeng ay isang sepulturero. Siya na rin ang ginawang tagapagbantay sa sementeryong malapit sa kinatitirikan ng maliit niyang bahay. Dahil sa mga patay kaya nagagawa niyang buhayin ang kanyang pamilya. Maliit man ang kanyang kinikita ay hindi nam...