photo by Molly Belle / Unsplash
Nasa backstage na si Reah at ilang minuto na lang bago mangyari ang isa sa pangarap niya. Ang mainterbyu sa isang sikat na TV Show. Ito ang kanyang unang pagkakataong maranasan ang lumabas sa telebisyon. Isang baguhang direktor si Reah. Umingay ang kanyang pangalan dahil sa pagbibigay niya ng mga kakaibang wakas ng kanyang kwento. Kaya kahit mag-iisang taon pa lang bilang direktor, hindi nahirapang makapasok si Reah sa industriya ng mga tinaguriang batikang mga aktor at aktres, lalong-lalo na ang iba't ibang mga direktor.
Ilang sandali ay narinig na ni Reah ang pagpapakilala sa kaniya.
“How do you started this craft, Miss Reah?” tanong ng host nang marinig ang go signal ng staff. Napangiti si Reah habang pinoproseso ang unang tanong sa kaniya. Bumuntong-hininga siya at binalikan ang unang karanasan.
Tipikal. Lumaki si Reah sa iskwater area. Ulila sa ina kaya mag-isang kasama ang adik na ama. Hindi siya nakatikim ng pagmamahal mula rito. Pambubugbog yata ang paraan ng ama ni Reah upang magpakita ng pagmamahal. Nag-aaral naman siya nang mabuti.
Hayskul si Reah nang madiskubre ang matinding pagmamahal sa entablado. Hindi bilang direktor ang mga unang pagkakataon na magtanghal. Isa siya sa mga gumaganap sa dula. Nang magkolehiyo, nagpatuloy pa rin siya sa mga organisasyong pang-sining sa eskwela, ngunit hindi na bilang aktor, kundi bilang isa sa mga direktor. Dumating ang oras na ayaw niya nang may kahati sa pagiging direktor. Isa siyang kinaiinisan na direktor, ani ng mga kasabayan niya noon, pero sa huli ay umaani ng parangal at papuri sa iba't ibang guro.
“Mga propesor ko lang ang may gusto noon. Hindi ang mga estudyante. Hindi swak sa kanilang panlasa.” dagdag ni Reah. Matagal nang tanggap ni Reah na mahirap tanggapin ang gusto niya. Magsisimula ang listahan ng mga taong iyon sa kaniyang ama.
“Ngunit hindi ba, isa sa mga faktor na may malaking impluwensya sa pagiging mahusay na direktor ay ang panlasa ng mga manunuod?”
Tumango si Reah sa kausap.
“Oo, tama 'yon. Ngunit minsan, mas epektibo kung isinasaksak mo sa bunganga ng mga manunuod ang katotohanan. Wala na silang magagawa kundi ang lumunok na lamang.”
Humalakhak ang host sa kanyang sinabi.
“But, Miss Reah, I heard you have a boyfriend? Despite of making unhappy ending movies, you are very happy with your long-time boyfriend, I guess?”
Si Reah naman ang humalakhak para doon. Limang taon nang kasintahan ni Reah si Joey. Nagkakilala sila noong magkolehiyo si Reah. Mahilig din sa sining ang binata kaya hindi malayong mahulog ang loob ni Reah. Tipikal na love story muli.
Sa kalagitnaan ng love story nila, Joey cheated on her. Nagloko si Joey para sa bestfriend ni Reah. Nanahimik si Reah sa loob ng maraming taon, well... hanggang ngayon. Naranasan niya ang matinding hinagpis sa relasyon nila ni Joey. Sa mga unang araw nang malaman niya iyon, gusto niyang makipaghiwalay. Ngunit umuurong ang kaniyang loob. Mahal na mahal niya si Joey. Isang pangkaraniwang istorya ng pag-ibig ang meron sa kanya sa totoong buhay.
Magkakakilala. Masaya nang sandali. Magmamahalan. Magkakasakitan. Hindi na masaya sa mga araw na nalalabi.
Hindi naman dito nagsimula ang pagsulat niya ng mga malulungkot na istorya. Tungkol sa sarili, sa pag-ibig, pagkakaibigan, lipunan at iba pa. Dahil noon pa man, kalupitan na ang naghihingay sa kanya.
Para kay Reah, ang mga likhang kwento at tunay na buhay ay iisa. Parehas dapat malupit sa damdamin. Ang kaibahan, ang mga kwento, kahit masakit ay nagwawakas. Hindi tulad ng buhay na walang kamera, walang script, walang binabayarang artista— walang hangganan ang pananakit ng tunay na buhay.
Tinignan ni Reah ang malaking screen sa hindi gaanong katagong bahagi ng silid. Iyon ang duration time ng interview. Ngumiti siya. Kung tatanungin mo kung anong isinagot ni Reah sa tanong tungkol sa kasintahan, “hindi masaya, hindi malungkot, sakto lang.”
“Well, uhm... that's a deep answer.” tumango-tango ang host, sa tingin niya'y sinasabi, Miss Reah can you please elaborate that—
“Para sa huling katanungan, Miss Reah,” alanganing pagpapatuloy ng host, “ano ba ang sekreto sa paglikha ng ganitong mga klaseng istorya?”
“Simple lang. Huwag kang maging maligaya.”
YOU ARE READING
Kung Bakit Hindi Happy Ending
Short StoryKoleksyon ng mga maikling kwentong walang happy ending pero bakit? story cover: photo by Stephany Lorena / Unsplash edited by: @selyang_talukap