Try to play the video in multimedia section to have a creepy background music while reading. :)
Ang kuwentong ito ay totoong nangyari kay Xander. Pinalitan ko lang ang pangalan ng mga tauhan upang mapangalagaan ang kanilang pribadong buhay, ito ay hango sa mga totoong pangyayari. Maglalakas loob ka pa bang humiga sa DUYAN kung habang natutulog ka ay may nilalang na nakatitig at gustong maglaglag sa iyo?
It happened somewhere in Rizal. Niyaya si Xander ng kaibigan niyang si Melvin upang surpresahin ang kasintahan nitong nagdadaos ng ika-dalawampu't isang kaarawan. Tatlong taon na silang magkaibigan simula noong lumipat siya sa paaralang pinapasukan din ni Melvin, siya ay ipinanganak at lumaki dito sa lungsod ng Marikina.
"Samahan niyo naman ako, first time ko kasing bibisita sa bahay nina Maya. Natatakot ako sa tatay niya, baka habulin ako ng itak kapag nakita ako nun." Text ni Melvin sa mga kaibigan. "Sige, basta ba libre mo ako ng pamasahe eh." Sagot ni Xander sa text ni Melvin. "Ok. Huwag ka lang maingay kina Mark at Raven na ililibre kita ah. Baka magpalibre din ang mga ‘yun kapag nalaman nila." Reply ni Melvin. “Saan ba magkikita? Tsaka anong oras? Baka naman isang oras na naman kayong late sa usapan niyan.” Text ni Xander sa kaibigan. “Sa bayan na lang tayo magkita, sa fountain. Alas-dose, sharp, dapat nandun na lahat. Bawal pa-importante kung ayaw maiwan.” Sagot ni Melvin. "Sige, kakain at maliligo lang ako. Text na lang kita kapag nakasakay na ako ng Jeep." Ayun ang huling sagot niya sa kaibigan bago binaba ang hawak na lumang cellphone.
Naligo at agad na nagbihis si Xander, nagmamadali siyang nagtungo sa lugar na kanilang napag-usapan upang hindi sila gabihin sa daan. Apat silang magkakaibigan na pumunta kina Maya, medyo matagal ang biyahe kaya't hapon na nang dumating ang mga ito sa bahay nina Maya.
“Magandang hapon po.” Bati ni Melvin sa tatay ni Maya na nagbabasa ng dyaryo sa kanilang sala. “Oh, magandang hapon din. Siya na ba ‘yun, anak?” Baling ng tatay ni Maya sa kaniya. “Opo Pa. Si Melvin, boyfriend ko. Si Xander, si Mark at Raven naman po, mga kaklase niya.” Tugon niya sa ama. “Magandang hapon po.” Sabay-sabay na bati ng tatlo. “Aba, ang guguwapo ah. Maupo kayo. Hainan mo sila ng pagkain anak, mukhang pagod sila sa biyahe.” Utos ng tatay ni Maya. “Sige po. Sandali lang ah, upo muna kayo.” Sagot ni Maya, sabay punta ng kusina upang kumuha ng makakain.
“Mabait naman pala yung tatay ni Maya eh. Tinawag pa tayong mga pogi.” Tatawa-tawang bulong ni Xander.
“Oo nga eh. Dapat hindi ko na pala kayo sinama.” Biro ni Melvin sa mga kaibigan. “Yabang nito. Sige uuwi na kami.” Kunwaring pagmamaktol ni Mark. “Biro lang.” Tugon ni Melvin sa kaibigan sabay tawa ng malakas.
Pagkatapos kumain ay ipinasyal sila ni Maya sa kanilang lugar dahil maganda ang mga tanawin dito, umakyat sila ng bundok at pumunta sa palayan. Nakipaglaro din sila sa mga kambing at mga kabayong nakita nila sa daan. Bago magdilim ay bumalik na ang grupo sa bahay nina Maya upang maghapunan at baka daw makagambala pa sila ng mga hindi nakikitang nilalang. Pagkatapos kumain ay may iba pang bisitang dumating si Maya at nagkayayaan silang uminom ng alak, karamihan sa kanila ay dating mga kaklase ni Maya.
Pumuwesto sila sa isang kubo na malapit sa ilog na halos katabi lang ng bahay nina Maya. Madilim at maraming puno sa kanilang lugar. Walang mga posteng magbibigay ng ilaw. Tanging ang liwanag lang ng buwan at ang ilaw sa kubo ang nagbibigay ng liwanag sa buong kapaligiran. Hindi sanay uminom si Xander kaya't nagsabi siyang huwag na siyang bigyan ng tagay, ngunit naging mapilit ang kaniyang mga kaibigan at nakantiyawan pa ng ibang mga bisita ni Maya, kaya kahit labag man sa kaniyang kalooban ay pinagbigyan na niya ang mga ito. Dahil nga hindi sanay uminom ay madali siyang tinamaan ng iniinom na alak. "Ano kaya mo pa?" Tanong sa kaniya ni Melvin. "Nasusuka na ako. Gusto ko na matulog, uwi na tayo." pipikit-pikit na sagot ni Xander kaya't nagyaya na siyang umuwi. Narinig naman ni Maya ang pinag-uusapan ng magkaibigan kaya't sumabat na ito. "Bukas na kayo umuwi. Ipapahatid ko kayo sa Cainta para dun na kayo sumakay pauwi. May duyan diyan, gusto mo bang magpahinga muna 'dun?" Alok sa kaniya ng kasintahan ni Melvin. Dala ng hilo at antok ay pumayag si Xander na matulog muna sa Duyan habang nagiinom ang mga kaibigan niya. Kahit medyo malayo ang duyan sa kubo at mag-isa lang siya ay hindi natakot si Xander, hindi naman kasi likas na matatakutin ang binata. Nakita ni Xander na may poso pala sa tabi ng duyan. Kumuha siya ng tubig sa poso at naghilamos upang mawala ang nararamdamang pagkahilo.
BINABASA MO ANG
Duyan
HorrorAng kuwentong ito ay totoong nangyari kay Xander. Pinalitan ko lang ang pangalan ng characters para mapangalagaan ang kanilang pribadong buhay. Ito ay walang halong imahinasyon. Hihiga ka pa ba kung habang natutulog ka ay may nakatitig at may guston...