Epilogo

52 10 9
                                    

Isang buwan.

Isang buwan na ang nakalipas magmula ng nakabalik ako sa mundong kinabibilangan ko—sa Varsena.

Nung gabing nakabalik ako dito, hindi ko alam ano ang madadatnan ko. Kung lumipas ba ang oras. Kung ano ang mga nangyari nung panahong wala ako dito. At… kung wala na ba akong lolo Magnus na madadatnan.

Pero nagising akong ganoon pa rin ang lahat. Gabi pa rin iyon ng parada ng mga ilaw. Nasa loob pa rin ako ng silid na nasa ikaapat na palapag. Ang kaibahan nga lang, wala na ang mga pintuang nakalutang. Ako lang na nag-iisang nakahandusay sa isang malamig at madilim na silid.

Nung panahon na yun, naisip ko, nanaginip lang ba ako? Gawa-gawa lang ba ng malikot kong guni-guni ang mga nangyari sa akin? O, totoo talagang napunta ako sa ibang mundo?

Hindi ko na naisipan pang ikuwento sa iba ang nangyari sa akin. Naguguluhan kasi ako. Minsan nga’y sinubukan ko pang kumausap ng mga halaman para malaman kung totoo nga ba ang kakayahan ko sa naging ‘panaginip’ ko. Pero, wala. Walang anumang boses ang aking narinig.

Minsan, binabagabag pa rin ako ng mga alalaala galing sa mahaba at kakaibang panaginip na yun. Sina mama, sina Ria, ang pagkamatay ni lolo Magnus, ang kwintas, ang mga halaman, at si Ridge…

Sa tuwing naaalala ko siya, nakakaramdam ako ng totoong kirot sa dibdib. Para bang buhay na buhay ang alaala naming dalawa. Dala pa rin ba ito ng guni-guni ko?

“Oh apo, ang lalim ata ng iniisip mo, baka malunod ka na niyan.”

Naramdaman ko ang pagtabi sa akin ni lolo Magnus. Andito ako sa may veranda ng bahay. Hinihintay ang paglubog ng araw. Bukas kasi ay babalik na kami sa bayan namin. Babalik na ako sa dating buhay namin. Sa bahay namin na walang mga mahiwagang pintuan.

“Lo, pwede po bang magtanong?”

Inayos ni lolo ang kanyang lumang salamin bago tumingin sa akin at ngumiti.

“Ano yun Seri?”

Napabuntong-hininga ako bago nagsalita.

“Posible po kayang totoo ang isang… panaginip? O guni-guni? O imahinasyon? O… ewan ko ba.”

Habang nagsasalita ako. Hindi nagbago ang ekspresyon sa mukha ni lolo Magnus. Para bang… alam niya ang mga sinasabi ko. Nagsalita ito sa akin.

“Apo, alam mo ba kung bakit ipinagbawal ko sa inyo ang pag-akyat sa pang-apat na palapag?”

Umiling ako.

“Alam kong alam mo ang ibig kong sabihin Seri.”

“Hindi ko po naiintindihan lo.”

Ngumiti siya sa akin at hinawakan ang aking mga kamay.

“Dahil sa… mahika.”

Nanlaki ang mata ko sa sinabi ni lolo. Mahika? Kung ganun… posible kayang totoo ang… lahat?

“M-mahika?”

Isang ngiti lang ang isinagot ni lolo bago ito tumingin sa malayo.

“Nung unang panahon, bago itayo ang bahay ng ating nga ninuno, dating tirahan ng mga mahihiwagang Zeminid ang kinatatayuan ng bahay. Ang mga Zeminid ay kilala dahil sa kanilang kakaibang anyo at pagluha. Noon, akala ng nga tao’y ordinaryong ibon lang ang mga ito. Panahon ng digmaan, nasira ang lahat. Pati na ang kahoy na tirahan ng mga Zeminid. Lingid ito sa kaalaman ni Apo Enriquetius nang nagpasya siyang ipatayo ang bahay. Nagulat nalang sila nang makakita ng mga asul at gintong balahibo sa paligid ng bahay. Natuklasan nilang may nananahanan palang Zeminid sa kanilang bahay. Kaya’t nagpasya siyang gumawa ng sariling lugar sa bahay para sa mga mahihiwagang ibon.”

“Ang ikaapat na palapag…”

“Tama Seri, ang ikaapat na palapag ng bahay ang ginawang tahanan ni Apo para sa mga mahihiwagang ibon. Mataas, malayo sa mga mapang-abusong mata ng mga tao. Di nagtagal ay natuklasan nila Apo ang kakaibang kapangyarihan ng mga Zeminid, kaya nilang lumikha ng mahika. Kaya naman sumulat si Apo ng aklat tungkol dito, tungkol sa mga mahihiwagang katangian at kakayahan ng mga Zeminid, subalit nang pumanaw si Apo Enriquetius, nawala rin ang aklat. Palaisipan pa rin hanggang ngayon kung nasaan ang aklat tungkol sa mga Zeminid. Panahon ng taglamig noong ika-16 siglo, unti—unting nagkasakit ang mga Zeminid hanggang sa tuluyang naubos ang lahi nila. Pero hanggang ngayon, nanatili ang kanilang mahika sa ikaapat na palapag. Mahikang inukit ng panahon. Mahikang hindi maipaliwanang. Mahikang delikado.”

“Delikado? Bakit delikado lolo?”

“Alam ko ang pinagdaanan mo Seri. Hindi mo ba matatawag na delikado iyon? Muntik ka ng mawala.”

Napatigil ako sa sinabi ni lolo. Kung ganun, alam niya pala?

“P-patawad po lolo. Hindi ko po sinasadya.”

“Ang lahat ng nangyayari ay sinasadya ng tadhana. Alam kong may dahilan kung bakit nangyari yun sa iyo Seri. Subalit hindi ko lang alam ano ang tiyak na dahilan.”

Matapos ang pag-uusap naming iyon ni lolo Magnus. Napakaraming mga katanungan ang nabuo sa isipan ko. Ang lalim pala ng kasaysayan ng bahay na iyon. Pero nagtaka ako, nung gabi na parada ng mga ilaw, hindi ba’t sabi ni lolo Magnus na galing sa luha ng mga Zeminid ang langis namin? Eh akala ko ba wala ng mga Zeminid? Ano ba talaga? Paniniwalaan ko ba ang lahat ng sinasabi ni lolo Magnus?

Hindi ko namalayang dinala na pala ako ng mga paa ko sa may hardin ng puebla. Ang gandang tingnan ng lahat. Papalubog na kasi ang araw kaya’t nagkukulay gintong kahel ang kalangitan. May mga batang nagtatakbuhan, mga kabataang tumutugtog ng harmonica’t gitara at mga magkasintahang naglalakad-lakad lang.

Napasipa na lang ako ng maliit na bato. Hindi ko na rin maintindihan ang mga nangyayari. Ang daming lihim. Ang daming kasaysayan. Ang daming hindi sigurado. At nagsimula ang lahat ng ito nang binuksan ko ang pintong iyon.

Dapat hindi na lang ako umakyat.

Dapat hinintay ko na lang si Ria.

Dapat nanatili na lang ako. Dapat---

“Tabi!”

Aray. Nadapa ako sa may gilid ng daanan. Hindi ko alam ang nangyari. Basta ang alam ko, nagdudugo ang tuhod ko. Dugo!

Nagsimula na namang magtubig ang mga mata ko. Ayoko talaga sa dugo!

“Oy ayos ka lang?”

Lumapit sa akin ang isang lalaki. May dala itong bisekleta. Hindi na ako tumingala para tingnan kung sino ito dahil okupado ako ng dugong nasa tuhod ko.

“Oy umiiyak ka ba?”

Hindi ako umimik.

“Hay. Pasensya na, ikaw kasi ayaw mo tumabi ayan tuloy. Patingin nga ng sugat mo. O mababaw lang naman pala. Wag ka na umiyak. Hindi naman nabagok ulo mo diba? Kaya ayos lang yan. Prente lang tayo.”

Aba. Kung makapagsalita. Tatayo na sana ako nang maramdaman ang isang panyo sa tuhod ko.

“A di ko alam pa’no gumamot ng sugat kaya ikaw na lang magtali niyan. May pupuntahan pa ako eh.”

Nagsimulang maglakad paalis ang lalaki. Pero teka nga. Bakit pamilyar ang boses niya? Lalo na nung sinabi niyang, wag akong umiyak?

“Ipangako mo sa ‘kin na di ka na iiyak ulit…”

Kaya naman dahan-dahan akong tumingala at tiningnan ang papaalis na lalaki.

“Sandali!”

Tumigil siya at lumingon sa akin.

Ang mukhang iyon…

“R-ridge…”

---------------------------

ParallelTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon