Pinilit kong ipikit ang mga mata ko at nag concentrate sa pagtulog. Napalunok ako sa inis dahil kahit anong gawin ko ay pumapasok ang mga walang kwentang pangyayari sa buhay ko. Katulad na lang ng kung bakit kami iniwan ni papa, bakit ang pangit ko, bakit maraming pekeng tao? Kahit ano na lang ay naiisip ko.
Dumilat ako at bumangon. Sumasakit na ang ulo ko sa daming naiisip at inaantok na ang mga mata ko. Pero ang utak ko ay sobrang hyper! Kakainis.
Huminga ako ng malalim at napasabunot sa buhok ko. I'm pissed. Pangatlong gabi na ito. Sa umaga lang ako bumabawi ng tulog. Para tuloy akong paniki. "Ang mabuti pa, Eve, ay itigil mo na ang kalokohang ito. Kahit anong gawin mo ay hindi ka makakatulog!"
Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa kama at isinuot ang hoodie ko paired with my gray sweatpants, Ironman socks, and crocs. Kalmado akong naglakad pababa sa hagdan ng hindi nalalaman ni mama hanggang sa makalabas ako sa gate.
Naisip kong maglakad-lakad muna at baka mahanap ko ang spirit of sleep. First time kong gagawin ito at hindi ko alam kung bakit ako hindi natatakot na baka may gumawa sa akin ng masama. All i know is just i'm safe tonight.
Actually, hindi ko talaga alam kung saan ako papunta. Pero dahil patay gutom ako ay pupunta ako sa 7/11. Para iwas tao. Pagpasok ko doon ay nagulat pa sa akin ang cashier bago nag-sorry.
Bumili lang ako ng biscuits, milks, junk foods and pan. Pagkatapos kong magbayad ay lumabas ako at naglakad na papauwi pero binagalan ko ang lakad.
Hindi ko alam kung bakit nangyayari sa akin ito. Dati ay sagana ako sa puyat pero nakakatulog pa din naman pero ngayon tangina hindi na. Hindi ko na talaga alam. Gabi-gabi bago ako matulog ay pinagdadasal ko na sana ay makatulog ako kahit dalawang oras lang. Okay na. Basta maranasan ko lang ulit na makatulog sa gabi. Nagsisisi ako sa mga gabing sinayang ko kakapuyat dahil sa social media.
Pero recently bago ako hindi makatulog ay madalas kong mapanaginipan ang isang lalaki. Hindi ko makita ang mukha dahil blurred. Pero matangkad, malaki ang katawan, naka-hoodie, jeans, at shoes sya. Naglalakad sa isang madilim na kalsada habang nakapasok ang mga kamay sa bulsa ng hoodie nya. Lagi lang syang naglalakad. Ewan ko ba kung bakit. Pero isa lang ang naging palatandaan ko sa kanya. Ang tindig at hugis ng katawan nya. Tingin ko ay kaedad ko lang din sya. I'm nineteen years old.
Kinuha ko ang malaking piattos at isinabit sa bisig ko ang plastik ng 7/11. Nagtitingin-tingin ako sa paligid na medyo maliwanag dahil sa ilaw ng poste. Dumapo ang tingin ko sa taong nakatayo sa gilid ng kalsada. Sa ibaba noon ay may ilog. Malalim na ilog.
Napahinto ako at pinagmasdan lang kung anong gagawin nya. Don't tell me makakasaksi ako ng suicide? Tumakbo ako papunta sa kanya ng akma syang tutuntong sa railings. Napalingon sya sa akin ng pinigilan ko sya.
"Magpapakamatay ka ba, kuya?" Nagugulat na tanong ko.
Hindi ko gaanong kita ang mukha nya dahil nasa likod namin ang ilaw ng poste. Naiilawan lang ang matangos nyang ilong at magandang panga nya.
"Huwag mo akong pipigilan." Masamang sabi nya.
"P-pero nakita na kita kaya hindi ko hahayaang makita kang kinakain ng mga dilis sa ilog! Makokonsensya lang ako! Kung ano man ang problema mo, pwede natin pag-usapan!" Nag-aalangan akong hawakan sya kasi hindi naman kasi close pero tsaka na lang siguro kapag tatalon na sya.
"Miss, we don't know each other." Sarkastikong paalala nya.
"Kailangan bang maging magkakilala tayo bago kita tulungan?" Nahihibang na tanong ko sa kanya. Patawa naman 'to. Pero kahit na baliw sya sa paningin ko ay inilahad ko ang palad ko sa kanya. Kumunot ang noo nya at tinaasan ako ng kilay. "I'm Eveanne Gomez. And you are?"